Advertisers

Advertisers

FASHION DISASTER

0 263

Advertisers

NATAKOT ako nang mabasa ko ang pahayag ni Loraine Badoy tungkol sa desisyon ni Judge Marlo Magdoza-Malagar ng Manila Regional Trial Court Branch 19 na ibinasura ang petisyon ng DoJ noong 2018 na ideklara ang CPP at NPA na mga grupong terorista. Ginamit ng DoJ ang Section 17 ng R.A. 9372, o Human Security Act (HSA) ng 2007. Ginamit na halimbawa ng DoJ ang siyam na na insidente ng pagpatay, pagtangkang pagpatay at pagdukot na nangyari noong 2019-2020 sa Agusan del Sur, Surigao del Sur, Bukidnon, Misamis Oriental at Cagayan de Oro City- lahat sa Mindanao. Ayon sa hukuman, bagama’t ang mga insidente ay maituturing na terorismo, hindi ito masasabing gawa o tumutukoy sa grupong CPP-NPA. Ayon sa mga saksi, nakita nila ang isang grupo na nakasuot ng itim. Napatunayan ng hukuman na hindi sapat na ebidensyang mga CPP-NPA ang nagsagawa nito, at dahil dito, pinawalang-bisa ang petisyon ng DOJ.

Si Judge Magdoza-Malagar mismo ang nagbabala tungkol sa panganib ng pag-red tag: “To automatically lump activists, mostly members of the above ground organizations as members of the CPP-NPA invariably constitute red-tagging…”Aniya, nakatakot ang ma-red tag dahil lamang may hinala na ikaw ay kasapi sa grupong terorista.

Agad umalma si Badoy at mga kasapakat at ni-red tag si Judge Magdoza Malagar. Hindi natapos sa pag-red tag, nagbitaw ps siya ng babala: “So if I kill this judge and I do so out of my political belief that all allies of the CPP NPA NDF must be killed because there is no difference in my mind between a member of the CPP NPA NDF and their friends then please be lenient with me…” Opo, nakakatakot, dahil bukod sa kahibangan po ito, ang pagbabanta o “grave threats,” ay may kalakip na kulong ayon sa Revised Penal Code.



Pero ang nakakatakot ay dahil walang ipinagkaiba itong si Badoy sa mga kasapakat ni Hitler noong panahon ng mga Nazi. Pwede kang patayin dahil lamang sa hinala. Pwes, parang Nazi si Badoy dahil sa isip niya, kapag hinala niya terorista ako dapat ako mamatay? At dapat ako mamatay ako dahil taliwas ang pananaw ko sa pananaw niya?

Wala rin ipagkaiba sa pananaw ng nakatattoo sa pwet niyang si Duterte, dahil tulad ng serial killer na yan, may kakayahan siyang mambuyo at mang-uto ng isagawa ng maitim niyang balak.

Ang mga katulad ni Badoy ay maihahalintulad sa mga asong ulol na walang alam gawin kundi mangagat at ikalat ang kanilang sakit. Ayon kay Teddy Casiño, ginagamit niya ang SMNI ni Apollo Quiboloy bilang plataporma upang ilunsad at ikalat ang propaganda nila.

Paalala ko lang sa iyo, Badoy, ang may ari ng platapormang kinatatayuan mo ay wanted ng Federal Bureau of Investigation ng Estados Unidos. Tinitiyak ko sa iyo nabibilang na mga araw ng kalayaan niya, at hindi haka-haka o suspetsa ito. Walang kaduda-duda, matutunton at mananagot siya.

Pati ikaw Badoy, darating ang panahon na mananagot ka rin sa kabulastugan na ginagawa mo, sampu ng iyong mga kasapakat. Walang kaduda-duda yan.



***

ILANG linggo na ang kilos-protesta dahil sa pagpatay kay Mahsa Amini 22 taong gulang ay hinuli ng mga “morality police” noong namamasyal sila ng kapatid niya sa Tehran Setyembre 13. Ayon sa mga pulis tumigil daw ang puso ni Mahsha at namatay habang nakapiit. Pero hindi naniwala ang ama ni Mahsha at sinabing walang sakit ang anak niya, taliwas sa sinabi ng mga pulis. Dahil dito nagsagawa ng malawakang kilos protesta ang mamamayan ng Teheran, na kumalat na rin sa ibang lugar, partikular sa Saquez, bayan ni Mahsha na isang Kurd.

Ang “morality police” ng Iran ay notoryus sa pagiging marahas at bayolente. Nananakit sila kapag nakita ang babaeng walang saplot, o mali ang pagsusuot ng hijab. At ang balita hinampas ang batuta at inuntog ang ulo ni Mahasha sa isang hood ng isang sasakyan nang sitahin siya sa hindi maayos na suot niya ng hijab.

Matagal nang nagtitimpi ang mga Iranian sa trato sa kanila ng kanilang pamahalaan, at ngayon ang pagtitimpi nila ay maaaring sumambulat ng tuluyan, kaya kinakabahan ang mga namumuno. Sa iba’t ibang panig ng bansa nila may kababaihang nagsusunog ng kanilang hijab at chador bilang protesta. Hindi lang kababaihan, pati kalalakihan nagpoprotesta sa marahas na pamamalakad sa ilalim ng kanilang pamahalaan.

Ang nakakasama dito, ang mahigpit na pananamit ng kababaihan ay kailangan suriin pa ng kanilang “morality police” na napatunayan maging karapatang pantao, hindi gagalangin masunod lamang ang mahigpit nilang batas. Sa totoo lang sumobra ang pagpataw ng ng kanilang batas.

Maging si Sayyid Ebrahim Raisolsadati, na mas kilala na Ebrahim Raisi, presidente ng Iran, inisnab si Christiane Amanpour ng CNN dahil wala siyang panaplot sa bumbunan. Nakakatawa at nakakabagabag dahil ang mga katulad ni natatakot silang humarap sa isang babaeng walang saplot sa bumbunan.

Nakakabagabag dahil ang kanilang pagiging “hardline Islamic Republic” ay kumikitil sa karapatan ng kanilang kababaihan mula 1979. Walang isyu sa akin ang pananampalataya mo, pero pag pinupuwersa ka na ang mga religious leaders na magsuot ng baro ayon sa inyong estriktong pananaw ng moda.

Nararapat siguro ang mga religious leaders na ito ang magsuot ng chador nang maramdaman nila ang maglakad sa init ng araw na nagpaparang nakasarang payong itim na litaw lang ang mukha. Walang problema sa akin kung ang pagsuot ng hijab o chador, pero dapat ito desisyon ng nagsusuot at nagsusuot lamang.

Dapat malaya ang babae makapili ng estilo ng pananamit at hindi ito dapat tinitimon ng iba; babae man o lalaki, na manghambalos sa bumbunan dahil hindi nakasuot ng baro na katulad ni Kaonashi ng Studio Ghibli. Hindi lang ito OA na pananaw ng OC; “fashion disaster” ito.

Masasabi ang kinahihinatnan ng liderato ng Islamic Republic of Iran ay nagbunga sa isang “fashion”disaster” na nauwi sa isang malawakang kilos-protesta na ikinababahala ngayon ng kanilang liderato. Aral ito sa mga lider na katulad ni Raisi, Putin, Kim Jong Un, at lahat ng katulad nila na patuloy sa pagkitil sa karapatang pantao.

Nakikiisa ang kolumnistang ito sa mga mamamayan na nasa ilalim ngayon ng mapang-aping rehimen. Harinawa magkaroon din kayo ng matino at makatarungang pamahalaan. Kasihan Nawa Kayo Ni Poong Kabunian.