Advertisers

Advertisers

Immigration ang salarin sa libu-libong illegal Chinese workers sa POGO

0 170

Advertisers

WALANG ibang dapat sisihin sa libu-libong illegal Chinese workers sa POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) na pinatatakbo ng mga banyaga partikular Intsik kundi ang Bureau of Immigration (BI).

Oo! Sigurado tayo na ang mga illegal Chinese worker na ito sa POGO ay “nagpadulas” sa Immigratrion kaya nakapasok sa bansa kahit kulang sa mga dokumento.

Hindi makakapasok sa Pilipinas ang mga banyaga kung hindi daraan sa Immigration. Mismo!



Ang pinakamasaklap pa rito, marami sa nagtatrabaho sa POGO ay may rekord ng kriminalidad, wanted sa kanilang bansa. Ibig sabihin ay hindi sinuri ng maigi ng taga-Immigration ang papel ng mga alien na ito nang pumasok sa Pilipinas. Kasi naglagay!

Kamakailan, natuklasang nasa 40,000 Chinese at Vietnamese ang nagtatrabaho sa POGO ng walang kaukulang papel. Tapos ang kompanya ng POGO na kanilang pinatatrabahuan ay wala ring permit, iligal! Katulad ng mga ni-raid ng NBI at Immigration sa Rizal at Pampanga kamakailan.

Ayon sa Department of Justice, umabot sa 170 kompanya ng POGO na iligal na nag-operate sa Pilipinas ang kanilang pinadlak!

At ang illegal workers dito na umabot sa 40,000 ay pinaplantsa nang i-deport.

Pero may malaking problema ang DoJ sa pagpa-deport sa mga Intsik na ito. Mahigpit ang Chinese government laban sa sugal. Bawal ang anumang sugal sa China. Siguradong makakatikim ng malupet na parusa ang mga Intsik na ito na iligal na nagtrabaho sa mga iligal na POGO.



Anyway, wala tayong paki anuman ang gawin ng China sa kanilang mamamayan. Batas nila yan!

***

Panahon ng Duterte administration nang bumaha ang mga Intsik sa bansa, kasabay ng pagsulputan ng mga bogus na kompanya ng POGO.

Hindi nga ba’t dito nakulong ang dalawang abogadong “bata” ni dating DoJ Secretary Vitaliano Aguirre na mga ka-brad nila sa fraternity ni ex-President Duterte matapos mangikil ng P50 million sa isang casino operator sa Pampanga, dahilan para maalis sa DoJ si wig man.

At dito rin nagisa sa Kongreso si Aguirre dahil sa “pastillas” scam, isa sa mga “tiket” ng pagpasok ng mga Intsik sa bansa nang hindi na sinusuri ng immigration ang kanilang dokumento sa airport.

***

Sa pagsulputan ng POGO, tumaas ang bilang ng kriminalidad – kidnapping, robbery, rape, murder – na kinasasangkutan ng mga Chinese. Sila-sila!

Kaya sa buwisit ng bagong DoJ Sec. na si Boying Remulla, ipinag-utos niya sa NBI na umagwat na sa POGO.

Ipinag-utos din ng DILG sa PNP na huwag nang makialam sa mga kaso na may kaugnayan sa POGO.

Bagay na ikinabahala ng Chinese Embassy sa bansa. Kaya nakipag-usap kay Sec. Remulla na i-rescue ang kanilang mamamayan na biktima ng mga pang-aabuso sa POGO. At dito natuklasan na 170 kompanya ng POGO ay walang kaukulang dokumento, hindi nagbabayad ng buwis, walang pakinabang ang gobyerno ng Pilipinas. Ang tanging nakikinabang ay ang mga protektor nito sa Immigration, NBI at PNP.

Sabi nga ng mga Senador, hindi kailangan ng Pilipinas ang POGO, sakit lang ito ng ulo. Oo! Ipasara na mga ito!