Advertisers
ISANG lalaki ang dinukot ng hindi bababa sa limang lalaki na sakay ng puting van sa Barangay 1, Cuenca, Batangas, Lunes ng gabi.
Ayon kay Police Captain Danilo Manalo Jr., hepe ng Cuenca Municipal Police Station, kinilala ang biktima na si Remdzen “Sandro” Laqui Sison, residente ng Brgy. Bungahan, Cuenca.
Ayon kay Manalo, sa kanilang inisyal na imbestigasyon, nasa lima o anim na lalaki ang dumukot sa biktima at sapilitang isinasakay sa puting van. Nire-review na nila ang mga kuha ng CCTV sa lugar para malaman kung saan lumusot ang mga kidnaper.
Blangko pa ang pulisya sa motibo ng mga kidnaper.
Samantala, sa Facebook post ng pamangkin ng biktima na si Nikki Sison, sinabi nitong isinakay sa Toyota Grandia Hiace ang kanyang tito maliban pa sa isang naka-standby na puti ring van.
Suot aniya ng kanyang tito ang puting sando at itim na short nang dukutin ito.