Advertisers

Advertisers

Security agency na sobrang delayed magpasahod dapat parusahan

0 189

Advertisers

NAAAWA ako rito sa isang security guard sa Cebu na nagawang mangholdap dahil tatlong buwan na raw siyang hindi sumusuweldo at may anim na anak na pinakakain at pinaaaral.

Base sa police report ng Aloguinsan Police Station sa Cebu, ang sekyu na si Reynaldo Sarquilla ay solong nangholdap ng gasoline station sa Barangay Bonbon, Aloguinsan nitong Lunes ng tanghali.

Nakunan ng CCTV ng gasoline station ang pangyayari, 12:32 ng tanghali. Solo na hinoldap ni Sarquillas ang gasolinahan. Wala siyang sinaktan, pera lang ang kinuha. Maliit lang naman na halaga, walang P5K.



Nasundan at nadakip ng pulisya si Sarquilla nang magpapalit na ito ng uniporme pagdating sa kanyang pinapasukan, Pinamungajan District Hospital.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Sarquilla na siya’y desperado na at hinoldap ang gasolinahan.

Si Sarquilla ay may anim na anak na pinakakain at pinaaaral. Simula July pa raw siyang hindi pinasasahod. Kailangan niya rin ng panggastos sa pagpasok sa trabaho araw-araw. Baon na baon na raw siya sa utang. Wala nang nagpapautang sa kanya… In short, gutom na sila.

Kung kayo sa lagay ng sekyu na ito, gipit na gipit na, ano ang gagawin nyo para mapakain ng kahit dalawang beses isang araw ang iyong pamilya?

Masama ang mangholdap, isa itong krimen. Pero sabi nga: “Ang taong nagigipit sa patalim kumakapit”. Mismo!



Ang kasong ito ni Sarquilla ay magsilbi sanang wakeup call sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Phillipine Association of Detective and Protective Agency Operators (PADPAO).

Parusahan ang mga agency na hindi nagpapasuweldo sa oras, wala sa minimum ang sahod, at sobra sobra sa oras ang duty pero walang overtime fee!

Oo! Napakarami ko nang natanggap na reklamo mula sa mga sekyu na binabalasubas ng kanilang agency. Mga agency na hindi nagre-remit ng SSS membership pero consistent ang kaltas sa suweldo ng sekyu, pinagdu-duty ng 12 hours (sa halip na 8 oras) pero underpaid o wala sa minimum, tapos sobrang delay magpasahod!

Tapos kapag nagreklamo ang sekyu sa DOLE, magsasawa lang ang sekyu sa pagpabalik-balik sa National Labor Relation Commission (NLRC) nang walang nakukuhang hustisya.

Kapag sa PADPAO naman nagsumbong ang sekyu, mapapahamak lang. Matatanggal ito at hindi na matatanggap sa ibang security agency. Magkakasabwat ang mga agency eh. Mismo!

SAGIP Partylist Representative Rodante Marcoleta, Sir! Puede nyo bang masagip ang mga sekyu tulad ni Sarquilla na binabalasubas ng kanilang agency kaya nagawang gumawa ng krimen para may maipakain sa pamilya?

Ipasara ang mga agency na hindi nagpapasuweldo sa oras, wala sa minimum ang suweldo at walang overtime fee. Let’s do it, Rep. Mar!

***

Sinisisi ng taga-Bulacan ang talamak na quarry sa bundok ng Sierra Madre sa malawakang pagbaha sa lalawigan. Tama!

Pero higit dapat sisihin ang mayor, gobernador at DENR na nagbigay ng permiso para mag-quarry sa pinakamahabang bundok (Cagayan – Quezon) sa Pilipinas.