Advertisers

Advertisers

Nasa mga kamay na ni PBBM ang bola kung iso-shoot ang BSKE o idribol uli sa sunod na taon

0 179

Advertisers

NAGSALITA na ang Kongreso tungkol sa isyu ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Gusto nila ipagpaliban uli ito sa sunod na taon, Disyembre 2023 mula sa nakaiskedyul na Disyembre 5, 2022.

Oo! Nakalusot na sa 3rd at final reading ng Kamara at Senado ang pagpaliban sa halalang barangay. Pangunahing nagsulong nito ang mga kadugo ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., ang kanyang ate Senadora Imee Marcos at pinsang House Speaker Martin Romualdez.

Pag-uusapan nalang sa Bicameral Conference Committee ang pagpapatibay sa panukala tapos kanilang raratipikahan at ipadala sa Office of the President para sa final say ni PBBM.



Nasa mga kamay na nga ni PBBM ang bola kung iso-shoot ang BSKE na nakatakda ng Disyembre 5, 2022 o idribol uli ito sa sunod na Disyembre 2023.

Kapag pinirmahan ni PBBM ang panukala ng Kongreso na ipagpaliban ang BSKE, ikalimang postponement na ito.

Unang na-postpone ang BSKE noong 2016 pag-upo ng grumadweyt nang presidenteng si Rody Duterte, tapos 2017, again 2018 at ngayong 2022. Saklap!

Ang rason ni Duterte nang una niyang ipagpaliban ang eleksyon noong 2016 ay linisin muna sa mga iligal na droga ang barangay, kungsaan nagdeklara siya ng ‘war on drugs’. Sumunod 2017, ang rason niya ay ‘war on drugs’ parin. At 2018, ginawang dahilan sa pagpaliban ang pagretoke sa batas sa barangay – pagbawal sa political dynasty at pagbago sa edad ng mga kakandidatong SK.

At dito sa 2022 postponement, ang palusot ng Kongreso ay gamitin muna ang pondo sa paglaban sa Covid-19 at para raw gumaling muna ang sugat na dulot ng nakaraang national elections. Fuck!



Isa pa sa mga rason ni Imee kaya niya ipinagpapaliban ang BSKE ay para retokehin uli ang batas dito, babaguhin ang termino ng barangay officials. Gagawing 5 years na may isang reelection o 6 years fix tulad ng sa Presidente. Ito’y para raw makatipid sa pondo. Sus!!!

Pero may isa pang sinabi si Imee. Naipangako na raw kasi ni PBBM sa mga barangay ang pagpaliban sa kanilang Eleksyon 2022. Araguy!!!

Pero kung pakikinggan ni PBBM ang higit 31 million na nagbalik sa kanila sa Malakanyang na nagsusumigaw na ituloy ang BSKE sa Disyembre, dapat ibasura niya ang panukala ng Kongreso na ipagpaliban ang halalang barangay. Mismo!

Yes! Halos siyento porsiyento ng mga naghalal kay PBBM ay gusto nang palitan ang ilan sa kanilang barangay officials dahil hindi na nagtatrabaho ang mga ito, naghihintay nalang ng honoraria.

Over-over staying na ang kasalukuyang barangay officials, Mr. President! Kaya paki-baril ang panukala ng Kongreso na ipagpaliban uli ang BSKE. Walang saysay ang kanilang mga rason. Ang boses ng mamamayan ang iyong pakinggan. ‘The voice of the people is the voice of God’. Mismo!

***

Malabo nang maipagpatuloy ang batas sa military modernization program na sinimulan noong 2012, panahon ni late President Noynoy Aquino.

Bakit? Kasi wala na raw pondo para rito, sabi ng senior defense and military officials.

Isa sa mga rason kung bakit mabibitin ang military modernization ay ang grabeng korapsyon ng nagdaan admin!