Advertisers

Advertisers

Gene Juanich bahagi ng regional Broadway musical na Once On This Island

0 1,052

Advertisers

Ni NONIE V. NICASIO

SOBRANG tuwa ng singer/songwriter na si Gene Juanich dahil nakasama siya sa regional Broadway production ng musical na Once On This Island.
Ang CDC Theatre’s regional Broadway production ng Tony Award winning musical na Once On This Island ay mapapanood sa October 7 – 22, 2022 sa CDC Theatre, New Jersey, USA.
Ito ay nanalong Best Revival of a Musical noong 2018 Tony Awards na ginanap sa Radio City Music Hall sa New York City. Mula ito sa panulat ni Lynn Ahrens at musika ni Stephen Flaherty. Ang original Broadway production ay ipinalabas noong 1990 at ang Broadway revival naman ay ipinalabas noong 2017 na ang batikang Broadway Diva na si Ms. Lea Salonga ang gumanap bilang Goddess of Love na si Erzulie.
Dito’y gagampanan ni Gene ang role ni Tonton Julian na isang adoptive father ni Timoune, ang bidang character sa musical. Ang role ni Tonton ay ginampanan ng batikang Grammy Award nominee na si Phillip Boykin noong 2017 sa Broadway revival nito.
Nabanggit ni Gene ang mga ‘di malilimutang experience rito.
Aniya, “Nakakakaba ang audition process at hindi uso ang paggamit ng minus-one or tracks dito. Kailangan mo ng music sheet ng iyong kakantahing audition piece, na tutugtugin ng kanilang pianista.
“Grabe ang disiplina, ang pagsasanay at commitment sa rehearsals sa Broadway musical, grabe ang daming mini-memorize, songs/music, lyrics, acting, choreography, blocking, exits, entrances… sobrang saya, kaya hindi mo mapi-feel ang pagod kasi nag-eenjoy ka sa ginagawa mo.”
Kuwento pa ni Gene, “Ako lang ang nag-iisang purong Pinoy sa cast, halos karamihan sa cast ay mga African-Americans or “colored” kasi ang setting ng musical ay sa Caribbean Island.
“Nagpapasalamat ako sa aming sobrang galing na director na si Howard Whitmore sa pagpili sa akin na gampanan ang role ni Tonton at sa buong cast ng musical dahil sa sobrang suporta nila sa akin. Nagpapasalamat din ako sa aking talent manager na si Vicente Gahon Gesmundo sa walang sawang suportang ibinibigay sa aking singing career sa New York. Salamat din sa CEO at founder ng TOFA awards na si Elton Lugay at kay Rasmin Diaz sa tiwala at sa mga oportunidad sa larangan ng pag-awit.”
Last year, si Gene ay nakapag-release ng kanyang second single na pinamagatang Puso Ko’y Laan na isang duet kasama ang Philippine’s Prince of Pop Rock na si Michael Laygo.
Si Gene ay isa ring in-house performer ng the Outstanding Filipino Awards o TOFA awards sa New York City at nag-compose ng official themesong ng TOFA na Philippines Pride in America. Noong Nobyembre 2021 ay nakasama si Gene bilang male ensemble sa regional Broadway production ng curtain call ng Rodgers and Hammerstein’s Cinderella, The Musical na ginanap sa Kweskin Theatre, Connecticut, USA.
Ang Once On This Island ay mula sa musical direction ni Kyle Blackburn, choreography ni Phillip Solomon, stage manager ay si Bobby Devarona, at sa direksyon ni Howard Whitmore. Mabibili ang tickets sa kanilang website na http://www.cdctheatre.org/once-on-this-island.html