Advertisers

Advertisers

BONG GO: COVID-19 SUMISIRIT, ‘WAG ALISIN ANG MASK

0 148

Advertisers

Matapos mapansin ng Department of Health na ang maluwag na patakaran sa pagsusuot ng maskara ay isa sa mga salik sa pagtaas muli ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang publiko na manatiling mapagbantay sa pamamagitan ng pagsusuot ng masks hangga’t maaari.

“Bilang committee chair on health, hinihikayat ko pa rin ang ating mga kababayan na huwag maging kumpiyansa, lalo na ngayon at tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa,” sabi ni Go.

“Habang nandiyan si COVID, delikado pa rin po ang panahon. Wala naman sigurong mawawala sa atin kung susuotin po natin ang ating mga mask. Mas mahirap pong magkasakit, sa totoo lang po,” dagdag niya.



Noong Martes, Setyembre 27, iniulat ng DOH na isa sa mga salik sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa buong bansa ay ang mas maluwag na guideline hinggil sa pagsusuot ng face mask.

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong Setyembre 12, ang Executive Order No. 3, na ginagawang opsyonal ang pagsusuot ng masks sa mga bukas na espasyo, o hindi mataong lugar na may magandang bentilasyon. Gayunpaman, ang mga senior citizen at immunocompromised na indibidwal ay lubos na hinihikayat na magsuot ng kanilang mga masks.

Sa pagitan ng Setyembre 19 at 25, iniulat ng DOH na mayroong 22% na pagtaas sa mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa. Tumaas din ang rate ng reproduction mula 1.21 noong Setyembre 15 hanggang 1.30 noong Setyembre 22. Gayunpaman, ang rate ng paggamit ng healthcare sa National Capital Region para sa COVID-19 ay nanatiling mababa sa 36%.

Samantala, binigyang-diin ni Go ang pangangailangang pag-ibayuhin ang vaccination information campaign para makumbinsi ang mas maraming Pilipino na makuha ang kanilang kumpletong bakuna at booster shots.

“Ang nangyayari kasi ngayon, kulang ‘yung information drive natin na ipaintindi sa mga kababayan natin na kulang pa rin, hindi pa sapat ang initial two doses,” anang senador.



Kaya hinikayat ni Go ang publiko na samantalahin ang patuloy na programang “Bakunahang Bayan” ng DOH kung saan mas maraming vaccination site ang itinayo upang palakasin ang pagbabakuna.

Upang matiyak na mas handa ang bansa sa mga darating na pandemya, muling isinampa ni Go sa Senado ang kanyang kambal na panukalang batas, ang Senate Bill Nos. 195 at 196, na lilikha ng Center for Disease Control and Prevention at ang Virology Science and Technology Institute of the Philippines, ayon sa pagkakabanggit.