Advertisers

Advertisers

Ferdinand Marcos (Ikalimang Bahagi)

0 221

Advertisers

ITO ang katapusang hulog, o installment, ng aming narrative (salaysay) tungkol sa huling araw ng mga Marcos sa Malacanang. Petsa: Pebrero, 25, 1986. Tungkol ito sa biglang paglisan ng mga Marcos. Kung hindi sila lumisan sa Palasyo, malamang na pinatay sila ng mga galit na galit na sambayanan na lumusob sa Palasyo. Hindi nila ito itinatwa kahit minsan. Sa ibayong dagat, namuhay ang mga Marcos na atat na atat na makabalik sa bansa. Nakabalik sila makaraan ang ilang taon bagaman namatay si Ferdinand sa Hawaii ika-28 ng Setyembre, 1989.

SA PANULUKAN ng Nagtahan Bridge at J.P. Laurel, nagtipon ang daan-daang makakaliwang aktibista na nagmukhang kagigising mula sa mahimbing na pagkakatulog. Napagtanto na hindi nila basta i-boykot ang tipanan ng mamamayang Pilipino sa tadhana. Napagtanto na hindi sila dapat manatiling isang kumpol ng mga nakaka pesteng sampay bakod. Kailangan nilang makilahok sa galaw ng tadhana.

Nagtipon sila sa umaga ng ika-25 ng Pebrero, 1986 sa makasaysayang panulukan upang igiit ang pagpapatalsik kay Marcos sa poder. Muntik nagpang-abot ang mga aktibistang makakaliwa at loyalista ni Marcos na dinala sa Palasyo ng mga jeep. Bago sumapit ang alas-onse ng umaga, nanumpa si Cory Aquino sa makasaysayang Club Filipino sa Greenhills, San Juan City upang magsilbing hudyat na pormal siyang nagsilbi bilang pangulo ng bansa. Si Mrs. Aquino at hindi si Marcos ang kinikilalang pangulo ng maraming bansa



Nang sumapit ang alas-onse ng umaga, si Marcos ang nakatakdang sumumpa. Kakatwa ang sitwasyon ng Filipinas sapagkat nagkaroon ng dalawang pangulo ang bansa sa loob ng isang araw. Pumasok ang 500 loyalista ni Marcos sa loob ng Malacañang ceremonial hall, habang ang iba’y nanatili sa labas ng pook tipunan. Tsinelas, gomang sapatos, at sando ang suot ng marami sa kanila na hinakot mula sa mga komunidad ng mga dukha sa Metro Manila. Naninigarilyo ang iba na tuwirang paglabag sa pagbabawal sa paninigarilyo.

Nakasuot si Imelda ng kaniyang sariling terno para sa pormal na okasyon, habang nakasuot ng pormal na damit ang mga supling na Imee at Irene at mga asawa. Hindi kagyat na nakita si Bongbong bagaman lumitaw na nakasuot ng unipormeng fatigue habang umawit si Marcos at Imelda sa harap ng mga loyalista sa balkonahe ng Malacañang matapos ang panunumpa.

Kasama sa mga loyalista ni Marcos na pumunta sa Palasyo noong araw na iyon ang aking kamag-anak na kasapi sa Iglesia Ni Cristo na sinabihan ng kanilang lider na sumama sa pagdalo sa Malacañang. Mistulang ahente ang kanilang lider na nangako ng libreng pagkain at sasakyan at P300 “appearance fee” kada tao. Ngunit dahil sa nakababahalang sitwasyon, nawala ang kanilang lider, at lumitaw kinagabihan upang ibigay ang P150 sa bawat taong pumunta. Walang paliwanag sa kulang na P150. Umalis sila sa Palasyo ng tanghali matapos nakatanggap sila ng ulat tungkol sa napipintong paglusob umano ng mga rebelde sa Malacañang.

Pinangasiwaan bago magtanghali ni Punong Hukom Ramon Aquino ang panunumpa. Sa sandaling inilatag ni Marcos ang kanilang kaliwang kamay sa sipi ng Bibliya at itaas ang kanang kamay upang umpisahan ang panunumpa, isang sundalong sharpshooter ang umasinta sa transmitter ng tatlong TV networks at binaril ito ng walang mintis upang tapusin ang sabay-sabay na pagsasahimpapawid ng tatlong TV network.

Biglang nawala ang sabay-sabay ang pagsasahimpapawid ng panunumpa ni Marcos. Ngunit ipinagpatuloy ni Marcos ang panunumpa na parang walang anumang nangyari. Pagkatapos, nagsalita siya sa harap ng pulutong ng mga loyalista sa balkonahe upang bigyan ang taong bayan ng sulyap ng nakakalungkot na larawan ng diktador na pabagsak mula sa poder.



Hindi nagpakita si Arturo Tolentino, ang bise presidenteng kandidato na kasama ni Marcos, Prime Minister Cesar Virata, at mahigit sa kalahati ng mga Gabinete niya, at halos lahat na kasapi sa diplomatic corps, o mga ambassador ng iba’t-ibang bansa. Ipinakita ng hindi nila pagdalo sa Malacanang na nagmistulang isang barkong papalubog ang gobyerno ni Marcos.

Nagkaroon ng kapal ng apog o lakas ng loob ang ilang kasapi ng Batasang Pambansa na kabilang sa Kilusang Bagong Lipunan ni Marcos katulad ni Jose Zubiri ang dumalo sa panunumpa ni Cory Aquino sa Club Filipino upang magmistulang mga unang daga na tumalon mula sa lumulubog na barko.

Napagtanto ni Punong Mahistrado Ramon Aquino at asawang Carolina Grino na natalo na si Marcos sa labanang pulitikal. Nakatanggap sila ng babala ng nakatakdang paglusob ng mga rebelde sa Malacanang. At kagyat silang tumalilis matapos ang panunumpa ni Marcos. Nakita ng mga saksi ang mag-asawa na naglalakad sa gitna ng init ng araw sa dako ng Singian Clinic sa kahabaan ng J.P. Laurel. Ayon sa saksi lumiko sila sa Arlegui at narating ang Legarda kung saan sumakay sila ng taksi papauwi sa kanilang bahay. Hindi sila nananghalian sa Malacañang.

Biglang umalis si Information Minister Gregorio Cendaña matapos ang inagurasyon. Hindi siya kumain ng tanghalian. Kahit ang mga kasapi ng Malacañang Press Corps, o pangkat ng mamamahayag na nakabase sa Palasyo, ay hindi kumain. Naging tampulan ng masakit na biro ng mga mamamahayag ang pagkawala ni Cendana sa araw na iyon.

Pagkatapos ng panunumpa, ipinagpatuloy ng unang pamilya ang pag-iimpake ng kanilang mga gamit sa isang paglalakbay na nararamdaman nila sa mga panahong iyon. Hindi nagkatotoo ang napipintong paglusob ng mga rebelde. Bagkus, naging abala si Marcos sa paghahanda para sa kanilang paglisan.

Kausap niya si Stephen Bosworth, sugo ng Estados Unidos sa Filipinas, upang humingi ng ilang helikopter na nagdala sa kanila sa isang destinasyon na hindi binanggit. Sa mga oras na iyon, tumakas ang mga piloto ng pangulo sa Palasyo. Nagsuot ng damit sibilyan ang ilang kasapi ng Presidential Security Command at nangawala ng hindi nagpapaalam.

Kahit si Gen Fabian Ver, AFP chief of staff, ay nagpaalam na sa kanyang mga opisyal bagaman hindi malinaw ang dahilan ng kanyang pamamaalam. Hindi malinaw kung ano ang plano sa unang oras ng gabi ng Pebrero 25. Nais ni Marcos na umuwi sa kanyang tahanan sa Paoay, Ilocos Norte. Ngunit matigas si Cory Aquino sa kanyang pasya na dapat siyang pumunta at manatili bilang destierro (exile) sa Estados Unidos.

Naging isang matinding biro sa mga Filipino na hindi umano ganap na naunawaan ng mga pilotong Amerikano ang kahilingan ni Marcos na dalhin sila sa Paoay. Sa halip, dinala sila sa Hawaii. Pagsapit ng alas-diyes ng gabi, apat na helikopter ang sinakyan ng mga pamilya ni Marcos at Ver sa Malacañang at dinala sila Clark Air Base in Pampanga. Mula doon, isang eroplano ng Estados Unidos ang nagdala sa kanila sa Hawaii.

Ginugol ni Marcos ang kanyang huling araw bilang isang sakitin at pulitikong laos. Namatay siya sa Hawaii noong ika-28 ng Setyembre, 1989. Samantala, isang bagong pamahalaan ang nanungkulan at inumpisahan ang napakahirap at nakakatureteng paglalakbay upang ibalik ang demokrasya sa bansa.

***

MGA PILING SALITA: ” “Martial law wouldn’t have lasted that long–like Hitler’s Germany–without some significant degree of popular complicity, whether from denial, disinformation, or ignorance. Few realized that we were all being robbed blind, and continue to pay for that plunder.” – Butch Dalisay, netizen, social critic