Orally-fit ng mga Manileño sa 2030 – Mayor Honey

Advertisers
ORALLY-fit ng mga Manileño sa taong 2030.
Ito ang siyang hangad na makamit ni Manila Mayor Honey Lacuna para sa kanyang administrasyon matapos niyang pangunahan kasama si Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan ang citywide campaign sa pagtataguyod ng kahalagahan ng oral health care.
Binigyang diin ni Lacuna na isang doctor ang kahalagahan na malaman ng mga estudyante sa murang edad na ang pagkakaroon ng malulusog na mga ipen at bibig ay lubhang napakahalaga sa paghubog ng kanilang kinabukasan.
Maliban sa mga sakit na bunga ng kakulangan sa pangangalaga ng ipen at bibig, ang pagkakaroon ng malusog na mga ipen at bibig ay nagdudulot ng kumpyansa sa sarili. Kapuna-puna na ang may mga sirang ipen o bungi kadalasan ay walang tiwala sa sarili at kulang sa kumpyansa.
Ang programang tinawag na ‘Orally Fit Manilenyo,’ ay layunin kumuha ng suporta mula sa mga barangay at educational institutions upang tulungan ang pamahalaang lungsod na lumikha ng kamulatan sa pangangalaga ng ipen at bibig at panatilihin itong malusog.
Nabatid mula kay Pangan na target ng information campaign ang mga barangay day care pre-schoolers at public school learners upang makaugalian ng mga ito ang pangangalaga ng kanilang ipen at bibig at dalhin ito hanggang sa paglaki.
“Pinangunahan po ng inyong lingkod ang paglulunsad ng napakagandang programang ito na naglalayong mabigyan ng sapat na kaalaman at kamalayan ang bawat barangay day care pre-schoolers at public school learners sa tamang pangangalaga at kalinisan ng ngipin at bibig nang sa gayon ay pagdating ng taong 2030 ay makamit natin ang pinapangarap para sa lahat na maging Orally Fit Manilenyo,” sabi ni Lacuna.
Idinagdag pa ng lady mayor na : “Walang imposible sa tunay na pagtutulungan at pagdadamayan. Para sa Orally Fit Manilenyo, sama-sama tayong magpadama ng kalinga sa ating mga Batang Maynila sa tamang pangangalaga at kalinisan ng ngipin at bibig nang sa gayon ay pagdating ng taong 2030 ay makamit natin ang pinapangarap para sa lahat na maging Orally Fit Manilenyo.”
Pinasalamatan ng alkalde ang Department of Health, Division of City Schools-Manila sa pamumuno ni Superintendent Magdalena Lim, ang MHD sa ilalim ni Pangan para sa kanilang kooperasyon at suporta.
Samantala sinabi ni Pangan na anim na mapapalad na mga mag-aaral mula da iba’t-ibang paaralan sa lungsod ay binigyan ng libreng braces, sa ilalim pa rin ng programang inilunsad ng alkalde.
Naniniwala si Pangan na marami pang sponsors ang darating upang tumulong sa mga batang nangangailangan ng braces, kasabay ng kanyang pasasalamat kay Vice Mayor Yul Servo-Nieto at sa buong Asenso Manilenyo party sa kanilang suporta.
Pinuri din ni Pangan ang mga dentista na tumulong sa programa at sinabing umaasa ang MHD na sa susunod na taon ay mas marami pang bata ang matutulungan na mabigyan ng libreng braces upang matulungan ang problema sa kanilang ipen tulad ng crowding, crookedness o misalignment. (ANDI GARCIA)