Advertisers

Advertisers

‘THE PUSHBACK IS REAL’

0 242

Advertisers

KAPANSIN-PANSIN na tinatadtad ang social media ng mga mensahe at posts na nagtataguyod sa pananatili ng mga Philippine Offshore Gaming Operations, o POGO. Himayin natin. Ito ay sistema ng pagsusugal, kung saan nakikilahok ang mga tao na gamit ang kanilang sistema. Maaaring magsugal kahit sino gamit ang pasilidad na online. Karaniwan na ang tumatao sa operasyon online ay mga Tsino. Nandito sila sa Filipinas dahil sa kagagawan ni Rodrigo Duterte noong siya ang pangulo. Nandito sila dahil sa inalok na “visa-upon-arrival scheme.” Sila ang mga Tsino na galing sa Mainland China.

Fast-forward tayo. Sa kasalukuyan, kaliwa’t-kanan ang batikos ang ibinabato sa pananatili ng POGO. Dahil dito, naglabasan ang sangkatutak na pro-POGO posts sa Facebook, Twitter, at iba pang social media platforms. Bukod sa mga endorsements mula sa mga duly-selected na mga opisyal tulad ni Boying “Kabise” Remulla. Nandoon ang pagmumukha ni Rodrigo Duterte at mga kasapakat na senador tulad ni “Boy Sili,” Jinggoy, Bong Revilla, Salivatic Tolentino, Pia Cayetano, at Rep. Joey “Boy Pompiyang” Salceda na nagsabing “POGO will go underground if it is banned, and that will result in more prostitution and kidnapping.”

Ang ganitong lohika ay hindi naging maayos ang hulog sa kaibigan natin na peryodista na si Roly Eclevia. Tumataas ang mga insidente ng krimen gaya ng kidnapping at pagbebenta ng droga na nakapunterya sa mga manggagawang Intsik ng mga POGO. Ang mga nagsasagawa ng krimen ay mga kapwa nilang Insik na pumuslit sa bansa dahil sa “visa-upon-arrival” scheme. Sangkot ang mga matataas na opisyal sa gobyerno ni Duterte sa pangunguna ni Vitaliano Aguirre at mga kasapakat nila sa BoC. Ani kaibigang Roly Eclevia: “If we follow his logic there will be fewer dopeheads if drug dealing is made legal and brought aboveground…”



Ayon kay Tersita Ang-See, maihahalintulad ngayon ang Pilipinas sa isang tahanan na bukas at walang kandado ang pintuan, at kahit sino pwedeng pumasok. Pati mga media practitioners katulad ni Mon Tulfo kinasangkapan. Pati ang mga property developer tulad ni si Lee Chu na halatang nakikinabang sa mga POGO. Ayon kay Kabise at Jinggoy, dapat panatilihin ang POGO kapag legal at lehitimo. Siempre. Pero ang kaso ang mga kompanya ng POGO ay ilegal, lalo na sa bansang pinanggalingan nito na pinamamahalaan ng sindikatong kriminal. Isama natin sa “kurot-sa-dibdib department” ang sinabi ni Duterte na malaki ang naitulong ng POGO noong pandemya. Bilang isang advertising practitioner sa loob ng dalawampung taon, bihasa ako sa pagbebenta ng biskwit at sopdrink at ang pagsaboy ng ganitong uri ng impormasyon ay ginagamit namin para bumenta ang isang produkto. Ang nagpakalat ng ganitong propaganda blitz ay ang WFPH, na nang hahanapin ko ang site, lumilitaw ang site ng World Freerunning And Parkour Federation maliban sa isa pang site, na batid ko ay personal site, na hindi na ako nag-atubiling usisain dahil hindi ako marunong magbasa ng Mandarin.

 

Hindi naiiba ang estilo na ito sa naglipanang mga text messages na natatanggap mo sa madaling araw na humihikayat na bumili ka ng solar light bulb. Ito ay propaganda para makabenta. Maging Pogo o solar light bulb. Dahil kahit ginawang itong legal, kailanman hindi pwedeng maging lehitimo ang POGO dahil bukod sa pumapatnubay ng panunugal, ito ay gawaing ilegal. Imbes na mabahala, ikinatutuwa ko at nagsisilabasan ang mga ganito. Natutuwa ako na mga tugon ng mga netizens na nagpapahayag ng pagtutol sa POGO. Nakikita ko ang karamihan mula sa lahat ng hanay ng lipunan, Pinoy man o Chinoy, ay tumututol. Nakikita nila ang pamimilog at pang-uuto mga mga anay at kasapakat. Nagkakaroon na rin ng lantarang pagtutol at paglaban .

Dahil sa nangyayari, batid na ng karamihan na pawang kabulaanan ang pinagsasasabi ng pasimuno nito, at ng mga kasapakat nila sa ating pamahalaan. Opo, mga anay sila at mga taksil dahil bukod sa halata ang kanilang agenda, lantad na alagad sila ng pulahang Tsina. Nagpakalat sila ng kanilang mga sugo sa pangunguna ng kanilang pinakamalaking anay si Rodrigo Duterte. Ang pabanguhin ang imahe ng POGO at panatilihin ito ay isa itong puwang sa hagdanan na hahantong sa ating pananakop. At bilang Pilipino, Tsinoy o lumad, huwag tayo pumayag. Dapat maging handa at isipin na ganito talaga ang kawikaan ng pagkalat ng propaganda. Opo isa itong masidhing laban na ang kalaban ay unti-unting nginangata ang haligi ng ating pamahalaan.

Ngunit nagpapasalamat ako na nakakapuna at unti-unting namumulat ang kamalayan ng mga Pilipino. Katulad ng sinabi ni Abe Lincoln, maaaring lokohin ang madla, pero hindi sa lahat ng pagkakataon, at ito ay nakikita na sa unti-unting pagsiwalat ng ilan, at gaya ng masasaksihan natin sa pagtanggi ng CoA sa pag-appoint kay Jose Calida, o kaya ang “pushback” ng Hudikatura sa pagbanta ni Lorraine Badoy, ang masasabi ko sa mga tumataguyod sa mali at buktot ang paalalang ito: “THE PUSHBACK IS REAL.” Kaya manatiling gising at mapagmasid. Huwag tayo maging kampante. Kasihan nawa tayong lahat ng Poong Kabunian.



***

SANA enjoy si Ferdinand “Bongbong” Marcos sa Singapore Grand Prix. Sa daming kaganapan dito na nangangailangan ng atensyon at katiyakan na ang bansa ay may maayos na timon. Pero pinili mo na ang parang si Nero na nagbiyolin habang nasusunog ang Roma. Mas pinili ng duly selected na pangulo na magliwaliw sa Lion City. Walang masama sa konting break. Pero huwag kapag nahaharap ang Pilipinas sa mga problema na kinakailangan ng iyong presensya. Isa dito ang pagtaas ng piso kontra dolyar na isang kembot na lang, ay senior citizen na. Sa palagay mo ba pogi-point ang balita ng mga lakwatsa mo? Tatapatin kita. Bumababa ang kumpiyansa sa gobyerno mo, at ito at nagreresulta ito ng mababang investor confidence, mapalokal o mapasa-ibayong-dagat.

Napapansin mo ba ang unti-unting paglipat ng mga multinatinals sa mga bansang katulad ng Vietnam? Malaking bahagi ng katatagan ng investor confidence ay tiwala sa pamahalaan. At hindi ka makapuntos kapag laman ng pahayagan ang pagliliwaliw mo sa Singapore Grand Prix. Napakaraming problema ang hinaharap ng administrasyon mo, Bonget. Nandyan ang mga nakaabat na daga sa paligid. Sabi nga sa Ingles: “When the cat is away the rats come out to play.” Sa palagay ko si Inday Sapak wala sa Singapore. Masidhi siyang nakatutok sa mga kaganapan. Siya, at at mga duly-selected na mambabatas ng administrasyon mo, sampu ng mga duly-selected na miyembro ng gabinete mo. Sila ang mga naluklok na kasapakat, mga anay ng administrasyon ng dating pangulo, si Duterte. Silang ay kating-kati, habang nakamasid sa bawat misstep mo. Naku Bonget, magkamali ka lang. Nababasa ng inyong lingkod ang playbook nila. Nakapwesto na ang mga galamay. Ka-ingat ka.

***

Wika-alamin:

Pandaw- paghango o pagkuha galing sa lambat o bitag.

Gamitin sa pananalita: Pinandaw ng mangingisda ang kanyang lambat na hitik sa ayungin.

***

mackoyv@gmail.com