Maynila, pinarangalan si Olympian pole vaulter EJ Obiena

Advertisers
PINARANGALAN ng Lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Honey Lacuna ang ‘Anak ng Maynila’ mula sa Tondo na si Olympian pole vaulter Ernest john ‘EJ’ Obiena sa isang natatanging seremonya sa flagraising ceremony nitong Lunes ng umaga sa Manila City Hall.
Sa pagtitipong dinaluhan ng mga opisyal ng Maynila at City Councilors si Lacuna na sinamahan nina Vice Mayor Yul Servo at Tondo Councilor Uno Lim (2nd district) si Obiena ay binigyang pagkilala dahil sa pagdadala niya citing Obiena ng karangalan hindi lamang sa Maynila kundi sa buong bansa.
Ang 26-anyos na atleta na tinawag ni Lacuna bilang ‘Batang Tondo, ay pinagkalooban din ng P300,000 tseke ng alkalde bilang dagdag tulong sa mga gastusin sa higit pang pagsasanay sa kanyang larangan. Si Obiena ay nagmula sa ikalawang distrito ng Tondo.
Iprinisinta din kay Obiena ni Lacuna ang apat na Manila City Council resolutions na kumikilala sa kanyang mga natamo at palagiang pagdadala ng karangalan.
“Di natin masukat ang karangalang dinala ni EJ sa ating bansa, lalong-lalo na sa lungsod ng Maynila,” sabi ng alkalde.
Nabatid na si Obiena ay pinarangalan din bilang isa sa “Outstanding Manilan” sa nakaraang “Araw ng Maynila” na paggunita sa pagkakatatag ng lungsod.
“Kailangan nating yakapin ang mga hamon at hindi ang takot at pangamba. Patuloy tayong mangarap kasama ang determinasyong maabot natin ang tagumpay. Basta magtiwala lang sa sarili at manalig sa Poong Maykapal. ‘Yan po ang ginawa ni EJ Obiena, na sana po ay matularan nating lahat,” ayon pa kay Lacuna.
Hawak ni Obiena ang kasalukuyang Philippine national record sa pole vaulting sa record na 5.55 meters na kanyang ginawa noong April 29, 2016 sa 78th Singapore Open Championships sa Kallang, Singapore.
Binura niya rin ang Asian Athletics Championships record na 5.71 meters noong April 21, 2019 sa 23rd biennial meet sa Doha, Qatar kung saan nakuha niya ang gintong medalya. Sinira niya rin ang sarili niyang National Record.
Sa kasalukuyan, si Obiena ang world’s third-best active men’s pole vaulter sa World Athletics. Siya rin ang kauna-unahang Filipino na nabigyan ng scholarship mula sa International Athletic Association Federation (IAAF). (ANDI GARCIA)