Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
SABI ni Lyca Gairanod, hindi pa siya nagkakaroon na boyfriend sa edad na 17. Pero hindi naman siya nagmamadaling magkaroon.
Pero kung sakaling makikipagrelasyon na siya, sisiguruhin niyang hindi ito makaaapekto sa kanyang showbiz career pati na sa relasyon niya sa kanyang pamilya.
Sabi ni Lyca,”Nasa tao naman po yun. Kung susuportahan ako ng magiging boyfriend ko sa lahat, hindi siya magiging dahilan para matigil ang mga ginagawa ko para sa pamilya.”
Wala naman daw siyang natitipuhan ngayon sa mga kabataang male celebrities, kumbaga, wala siyang showbiz crush.
Pero noon daw ay crush niya si Daniel Padilla.
“Pero ngayon hindi na. May Kathryn (Bernardo) na kasi siya.”
Samantala, masaya namang ibinalita ni Lyca na maayos na ang kundisyon ng kanyang tatay matapos ma-stroke noong April, 2022.
“Nakakausap na po namin siya nang maayos. Hindi po tulad noong una na hindi po siya masyadong nagsasalita, but now, alam na po namin kung gusto na niya kumain.
“Nasa bahay na po siya. Sabi po kasi ng doktor niya, mas magandang nasa bahay si Father para mas maging positive siya, masaya lang, at nakikita niya kami araw-araw.
“Ganoon po talaga ang buhay, may magaan, may mabigat. Talagang hindi po natin maiiwasan but nakayanan naman po namin. Basta para kay Father, talagang kakayanin.
“Pero ito po talaga, mas mahirap sa amin dahil first time na nangyari sa buhay ko,” aniya pa.
Bukod sa pagkanta, busy din ngayon si Lyca sa pag-aartista. Kasama siya sa sitcom na Kalye Kweens, na bida sina Alma Moreno at Dina Bonnevie. Napapanood ito tuwing Sabado sa TV5, 8:30pm.
***
NAKAUSAP namin noong Sabado via zoom ang dalawang mahusay na female singers na sina Rozz Daniels at Irelyn Arana. Ikinwento nila ang ginawang pambubudol umano sa kanila ng OPM singer na si Ivy Violan.
Ayon kina Ross at Irelyn, nakilala raw nila si Ivy sa pamamagitan ng isang mutual friend, ang aming editor dito sa Police Files Tonite na si Blessie Cirara, at nangako raw ito gagawan sila ng kanta na ire-release sa Viva Records.
Ayon kay Rozz ay nagawan daw siya ng 7 songs ni Ivy. Nagbayad daw siya sa veteran singer ng $1,000 per song plus $250 sa arrangement ng bawat kanta.
Isang taon na raw buhat nang magawa ang songs pero hanggang ngayon ay hindi pa raw naire-release ang mga ito sa Viva Records.
“Sabi niya, napasok na niya sa Viva Records. I know Viva. Viva is a big recording company.
“July, 2021 ko natapos ang kantang Alay Sa ‘Yo and up to now, hindi pa rin nare-release.
“Sabi niya, ‘Napasok ko na sa Viva, tanggap na ng Viva ang kanta mo,’” kuwento ni Rozz.
Ang isang kanta ay nadagdagan pa ng 6 dahil kinukumbinse raw siya parati ni Ivy na igagawa pa siya ng kanta at gawin na nilang isang album na idi-distribute raw ng Viva.
“She’s using Viva Records,” sabi ni Rozz.
Ganu’n din ang kaso kay Irelyn. Kinumbinse rin siya ni Ivy na gawan ng kanta. Binayaran naman daw niya ang OPM singer/composer ng $2,000 for 2 songs.
“Gusto ko lang magkaroon ng isang kanta lang na matatawag kong akin. So, pumayag ako sa ano niya. Sabi niya, kasama ru’n ang promotion, and it’s gonna be thru Viva Records.
Kasama ang promotion, tapos sila ang mag-e-air ng kanta ru’n sa ibinayad ko.
“Kilala ko siya, si Ivy Violan, icon. So, I never thought na lolokohin niya ako,” pahayag ni Irelyn.
August, 2021 pa ang kasunduan nilang ito pero hanggang ngayon ay hindi pa rin daw naire-release ang kanyang kanta.
Mensahe ni Rozz kay Ivy, “Huwag po kayong maging sinungaling. Nandiyan po ang karma. I trusted you, pero niloko n’yo kami.”
Mensahe naman ni Irelyn, “Pinagtrabahuhan po namin ang perang ibinayad sa inyo. Sana naman po ay makunsensiya kayo.”
Bukas ang aming kolum para sa paliwanag o side ni Ivy tungkol sa reklamo sa kanya nina Ross at Irelyn.