Advertisers

Advertisers

MAITAGUYOD KAYA NI PBBM ANG FILIPINO MUNA POLICY?

0 241

Advertisers

ILANG ulit na pong tinalakay ng inyong lingkod ito: bakit mas maunlad ang ibang kapwa Asianong bansa kaysa Pilipinas?

Kasi nga mas tinatangkilik natin ang gawang ‘stateside,’ at aminin natin at hindi, hanggang ngayon, kolonyal pa rin ang isip natin.

Mas gusto natin ang gawa sa ibang bansa, pero ang gawang sariling atin, saka na, kung wala nang mabibiling iba pa.



Noon pang matapos ang World War II, isinulong ni Presidente Carlos P. Garcia ang Filipino First Policy — na binigyang prioridad ang negosyong Pinoy kaysa dayuhan, lalo na ang mga produktong gawa natin.

Sa bisa ng Resolution No. 202 ng National Economic Council noong Agosto 28, 1958, lumikha ng mga batas, at nagbuhos ng tulong na salapi ang administrasyon ni Garcia para sa lokal na kapitalistang Pinoy.

Kinontra ng mga dayuhang investor at ng mga Chinese-Filipino ang polisiyang ito na sinuportahan ng oposisyon kaya sa eleksiyon ng 1961, tinalo siya at nahalal na pangulo si Diosdado Macapagal.

Sa panahon ni Presidente Ferdinand Marcos, pinatindi niya ang prioridad ng negosyo at pagtangkilik sa gawa, negosyo at produktong Pilipino at sinimulan niya ang pagtatayo ng impraestruktura magpapabilis sa pag-unlad ng negosyong Pilipino.

Inadhika rin ang polisiyang Filipino Muna sa Konstitusyon ng 1987, na nagbibigay ng mas tatangkilik sa produkto at negosyong Filipino, bago ang dayuhan.



Kaya itinadhana ang probisyon na limitado lamang sa 100% Filipino ang pagmamay-ari at pamamahala sa negosyong may kinalaman sa media.

Nakalulungkot na ang mga korporasyong Pilipino tulad ng Steel Mill, Fil-Oil Corporation, NLEX, SLEX ay ibinenta ang mga sumusunod ng mga nagdaang pangulo matapos na mapatalsik si Marcos — na inisip na una muna ang Pilipino, bago ang dayuhan.

Sa administrasyon kaya ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, maitataguyod kaya ang Filipino Muna policy kahit na wala tayong sariling kompanyang Pilipino na masasabi?

Ang totoong problema ay wala kasi tayong sariling produktong masasabi kaya napag-iwanan na tayo ng mga katabing bansa: halos lahat ng ating tinatangkilik ay gawang dayuhan.

Kung mayroon man, ito ay ang lokal na industriya ng Turismo na mabuting lubos nating tangkilikin at unahing puntahan, bago ang ibang bansa.

Noong 2018, gumastos ng P3.2-Trilyon ang mahigit 5-milyong dayuhang dumating sa bansa, at kumita ang gobyerno ng P2.2-Trilyon sa mga buwis at iba pang bayarin.

Napigil ang malakas na ambag sa ekonomya ng lokal na turismo dahil sa pandemyang COVID-19 , at sana nga, sa pagtutulungan ng lahat ng taong gobyerno at ng mamamayang Pilipino, makatulong nang malaki ang industriyang ito sa pagbangon ng ating lugmok na kabuhayan.
***
Pang-ilan na bang commissioner ng Bureau of Customs (BoC) si Yogi Filemon Ruiz?

Hindi na natin mabibilang ang makikisig na ginoong naupo sa BoC at lahat ay nangako na babaguhin ang baluktot na gawain sa Aduana.

Lahat sila ay naglunsad ng maraming anti-smuggling campaign, nagpalabas ng sangkaterbang memorandum at naglagay at nagpalit ng mga tao at tauhang pinagkakatiwalaan para sugpuin ang talamak na ismagling , lagayan, tarahan at iba pang ilegal na koleksiyon na nagpabantog sa bulsa ng mga taong pinagkakatiwalaang gaganap ng tungkuling matapat sa bayan.

Marami sa kanila ay umalis sa Customs na nakangiti ang mga labi na nakatitiyak na sa kanilang nakamal na kayamanan — sa legal o ilegal na paraan man, ang pamilya nila ay mabubuhay nang parang nasa paraiso at hindi makararamdam ng hirap o pasakit man lang pagkat sobra sa sapat ang nasa kanilang libreta de bangko at makapal ang bulsa.

Samantala, sa mga kampanya sa katiwalian, ang mga kasabwat sa pagnanakaw sa bayan, partikukar sa BoC ay nananatiling nariyan, maaaring naligalig sa mga reporma ng mga naipupuwestong bagong commissioner at mga katulong nito, pero sa katagalan, sa paggamit ng impluwensiya ng salapi, ng mga kuneksiyon sa Malakanyang, sa Senado at Kongreso, nakababalik sila na mas makamandag kaysa dati.
***
MARAMI nang nagtanong nito, kaya ba nating magkaroon ng malinis na pamamahala?
Maaari bang matuldukan ang kabulukan at katiwalian sa gobyerno at kahit sa mga trabaho at transaksiyon sa pribado?

Maraming kakampi ang kasamaan, at tanging ang matibay na paninindigan, matibay na pagtitiwala na ang baluktot na landas gaano pa kalalim ang pagkakatago nito, ito ay lulutang upang maituwid sa pagkakaliko.

Kaya ba nating matuldukan ang mga katiwalian?
***
Hoy, kayong mga Intsik, amin po ang WPS!

Lumayas kayo sa teritoryo ng Pilipinas!

Yan ang desisyon ng International Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noong 2016 na sinabi na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang ang WPS at iba pang bahura sa Kalayaan Group of Islands.

Ayon sa mga report, mula pa noon, inokupahan na ng China ang Julian Felipe Reef at iba pang isla sa WPS at itinataboy, tinatakot na pauulanan ng bala ang mga barkong pangisda ng mga lokal nating mandaragat.

Sobrang pambabraso na ito, China!

Di ganyan ang kaibigan.

Layas kayo diyan!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.