Advertisers

Advertisers

I-update ang PhilHealth benefits; at Marcos hihiwalay ng partido vs Duterte?

0 228

Advertisers

BAWAL ang magkasakit!

Saan aabot ang kalahating milyong piso mo? kung may sakit ka sa puso at kailangan ng coronary artery bypass graft surgery, kalahati palang ‘yan ng gagastusin mo!

Pero ‘yan ang katotohanang humaharap sa PhilHealth members na buwan-buwan ay naghuhulog ng higit isang libong piso sa pag-aakalang wala silang poproblemahin kapag nagkasakit.



Sa isang briefing ng PhilHealth para sa Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprise noong October 5, ibinunyag ni committee chairman Senator Alan Peter Cayetano na ang package ng PhilHealth para sa nabanggit na procedure ay P550,000, samantalang ang actual cost sa isang pangunahing ospital sa Maynila ay humigit kumulang P907,000. Samakatuwid, may out-of-pocket expense ka pa na P357,000, na para sa karamihan sa atin ay napakalaking halaga na.

Kaya nga, ‘ika ni Cayetano, maraming Pilipino ay napipilitan hindi nalang magpagamot dahil sa laki ng gastos kahit may PhilHealth pa sila.

Sa ipinakita niyang presentation sa briefing, sinabi ni Cayetano na anim sa bawat sampung Pilipino ay namamatay nang hindi manlang nakapagpapatingin sa doktor.

Base rin sa isang survey noong 2019, nasa 99% ng mga Pilipino ang hindi bumibili ng gamot na pine-prescribe sa kanila dahil sa kamahalan nito. Kung susumahin, aabot sa 44.7% ng gastos sa healthcare ay ang mga mamamayan mismo ang gumagastos imbes na ang PhilHealth o ibang insurers.

Ang lahat ng ito ay nangyayari kahit na mayroon nang ‘No Balance Billing (NBB) Policy’ ang PhilHealth, o ‘yung tinatawag na “zero billing” .Taon 2012 pa ito nasimulan, at sa ilalim nito ay dapat wala nang ibang babayaran ang PhilHealth member sa government hospitals o sa mga private hospital na PhilHealth-accredited.



Noong 2012 din nasimulan ang All Case Rates (ACR) Policy ng PhilHealth na nagtatalaga ng halagang i-re-reimburse sa miyembrong nagkakasakit.

Pero dahil nga siguro sampung taon na ang nakakalipas, hindi na sapat ang NBB at ACR para sa pangangailangan natin, kaya’t hirit ni Cayetano ay kailangan na itong i-update. Isipin mo nga naman: ang average ng peso-dollar exchange noong 2012 at P42.2171, samantalang ngayon ay halos P60 na! Bukod diyan, grabe ang pag-akyat ng inflation rate natin ngayon dala ng COVID-19 pandemic at ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine. Nagmamahalan ang lahat ng bilihin, at dahil diyan ay kailangang i-adjust narin ang serbisyo ng PhilHealth. Mismo!

Sa panahon ngayon, bawal magkasakit. Hindi lang dahil matindi ang tama ng pandemic, pero dahil kulang ang makukuha natin sa PhilHealth. Suportahan naton si Cayetano dito: panahon na para i-review at i-update ang benefit packages ng PhilHealth. Now na!

***

KAMAKAILAN, nagpulong ang tropa ni Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr.

Isa sa mga pinag-usapan ay ang pagbuo ni PBBM ng sariling partido, kasama ang bilyonaryo ng Bacolod City na si Mayor Albee Benitez at kapatid ng huli na si Negros Occidental Representative Francisco Benitez pati sina Ormoc City Rep. Richard Gomez, Cagayan de Oro City Rufus Rodriguez, Laguna Rep. Ruth Hernandez, at Nueva Ecija Rep. Ria Vergara.

Ibig sabihin nito titiwalag si PBBM sa Partido Federal ng Pilipinas at sa sarili mismo niyang partido.

Nakarating na nga raw kay ex-President Rody Duterte na nire-recruit ng kampo ni PBBM ang mga miyembro ng PDP Laban na pinamumunuan ngayon ni Duterte.

Kaya’t asahan na ang giyerang Marcos-Duterte sa 2023. Tsk!