Advertisers

Advertisers

Accomplishment ba ang pagbalik sa face-to-face classes?

0 237

Advertisers

IPINANGANGALANDAKAN ng tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte-Carpio sa Department of Education (DepEd) na si Michael Poa na “biggest accomplishment” ni VP Sara bilang DepEd Secretary sa kanyang unang 100 DAYS ang pagbalik sa face-to-face classes matapos ang ilang taon na online class dahil sa pandemya ng Coronavirus Disease 2019 (Covid-19).

“Ang talagang pinakamalaking accomplishment ng Department of Education sa pamumuno ng ating Vice President and Secretary of Education is ‘yung pagbabalik ng learners to our schools, in person classes.

Bakit po? For the past two years, talaga pong maraming hindi nakapag-aral sa ating mga kababayan. So talagang iyon ang pinakamalaking accomplishment natin in the first 100 days na naibalik natin sya,” sabi ni Poa.



Umani ng mga negatibong reaksyon sa netizens ang statement na ito ni Poa.

Anila, paano masasabing accomplishment ang pagbabalik ng face-to-face classes eh talaga namang dapat ibalik ito paghupa ng pandemya ng Covid-19. Tama!

Oo! Natural lamang ibalik ang face-to-face classes dahil tapos na ang pandemya ng nakamamatay na virus. Ang laganap ngayon ay pandemya ng intel at confidential funds, pondong hindi nau-audit kasi para sa sekretong programa kuno, bawal ianunsyo kung saan gagastusin o kung saan nilustay. Animal!

Bibilib sana tayo kay VP/Sec. Sara kung ang inanunyo ng kanyang spokesperson ay ang pagpapagawa ng mga silid aralan tulad ng pagpaayos sa nabubulok na mga kisame, butas-butas na mga bubong, upan ng mga mag-aaral, pagpapintura sa class rooms, pagsaayos sa nagpuputik na pathways, pagpader sa paligid ng eskuelehan, etsetera.. etsetera…

Kung nakipagpulong lamang si VP/Sec. Sara sa mga titser partikular sa mga prinsipal, malalaman niya ang mga pangunahing problema sa mga paaralan lalo sa mga liblib na barangay. Wala eh… mukhang katulad lang din ng kanyang ama si VP/Sec. Sara na tamad mag-iikot, umaasa lamang sa mga report ng kanyang mga adviser na hindi rin naman nag-iinspekyon sa mga eskuelahan sa kapuluan.



Ang kawawa lagi kapag nagbukas ang klase ay ang mga prinsipal at mga titser. Kinakapalan nalang nila ang kanilang mukha sa pagso-solicit sa kanilang mga kaibigan, sa mga alumni na gumanda ang buhay, para lamang mapaayos ang kanilang classrooms!

Tapos maglalabas ng memo ang DepEd na bawal mag-solicit ang mga prinsipal at titser, eh hindi naman ito nagbababa ng pondo para sa pagpaayos sa mga sira-sirang silid aralan. Ano ang gagawin ng mga titser, hahayaan nalang na tumulo ang kanilang classroom dahil sa butas-butas na mga bubong at inaanay na kisame, pauupuin sa semento ang mga mag-aaral dahil walang maupuan? Araguy!!!

Alam natin na may malaking pondo ang DepEd para sa maintenance ng mga paaralan, pero hindi naman ito nakararating sa mga prinsipal para maipaayos ang mga sira-sirang silid aralan nila. Opo!

Dapat ikutin ni VP/Sec. Sara ang mga eskuelahan sa mga probinsiya lalo sa mga liblib na barangay para personal niyang makita ang sitwasyon at ito ang kanyang aksiyunan. Kapag ginawa niya ito, tiyak walang kapana-panalo sa kanya si Senador Imee Marcos ‘pag nagduelo sila sa presidential derby sa 2028. Peks man!

Just do it, VP/Sec. Sara!!!

***

Muntikan madale si dating Senadora Leila de Lima sa kanyang kulungan sa PNP Custodial facility nitong Linggo ng umaga nang i-hostage ito at masugatan ng dalawang nabuang na inmates. Kung minalas si De Lima, malaking dagok kay PBBM!