Advertisers
Si Pangulong Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang ating Ama ng bansa.
Ang mga tanong ngayon: Napangangalagaan ba ni Ginoong Pangulo ang mga karapatan ng kababaihang Pilipino?
Iba ang sinasabi ng pakakak ng Malakanyang sa realidad ng bansa.
Oo, at ang mga problema sa prostitusyon, human trafficking, lalo na sa mga babae, at domestic violence ay matagal nang naririto at di rin nasolusyonan ng mga dating pangulo, hindi ito maikakatwiran.
Dapat ay magpakita ang Pangulo ng kamay na bakal sa lahat ng kanyang mga hinirang na dapat na magpatupad ng batas para sa proteksyon ng lahat, hindi lamang ng mga babae at mga bata at matatanda.
Mabagsik ang “kalupitan” at “karahasan ng kahirapan.
Ang mga pamilyang nagugutom ay pabrika ng paghihimagsik at mayamang binhi ng rebolusyon.
Tamang sugpuin ang korapsiyon, tama na patatagin ang ating lakas pambansa laban sa nagkukunwaring kaibigan pero lihim na kaaway na China.
Tama ang mga programa sa cash donation sa mga mahihirap at iba pang programa kontra sa kahirapan at kawalan ng hanapbuhay.
Pero ang mga ito ay pantapal lamang at hindi permanenteng solusyon sa mga problema.
***
Tama naman ang posisyon ng bansa na hindi tayo dapat na magpakita ng paghahamon sa away sa dambuhalang China, dahil ito ang matagal nang inaabangan ng mga Intsik.
Ang USA na kuno ay atin raw kaalyado ay urong-sulong sa pagsuporta sa ating ipinaglalaban, at kumusta naman ang Mutual Defense Treaty (MDT) natin?
Sa MDT, ibig sabihin, pag inatake tayo ng China, awtomatiko, tutulungan tayo ng US kontra sa China, pero ito ba ay mangyayari?
Kung may interes ang US sa ating bansa dahil sa kanilang bilyong dolyar na investment, lalong mas marami silang negosyo sa China at patuloy pang lumalago at dumadami.
Sa awayan ng interes kung saang bansa sila higit na makikinabang, sino ang kakampihan ng US – Pilipinas ba o ang China?
Masakit ang magiging sagot kapag dumating ang panahong iyon na kailangan nang magdesisyon si Uncle Sam.
Kaya dapat ay ating dagdagan ang mga armas pangdigma at bumili ng mga jet, mga baril, etc.
Kahit na wala ang banta ng China, dapat na ito ay ginawa na noong araw pa.
Hindi pa huli ang lahat, magpundar tayo ng mga armas pangdigma, ngayon na!
***
May ibang paningin ang ilan sa patuloy na pag-aastang maton ng China sa ating bansa.
Sinasadya ba ang bullying tactics na ito ng China para uminit ang di-pagkakaunawaan ng Pilipinas at ng bansang ito na itinuturing na isa sa pinakamalaking “dragon” ng ekonomya sa mundo, at isang malakas na puwersang militar.
Ating suriin: Yung lantarang pag-angkin sa Scarborough Shoal o tinatawag ding Panatag Island, mayroon lamang mahigit sa 200 milya nautica sa lalawigan ng Zambales.
Atin nga ang lambak na iyon ng dagat na napakayaman sa isda, at iba pang hayop sa dagat batas sa international law of the seas, pero ang giit ni China, noon pa raw unang panahon, bahagi ng kanilang bansa ang Panatag.
Kung susundin ang argumentong ito, at papayag tayo, sa susunod na panahon, maaaring gamitin din nilang rason sa pag-angkin sa buong Pilipinas ay ito: Noon pa man bago dumating ang dayuhang Kastila, ang mga English, mga Portuguese at maging ang Hollander at ang USA, narito na ang kanilang kababayang Chino na nakikipagkalakalan sa mga katutubong Muslim.
Hindi tayo dapat na pumayag na angkinin ng China ang mga bahura sa West Philippine Sea (WPS), pagkat ito na ang magiging simula ng pagsakop nila sa atin bilang isang kolonya.
Dapat na igiit ng Pilipinas sa USA na igalang at tuparin ang Mutual Defense Treaty na dito, malinaw na nakasulat, kung salakayin ang bansa ng anomang bansa, ito ay maituturing na pakikidigma rin sa USA.
Nangyaring nasangkot ang USA sa mga giyera sa Korea, sa Japan at sa mga giyera sa Middle East na ang hukbong Pilipino ay tumulong upang ibandila ang “demokrasyang” itinataguyod ng Amerika.
Dito masusubok ang tatag ng MDT, at umakto kayang Big Brother ni Juan dela Cruz si Uncle Sam?
May dugo ng kataksilan sa kasaysayan ng Pilipinas ang ginawang pagsakop ng US sa Pilipinas noong lumagda ito sa Treaty of Paris para tuluyang angkinin ang buong teritoryo natin mula sa kamay ng kolonyalistang Espanya.
Maaalaala ang librong “To Serve The Devil” na dito, nakasaad na bago pa lumanding ang unang tropa ni Magellan sa Pilipinas, nakatuon na ang mga mata ni Uncle Sam sa pagsakop sa Pilipinas.
Sa urong-sulong na pagsuporta ng USA ay isinusubo kaya ang bansa sa digmaang Filipino-Chino upang sa maniobrang politika ay muling mapagtaksilan ang ating pagtitiwala bilang Browm American sa Asia?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com