CEO ng Brilliant Skin Essentials dinemanda ang kapwa beauty brand owner ng cyber libel at unjust vexation
Advertisers
NAGTUNGO kamakalawa ng umaga ang social media personality at CEO ng Brilliant Skin Essentials Inc. na si Glenda Victorio, sa Quezon City Regional Trial Court para pormal na magsampa ng kaso laban sa kapwa socmed personality at isa ring beauty brand owner ng Rosmar Skin Essentials na si Rosemarie “Rosemar’ Tan-Pamulaklakin.
Kasama ang kanyang legal team na kinabibilangan nina Atty. Garreth Tungol, Atty. Joren, Atty. Daniel, Atty. Gab at Atty. Sarah, sinampahan ng multiple counts ng cyber libel at cyber unjust vexation ni Madam Glenda si Rosemar dahil sa paninira sa kanya na nadamay na raw ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang mga anak.
Sinabi pa ni Madam Glenda na nagdulot ng problema sa kanyang kalusugan ang ginawang paninira sa kanya. Bagama’t sanay na anya siya na maraming naninira, pero nang idamay na raw ang kanyang pamilya lalo ang kanyang mga anak ay mahirap na itong patawarin.
May mga screenshots na ebidensya na anya ang nakuha nila mula sa kampo ni Rosemar kaya pinanindigan na niya ang pagsasampa ng demanda rito.
Sey pa ni Madam Glenda, feeling daw ni Rosemar ay pinatatamaan niya ito kahit hindi naman. Nakikita raw sa Facebook, Youtube at Tiktok na tina-tag pa siya sa mga post kaya mahirap nang makipag-ayos pa siya rito.
Sinabi pa ni Madam Glenda sa interbyu ng press na nakatanggap daw siya ng pagbabanta sa pamamagitan ng photo collage na siya ang topic kasama ang kanyang pamilya.
“Umaabuso ka na. Kailangan mo na ng leksyon. Di mo iniingatan ang swerte. Mga anak mo at pamilya mo ang sisingilin ko. Tingnan ko kung kaya ba ng brilliant mo ang sakit na walang lunas na ibibigay ko.Kailangan mo ng bumalik sa lupa,” pahayag anya iyan ni Rosemar.
Dinagdag naman ng nasabing negosyante na nagpapasalamat anya siya sa mga taong dumamay at nagmalasakit sa kanya lalo nang maospital siya dahil sa naturang pangyayari.
Isa si Madam Glenda sa mga skin care product owner na may maraming followers sa socmed.(Blessie K. Cirera)