Advertisers
TUMAAS [sobra] muli ang presyo ng produktong petrolyo makaraan ang ilang beses din naman na paunti-unting pagbaba nito.
Binabantayan ko ang mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon. Hinihintay ang kanilang magiging pahayag sa isyung ito kung ito ay tutugma sa tunay na mga dahilan ng tila sarsuwelang sistema dahil sa pabago-bagong presyo.
Sana naman ay huwag gamitin ang isyung ito upang pintasan ang pamumuno ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. lalo na ngayong katatapos lamang ng kanyang ika-100 araw sa Malakanyang.
Natitiyak kong marami sa ating mga kababayan ang mulat sa katotohanan na ito ay isang matagal nang problema ng buong mundo na lalo pang lumala mula nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ang pinaka-apektado rito ay yaong mga bansa na kabilang sa tinatawag natin na ‘developing countries’ [‘third world countries’ ang tawag noon] o yung mga maituturing na mahihirap na bansa kung ihahambing sa mga bansang tulad ng Amerika.
Pero iba ang epekto ng digmaan na ito… maging ang mga mayayaman na bansa ay apektado, hindi [nga] lang katulad natin dito sa Pinas. Buong mundo ay may problema sa petrolyo – sa suplay man o presyo.
Ang masakit pa nito, nagbabanta pa ang problema sa pagitan ng Taiwan at China na nilalahukan naman ng mga kilalang bansa gaya ng Amerika, Japan, South Korea at Australia habang sa panig naman ng China ay ang North Korea at Russia.
Ang problema natin sa petrolyo ay dulot ng mga sigalot at digmaan ng mga mayayamang bansa. Usapin ito ng digmaan na kahit kailan ay walang kinalaman ang ating Pangulo. Walang magagawa upang pigilin ang mga nangyayaring ito sa buong mundo.
O, ngayon… anu-ano naman ang mga puwedeng gawin ng gobyerno para sa problemang ito? Maraming puwedeng gawin at dito na kinakailangan ang tinatawag na ‘Economic Team’ ni PBBM upang bumuo ng mga estratehiya kontra taas-presyo ng petrolyo.
Kamaikailan ay itinaas ng gobyerno ang pamasahe, isa na iyon sa mga paraan para maibsan ang negatibong epekto ng presyo ng petrolyo sa sektor ng transportasyon. Apektado naman tiyak ang suweldo ng mga manggagawa. Ano naman kaya ang gagawin ng gobyerno rito?
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com