Advertisers

Advertisers

APAT NA BUWANG MONTHLY ALLOWANCE NG LIBO-LIBONG SENIOR CITIZEN NA HINDI NA-TANGGAP, PAMASKO NA LANG DAW SA OSCA

0 1,513

Advertisers

Pamaskong-handog na lang daw ng ilang mga senior citizens natin sa Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) ang apat na buwang monthly allowance na hindi nila na-tanggap matapos umanong burahin ng nasabing tanggapan ang kanilang mga pangalan sa master’s list ng pay-out kamakailan dito sa 2nd district sa Tondo, Manila.

Ang apat na buwang monthly allowance na dapat sana nilang tanggapin ay mula buwan ng Mayo hanggang Agosto na nagkakahalaga ng P2,000 na dapat ay malaking tulong para sa kanilang mga pangangailangan.

Ito anila ang unang pagkakataon na maraming naka-katandang mamamayan natin ang inalis at binura na lamang ang pangalan sa master’s list ng payout sa hindi malamang dahilan.



Mantakin niyong ilan taon na rin daw silang tumatanggap nga kanilang monthly pension na tuloy-tuloy at walang problema. Laking gulat na lang daw nila nang bigla na lamang alisin ang kanilang mga pangalan sa listahan na di nila alam ang rason at basehan kung bakit.

Ang tanging paliwanag lang sa kanila ng mga chairman na siyang nag-bibigay ng cash ay tumungo na lang sila sa opisina ng OSCA sa Manila city hall at doon na lang mag-tanong.

Biruin niyong bibigyan niyo pa ng problema ang mga matatandang ito na iintindihin pa ang kanilang pamasahe at kanilang makakasama na siyang magiging alalay nila sa kanilang pagpunta.

Dahil nga sa ito ay kanilang karapatan, nagsadya nga sa city hall ang ating mga senior citizens kahit na ang iba ay nakasaklay, umiitsa ang kaliwang paa, malabo ang mata, karamihan ay uugod-ugod na at ilan din ay lulan ng kanilang mga wheelchair… kawawa naman, di po ba?

Halos mapuno ang quadrangle ng city hall sa dami ng mga ito na buong tiyagang naghintay na tawagin ang kanilang mga pangalan at paliwanag mula sa OSCA hinggil sa kanilang problema.



Tatlong iba’t ibang rason lang ang sinabi sa kanila ng staff ng OSCA na tila pinag-aralan na at scripted na lang kung bakit inalis ang kanilang mga pangalan sa listahan. Ang mga rasongito ay sila umano ay IN-ACTIVE, NON-VOTER at NO E-MAIL AD.

Susmaryosep, napakalawak naman ng ibig sabihin ng in-active na kapag pinilosopo mo ay hindi na agresibo at hindina aktibo, natural eh matatanda na ang mga ito para gumalaw-galaw pa… hindi daw botante, may posibilidad ngang hindi makaboto ang mga ito pero bakit kamo, maaaring nakaratay na lang sila sa kanilang higaan o dili kaya ay hindi na makalakad, may masamang nararamdaman kung kaya’t hindi na ito nakaboto.

Ang mahalaga dito ay sila ay nakatala bilang isang senior citizen, botante at residente ng kanilang barangay na meron din pribilehiyong kunin ang kanilang benepisyo.

Ang isa pang rason na sinambit sa kanila ng OSCA ay wala silang E-MAIL from this date until this date, anak ng tupang itim, ano ba ito?

Pakatandaan niyo na hindi mga millenial ang mga iyan kaya’t ano malay nila sa mga E-MAIL at kung ano-ano pang paksa sa modernong panahon, minsan nga ay gagamitin niyo rin ang inyong mga utak at kung wala naman kayong mga utak ay gamitin niyo rin ang inyongsentido-komon.

Di rin ba sumagi sa mga isipan niyo na maaaring sawali pa lang ang city hall ay tao na ang mga iyan, bakal pa lang ang holen ay dito na sila at itim at puti lang ang nagisnan nilang kulay ng buhok.

Bakit nga ba ang mga senior citizens pa ang napusuang kunan ng pamasko ng mga damontres, dahil ba sa sila ay mahina na at wala ng kakayanan upang ipaglaban pa ang kanilang karapatan.

Ewan din natin kung kayang gawin ito sa ibang mga tao na binigyan din ng pribilehiyong tumanggap ng pension tulad ng mga PWD at mga solo parent, mawala rin kaya ang mga pangalan nila sa listahan.

Ano man ang tanong, ano man ang inyong gawin at ano man ang gawin niyong pakiusap ay wala na ring mangyayari sa pagkat hindi niyo na rin makukuha ang inyong P2,000 allowance dahil ito ay nasa mabuti ng mga kamay.

Isa pang bagay na mabigat ang sasabihin sa inyo ng mga staff ng OSCA na tila may kaakibat pang pag-babanta at ito iyon… asikasuhin niyo ng lahat ang kailangan at pakiusapan niyo na ang inyong chairman na muling ibalik ang inyong pangalan sa listahan dahil malaki ang posibilidad na habang-panahon hindi niyo na makuha ang inyong monthly allowance tsk… tsk… tsk… meron pa bang puso’t kaluluwa ang mga ito?

Siguradong may magandang pamasko na ang mga ito na maaaring umabot rin ng milyon na kanilang paghahati-hatian, di po ba?

Sa takbo ng mga kaganapan at pangyayari, siguradong may hiwaga at milagrong nangyayari sa nasabing departamento na dapat siyasatin at imbestigahan sa lalong madaling panahon. Walang naging ganitong situwasyon noon panahon ni Yorme Isko Moreno, ewan natin dito sa termino ni Mayora Honey Lacuna?