Para iwas krimen, Maynila paiilawan – Mayor Honey
Advertisers
UPANG higit na makaiwas sa mga masasamang elemento ng kriminalidad, inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na paiilawan niya ang kabisera ng bansa.
Ito ang napag-alaman sa lingguhang “Kalinga sa Maynila” forum nang tanungin ng isang residente kung kailan paiilawan ang kahabaan ng A.H. Lacson Avenue, na isang pangunahing kalye sa Sampaloc.
Tiniyak naman ni Lacuna sa nasabing residente na ang pagpapailaw sa nasabing lugar ay magsisimula na sa mga susunod na araw dahil inatasan na niya si City Electrician Randy Sadac na simulan na ang nasabing proyekto sa mas lalong madaling panahon.
Sinabi pa ng kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila na mayroon ng pondo para sa nasabing pagpapailaw ng lugar.
“Sisimulan na po at may nakalaan na diyan na pondo kaya sisimulan na po ng electrician’s office,” sabi ni Lacuna.
Umapela din ang alkalde sa mga residente na impormahan ang kanyang administrasyon sa mga lugar na madidilim at kailangan pang pailawan.
Naniniwala ang alkalde na ang kadiliman ng isang lugar ay kakampi ng mga masasamang elemento ng kriminalidad, kaya naman binigyang direktiba na niya si Sadac na pailawan ang mga kalsada.
Idinagdag pa niya na ang mga motorista, commuters at pedestrians ay makikinabang din at mapoproteksyunan nang isang maliwanag na kalye at daan. (ANDI GARCIA)