Advertisers

Advertisers

FIRST 100 DAYS, TRUST RATINGS NI VP SARA, PINURI NI BONG GO

0 184

Advertisers

Tunay na “serbisyong tatak Duterte”, pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte sa kanyang matagumpay na unang 100 araw sa panunungkulan at natamong mataas na approval at trust ratings sa pinakabagong mga survey.

Batay sa nakalap na datos mula Setyembre 16 hanggang 20, isiniwalat ng PUBLiCUS na nakakuha si VP Duterte ng 66% approval at 62% trust ratings. Ang survey ay mayroong 1,500 respondents na random na nakuha mula sa market research panel ng mahigit 200,000 Filipino mula sa National Capital Region, North Central Luzon, South Luzon, Visayas, at Mindanao.

Binanggit ni Go na hindi na siya nagulat sa resulta ng survey dahil siya mismo ay saksi kung gaano kasipag at kadedikado noon ang mayor ng Davao City na si Sara Duterte.



“Congratulations po kay Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte. Alam ko naman pong talagang ginagawa n’ya ang trabaho n’ya. Knowing her for the past 15 years niya sa public service when she started as vice mayor, alam ko talagang masipag po siyang magtrabaho at mapagkakatiwalaan,”sabi ni Go matapos niyang personal na pangunahan ang relief activity sa San Juan City.

“So hindi po ako nagtataka kung mataas ang kanyang approval at trust rating at alam ko pong patuloy po s’yang magtatrabaho para sa ating kababayan,” dagdag niya.

Pinuri rin ni Go si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagkuha ng 62% at 58% approval at trust ratings, ayon sa pagkakabanggit.

“Also with President Bongbong Marcos, mataas din po ang kanyang approval and trust rating. As a senator, very satisfied naman ako sa first 100 days ng ating Pangulong Bongbong Marcos,” anang senador.

Kaya naman hinimok niya ang mga Pilipino na patuloy na suportahan ang administrasyong Marcos.



“Napakaaga pa po, bigyan natin ng pagkakataon si Pangulong Marcos. Kung ano po ang makatutulong para sa ating bayan, tulungan po natin si Pangulong Marcos.”

“Importante po suportahan po natin ang ating administrasyon. Hinalal po natin sila, pinili natin. So, bigyan natin sila ng pagkakataon, not only support, but full support para maging successful ang ating administrasyon,” dagdag niya.

Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Go kay Pangulong Marcos sa paglagda niya sa Republic Act No. 11934, o mas kilala bilang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act of 2022, noong Oktubre 10. Ito ang unang panukalang batas sa panahon ng administrasyong Marcos.

Si Go ay co-author at co-sponsor ng nasabing batas na mag-aatas sa mga consumer na magparehistro ng kanilang SIM card bago ang pag-activate nito sa pamamagitan ng pagsusumite ng isang accomplished registration form at wastong government ID o iba pang kinakailangang dokumento upang patunayan ang kanilang pagkakakilanlan.