Advertisers
ITINURING na hindi matagumpay ang programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps makaraan ang mahigit isang dekada nitong pagpapatupad ng gobyerno para tugunan ang kahirapan sa bansa.
Ang konsepto ng programang ito ay hindi mula sa utak ng mga Pinoy. Hindi rin ito ideya ng dating Pangulo na ngayo’y nasa Kongreso [ulit] na si Gloria Macapagal Arroyo bagaman sa panahon niya ito nagsimulang ipatupad.
Sa ngayon ay ipinatutupad ang ganitong program sa mahigit sa 100 mahihirap na bansa na ang layunin ay ibaba ang antas ng kahirapan. Inaasahan din na mapaliliit nito ang agwat sa pagitan ng mga mayaman at mahirap.
Tinatawag sa wikang Ingles ito na ‘Conditional Cash Transfer’. Ibig lang sabihin nito ay pagbibigay ng salapi na may kaakibat na mga kondisyon – kasunduan sa pagitan ng nagbibigay at yung mga tumatanggap.
Itong si gobyerno ay handang magbigay ng salapi pero sasabihin na ang mga ito ang dapat gawin ng mga pamilyang kasama sa programa upang masiguro na darating ang araw na mawawala sila sa hanay ng mga mahihirap.
Tanong… ginagawa ba ito ng mga tumatanggap ng salapi mula sa programang ito? May epektibong paraan ba ang nagbibigay ng salapi upang masiguro na tinutupad ang mga kondisyon o kasunduan?
Marami nang sumbong ang nakarating o lumutang na malaking bilang ng mga benipisaryo ng programang ito ang hindi sumusunod sa kasunduan pero kasama pa rin sa listahan ng mga binibigyan ng gobyerno.
May iba pa riyan na makaraan makatanggap ng salapi ay diretso doon sa pasugalan habang ang iba naman ay ginagamit pang iskor ng alak. Wala na tuloy panggastos sa pag-aaral ng anak na kasama sa kasunduan ng programa.
Kung sa ibang bansa ay nagtagumpay ang ganitong programa, bakit nasasabi ngayon na sablay ito sa Pinas? Malinaw na mayroong problema dahil sa iba ay tagumpay habang dito sa atin ay sangkatutak na sablay.
Ang programang ito ay sa pangunguna ng makapangyarihan na WORLD BANK na kung saan masisiguro kong may kasunduan naman ang ating gobyerno para ipatupad kaya kahit ilang palit na ng Pangulo ay walang humpay ang pagpapatupad ng nasabing programa.
Dito na ngayon pumapasok ang ideya na [baka] kailangan nang baguhin ang mga kondisyon. Bumalangkas din marahil ng mga epektibong paraan upang matiyak na susunod ang mga benipisaryo nito.
Kailangan ito gawin… NOW NA, dahil sablay man ito sa ngayon ay tiyak walang humpay ang pagpapatupad nito dahil sa kasunduan naman natin sa World Bank. Patnubayan nawa!
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com