Advertisers
Bilang pagkilala sa kanilang pagbibigay ng libreng serbisyong legal sa mga mahihirap na Pilipino sa buong bansa, pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga pampublikong abogado ng bansa sa 7th Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) Accredited National Convention Public Attorney’s Day noong Huwebes sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
“Karangalan ko po ang maimbitahan sa pagtitipong ito kasama ang mga magigiting na abogado ng Public Attorney’s Office na napakahalaga ang papel sa pagtiyak ng hustisya para sa karaniwang Pilipino. Saludo ako sa inyong lahat sa pagpili ng landas ng serbisyo publiko sa kabila ng mga mabibigat na hamong dulot nito,” ayon kay Go.
“Isang importanteng haligi ng isang malusog na demokrasya ang pagkakaroon nito ng isang fair at inclusive na justice system. Dahil dito, masisiguro ng demokratikong bansa na ang katarungan ay hindi lamang para sa mga mayayamang mamamayan na ito kundi para sa lahat,” aniya pa.
Itinatag ang Public Attorney’s Office (PAO) upang magsilbing pangunahing ahensya ng gobyerno na maghahatid ng mga libreng serbisyong legal sa mga Pilipinong may kakulangan sa pananalapi sa mga paglilitis sa judicial at quasi-judicial.
“Kayo po ang nagsisiguro na ang katarungan sa ating bansa ay para sa lahat ng mga Pilipino. Ganyan po kahalaga ang inyong mandato. Ipinaglalaban ninyo ang karapatan ng tao at hustisya kahit walang pambayad,” anang mambabatas.
Sa muling pagpapatibay ng kanyang suporta sa lahat ng abogado ng PAO, hinimok sila ni Go na manatiling nakatuon sa pagtulong sa kanilang kapwa Pilipino, pagtataguyod ng batas at pagtataguyod ng hustisya.
Idinagdag ni Go na mahalagang makatanggap ng sapat na pondo ang PAO upang matiyak na magagampanan nila ang mga tungkulin at mas mapagbuti pa ang kanilang mga serbisyo.
“Susuporta po ako sa mga panukala na makakatulong po sa mga mahihirap, hindi sila mapabayaan. So itong mga PAO lawyers na ito, ito po ‘yung nakikipaglaban sa korte. Susuporta po ako sa kanila sa abot po ng aking makakaya bilang senador at bilang miyembro po ng Justice Committee sa Senado,” ani Go.
Samantala, kinilala ng PAO si Go bilang isa sa mga outstanding senators of the year. Ginawaran din si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang isang outstanding president.
Tiniyak ni Go na patuloy niyang paglilingkuran ang mga Pilipino sa abot ng kanyang makakaya, at sinabing ang pagpapahalaga sa kanilang kapakanan ay kanyang sinumpaang tungkulin bilang isang pampublikong lingkod.
“Lubos din po akong natutuwa sa pagkilalang inihandog ninyo sa akin bilang outstanding senator. Tunay pong nakatataba ng puso ang parangal na ito na iginawad ninyo sa akin. Sa totoo lang, ayaw namin ng award ni dating Pangulong Duterte dahil ginagawa lang namin ang aming tungkulin at trabaho. Pero salamat pa rin po sa parangal na ito,” ani Go.