Advertisers
WALA naman daw problema sakaling magkatrabaho at gawing partners sina Rachel Gabreza at Kier King lalo pa nga’t hindi maikakaila ang kanilang chemistry sa pag-awit.
Sa idinaos na presscon kamakailan, inihayag nina Rachel at Kier na nagkakasama na sila sa ilang pagtatanghal na kasama na ang Search for the New Lily na isang nationwide search para sa bagong lead vocalist ng OPM band na Lily, na pawang nasa pangangalaga ng Lx2 Entertainment, isang New York-based global entertainment company with a satellite office dito sa bansa.
Hindi rin naiwasan ni Rachel na mapaiyak nang awitin ang Isa Pang Araw na inialay niya sa 2-anyos na batang kapatid na nasawi sa sakit na leukemia.
Kapwa powerful kumanta sina Kier at Rachel kaya hindi nakapagtataka kung dayuhin ng music lovers ang nalalapit nilang concert na pinamagatang Take It Off The Concert sa Dec. 3 sa Music Museum.
Samantala, sa Dec. 2 na gaganapin din sa Music Museum, balik sa pagtatanghal ang bandang Lily na may bagong vocalist, si Joshua Bulot.
Dalawang taon na rin naman ang nakalilipas mula nang huling mag-concert ang Lily na dinagsa ng kanilang mga tagahanga.
Handa na muli ang Lily na kinabibilangan nina drummer Lem Belaro, bass guitarist Aaron Ricafrente, rhythm and lead guitarist Nathan Reyes, lead guitarist & backing vocals Aldeb Acosta at Joshua.
Nagpapasalamat ang banda sa lahat ng sumusuporta sa kanila lalo na nung dumaan sila sa masalimuot na panahon.
“The boys have been waiting for this moment to go back to the stage and just continue doing what they love the most. And we, at Lx2 Entertainment are more than pleased that they got to do the best performances of their lives yet with us, sabi ni Loie Magan, Lx2 Entertainment’s Chief Executive Officer and Founder.
Nakilala ang Lily sa kanilang mga awiting Magbalik, Stars at Pansamantala.
Simula nuon ay patuloy silang nagbibigay ng inspirasyon sa mga tao sa pamamagitan ng kanilang musika.
Para sa tickets, tumawag lang sa Ticketworld sa 02 8891 9999 o bisitahin ang https://premier.ticketword.com.ph.
(Blessie K.Cirera)