Advertisers
MAHIRAP ang maging ama lalo na kapag ikaw ay may pinanghahawakan pang posisyon bilang lingkod bayan.
Ang pagiging haligi mo ng tahanan ay talaga namang makukumprumiso. Halos kainin na ng iyong posisyon ang lahat ng oras mo sa pagtatrabaho. At ang iyong pamilya, asawa at mga anak ay halos manglimos na lamang ng iyong oras para ikaw ay makapiling.
Maraming paraan, upang maiwasan naman ang mga ganitong sitwasyon, lalo na ngayong advance na advance na ang teknolohiya at hindi ko na iisa-isahin pa sa inyo.
Kaya ito ang napili kong talakayin sa inyo ngayon, ay nasagi sa aking isipan ang naging sitwasyon ni Justice Secretary Boying Remulla, na bilang isa sa matataas na opisyal ng bagong administrasyon ni Pangulong Bong Bong Marcos, ay naipit pa sa pagkakataong naidulot ng pagkakaaresto sa kanyang anak ng mga alagad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakailan lamang.
Nangyari ang insidente sa panahong wala pa ang kalihim sa bansa at nasa Geneva upang dipensahan ang maling mga napapaulat tungkol sa Pinas sa harapan ng mga opisyal at kasapi ng United Nations.
Nagpakita agad ng katatagan at ‘super’ na pangunawa si “Boss Boying”, ang tanyag na tawag at palayaw sa ating kalihim, sa sitwasyong biglaang ipinukol sa kanya ng tadhana.
Agad itong naglabas ng pahayag hinggil sa pagkakaaresto ng kanyang anak dahil sa iligal na droga.
“I will not intervene in nor influence my son’s predicament, and I have not done so in any way. A person should always face the consequences of their actions and I will let justice take its own course,” ang mga salitang binitawang ni Secretary Remulla sa kanyang sulat kamay na pahayag at ibinahagi sa media.
Kitang-kita dito ang katatagan ng kalihim bilang ama at lingkod bayan. Pinasalamatan pa nga nito ang PDEA sa kanilang pagtupad ng tungkulin at pagtalima sa trabahong iniutos sa ahensiya ng batas.
Sa pahayag ni Secretary Remulla, makikita rin natin ang katatagan niya bilang ama. Ipinamalas din niya sa lahat ang dapat na gawin bilang haligi ng tahanan sa mga ganitong pagkakataon. Bilang lingkod bayan, nangako si Boying na di manghihimasok sa kaso ng kanyang anak, at bagkus ay umasa at ipinagdarasal na lamang, na makayanan ng kanyang anak ang kabanatang ito na kanyang pinagdadaanan.
Ito ang katangian ng tunay na haligi ng tahanan at lingkod bayan. Sana all, ang wish ng karamihan sa atin. Na lahat ng naglilingkod sa bayan at kabilang sa pamahalaan ay tularan ang katatagan at katangian ni Boying.