Advertisers

Advertisers

BBM admin ‘di dadanak ang dugo kontra droga

0 153

Advertisers

Sadyang nakakaedlib itong si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa kanyang mga kakaibang estratihiya sa pamamalakad sa gobyerno partikular na sa pagsugpo sa talamak na droga sa bansa.

Nang maupo si BBM na pinuno ng bansa ipinangako nitong itutuloy ng kanyang administrasyon ang nasimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kampanya kontra droga.

Kamakailan, napatunayan ni BBM na maaaring maganap ang isang operasyon kontra droga na hindi kailangang dumanak ng dugo, matapos makumpiska ang mahigit P6.7 bilyong halaga ng shabu sa Maynila.



Masasabing ito na ang pinakamalaking huli ng kapulisan na umaabot sa halos tonelada ng shabu na nakuha sa isang high value target.

At sa kabila ng malaking dami ng nasamsam na iligal na droga, walang nasaktan sa mga naarestong suspek sa pagsasagawa ng tatlong magkakahiwalay na operasyon na nagsimula sa Tondo, Maynila at Pasig City.

Nagkaroon ng bagong mukha ng kampanya laban sa iligal na droga ang pulisya. Ang operasyon sa Sta. Cruz, Maynila ang dahilan ng pagkakadiskubre ng mga dokumentong nag-uugnay kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo, Jr. sa kalakalan ng iligal na droga. Isang intelligence officer ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) si Mayo sa Metro Manila.

Iyong negosyo ni Mayo na lending business na Wealth and Personal Development Lending Inc., sa Sta. Cruz, Maynila isang legal front lamang nito sa pagbebenta ng droga sa ibang user at kliyente. At posibleng “recycled” din ang shabu mula sa mga nakaraang operasyon ng pulisya?

At nagkita nating nakaligtas ng buhay ang mga nahuling suspek mula sa droga, at patuloy na ginagawa ito ni BBM hindi lamang sa lungsod ng Maynila kundi maging sa buong bansa.



Hindi iniwanan ni Marcos ang kampanya laban sa droga dahil batid nitong kawawa ang kabataan sa bansa na masisira ang buhay ng mga ito kapag nagpatuloy silang malulong sa ipinagbabawal na droga.

Sa nagdaang administrasyon mga kabayan, nakita nating naging madugo ang “war on drugs”. Marami ang bumulagta at sandamakmak din ang mga naisilid sa rehas na bakal. Nariyan ang mga Gobernador, Mayor, na pawang mga sangkot sa droga.

Iniba naman ni PBBM ang kanyang istilo. Nagkaroon siya ng kakaibang pamamaraan. Mas hinangad niyang mahuli ng buhay ang mga sangkot sa droga upang mapiga kung saan nanggagaling ang mga bulto-bultong shabu at marijuana. At sino ba talaga ang nagpaparating nito? Sino rin ang higit na nakikinabang?

Paano nga naman masusugpo ang talamak na droga sa bansa kung mayroong mga lingkod-bayan na gumagamit nito?

Kaya pinalakas ni BBM ang PNP- Drug Related Data Integration Generation System (DRDIGS) sa pangunguna ng Directorate for Operations, nagsilbing digital library ng lahat ng impormasyon sa buong bansa tungkol sa kampanya kontra droga at kapag fully operational na, magpapahintulot ng mas epektibong real-time management ng mga operasyon.

Isinaman na rin sa database ang pag-monitor ng rehabilitasyon ng mga drug users bilang bahagi ng demand-reduction stra­tegy, na kasabay ng supply-reduction stra­tegy ng paghahabol sa mga sindikato ng droga.

Inamin ni Marcos na hindi mapipigil ang digmaan sa droga sa kanyang administrasyon kaya higit nitong pinagtuunan ang pag-iwas at rehabilitasyon kaysa sa pagpapatupad ng batas.

Iniwasan ni Marcos ang madugo at walang awang giyera sa droga ng kanyang hinalinhang administrasyon na karamihan ang pinupuntirya pawang mahihirap lamang iyong mga bigtime nababasura lamang ang mga kaso at bigla na lamang mga naglalahong parang bula.

Gustong linisin ni BBM ang mga naging batikos ng bansa dahil sa mga alegasyon ng mga paglabag sa karapatang pantao at extra-judicial killings, bukod sa mga ulat ng mga collateral sa giyera sa droga na kinabibilangan ng mga batang napatay sa mga labanan kontra droga.

May ilang libo ang napatay na tulak at user ng droga sa mga isinagawang operasyon ng pulisya. At kabilangdin ang may higit 150 pulis ang kinasuhan o nahaharap sa mga kasong kriminal para sa mga kasong may kinalaman sa drug war.

Ngayon nakikita natin kabayan na sinisikap ng administrasyong Marcos na matutunan kung alin ang mga pinakamahusay na paraan para maturuang makaiwas sa droga ang mga naging biktima nito at tinutulungan din silang magsimulang muli at mamuhay ng magandang buhay bilang mabuti at may maaambag na buti bilang miyembro ng lipunan.

Nakita ko mga Kabayan na hindi bibitiw si BBM sa paglaban sa droga at wala itong pakialam kung sino ang mahuhuli, hangga’t makakuha sila ng sapat na ebidensya laban sa sinumang suspek at gagawin niya ang lahat na walang dadanak ng dugo subali’t magiging matagumpay ang ‘war on drugs’ sa kanyang sariling pamamaraan sa ilalim ng kanyang administrasyon!