Bilin ni VM Yul sa mga empleyado at opisyal ng City Hall: ‘Laging ngumiti’
Advertisers
LAGING ngumiti.
Ito ang bilin ni acting Manila Mayor Yul Servo, na kilala sa kanyang palangiti, nang pangunahan niya ang City Hall’s flagraising ceremony noong Lunes, kasabay din ng kanyang pagpapaalala sa mga empleyado at opisyal na iwasan ang pagsisimangot lalo na kapag gumagawa ng kanilang trabaho.
Nanawagan din si Servo sa lahat ng mga naroon na manalangin para sa ligtas at mabungang paglalagbay ni Mayor Honey Lacuna, na lumipad patungong Buenos Aires upang dumalo sa C40 World Mayors Summit, na ayon sa kanya ay nakatuon sa seryosong usapin ng climate change at ang mahalagang papel na dapat gampanan ng local government sa pangunguna sa pagbibigay ng proteksyon sa kapaligiran.
Ang mga mayors ng C40 cities ay nangunguna sa paggawa ng aksyon pang-klima, pagpapatupad ng mga science-based at collaborative na hakbang upang tulungan ang mundo malimitahan ang sobrang pag-init nito at makapagtayo ng healthy, equitable at matatag na pamayanan.
“Ating ipanalangin ang mapayapa, ligats na paglalakabay at mabunga at matagumpay na paglahok sa world summit of mayors countries ng ating butihing alkalde Mayor Honey,” hiling ni Servo.
Habang wala si Lacuna, sinabi ni Servo na nag-iwan ng direktiba ang alkalde na ipagpatuloy ang kampanya para sa kaayusan, kalinisan, paghahatid ng matapat at episyenyeng serbisyo sa mamamayan ng Maynila.
“Palaging pinapaalala sa atin ni Mayor Honey na ang serbisyo publiko ang pinakamataas na antas ng tawag sa paglilingkod at ito ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na baguhin ang buhay ng ibang tao at higit na mapagbuti ang mundo. Kaya pahalaganan nating lagi ang pagkakataon na maging mabuting lingkod bayan,” sabi pa ni Servo.
Kaugnay nito, umapela si Servo na palagiang ngumiti sa tuwing nagbibigay ng serbisyo sa mga Manileño o kahit ‘di taga-Maynila.
“Lagi tayong maghatid ng serbisyong may ngiti. Dapat lagi tayo naka-smile sa lahat ng lumalapit. ‘Wag nakasimangot. Dapat smiling face kasi pag nakangiti tayo, ‘yung lumalapit sa atin na may problema, luluwag at gagaan ang pakiramdam,” ayon pa sa acting mayor.
Idinagdag pa nito na hindi lahat ay nabibigyan ng bihirang pagkakataon na makapagsilbi sa kanilang kapwa, kaya naman dapat na ibigay ng sinumang public servants ang kanyang ‘the best’ kapag siya ay nagtatrabaho.
Samantala, nabatid na ang kapatid ni Servo na si Councilor Apple Nieto, ang siya namang gaganap bilang vice mayor gayundin bilang Presiding Officer ng Manila City Council. Si Nieto ang nakakuha ng pinakamataas na boto sa lahat ng konsehal noong eleksyon. (ANDI GARCIA)