Speaker Romualdez pinuri si Sec. Abalos, at PNP, sa pagkakaaresto sa isa sa killer ni broadcaster Percy Lapid!
Advertisers
Pinuri ni House Speaker Martin Romualdez si Department of Interior and Local Government, Secretary Benhur Abalos at ang pamunuan ng Philippine National Police sa pagkakaaresto sa isa sa mga suspect na walang awang pumatay sa batikang media broadcaster na si Percival Mabasa na mas kilala sa alias na Percy Lapid
“We in the House of Representatives welcome this positive development in the unfortunate crime that took the life of Percy Lapid. We applaud the efforts of SILG Abalos and the police to swiftly resolve the case,” ani Romualdez
Ayon kay Speaker Romualdez, ang pagkakaaresto sa isa sa mga suspect na bumaril at nakapatay sa batikang broadcaster na si Lapid ay isang napakagandang development para sa ikadarakip pa ng iba pang salarin nang sa gayon ay makamtam na ang inaasam na hustisya ng pamilya ng biktima.
Binigyang diin ng House Speaker ang kahalagahan ng ginagampanang tungkulin ng mga kasapi ng Fourth Estate na umano’y malaki ang naitutulong sa pagbangon ng bansa kung kaya’t nararapat lamang na bigyan ang mga ito ng kaukulang proteksiyon para sa kanilang kaligtasan.
Ang suspect na nakilalang si Joel Estorial 39 anyos ng Lungsod Quezon ay kusang loob na sumuko sa tanggapan ni DILG Sec. Abalos kung saan iniharap ito sa mga mamamahayag sa Kampo Crame.
Matatandaang pinagbabaril hanggang mapatay ng mga suspect si Lapid nito lamang Octubre 3 ng gabi habang papauwi na ito sa kanyang tahanan sa Las Pinas
Para sa agarang ikadarakip ng mga salarin ay agad na naglabas ng pabuyang P5 million ang House of Representatives kung saan mula sa sariling bulsa nagambagan ang mga mambabatas para mabuo ang nasabing pabuya. (Cesar Barquilla)