Advertisers

Advertisers

Umaming gunman, 3 pa sa Lapid slay kinasuhan ng ‘murder’

0 161

Advertisers

NIHAIN na ang reklamong ‘murder’ sa umaming gunman na si Joel Escorial at tatlo pang kasama nito sa pamamaslang sa hard-hitting radio commentator at columnist na si Percival Mabasa alyas “Percy Lapid”.

“Nag-file po tayo sa Department of Justice sa Manila ng kasong murder laban kay Joel Escorial, Israel Dimaculangan, Edmund Dimaculangan, at kay alias Orly,” pahayag ni Southern Police District chief, Brigadier General John Kirby Kraft.

Sa impormasyon na ipinaabot ni Prosecutor General Benedicto Malcontento, sumailalim na sa inquest proceedings sa DoJ, Martes ng gabi (Oktubre 18) si Escorial at maaaring mailalabas ang resolusyon sa Huwebes.



Personal na sumuko sa pulisya si Escorial dahil sa takot sa kanyang seguridad at iprinesinta sa media ni Interior Secretary Benhur Abalos nitong Martes.

Samantala, nagtungo din sa opisina ng DoJ ang kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa upang pirmahan ang reklamo laban sa mga salarin.

“Officially, pipirma, manunumpa tayo sa piskal upang officially mai-file ‘yung murder case doon sa suspek at saka ‘yung tatlong kasabwat nito,” sabi ni Mabasa.

“‘Yun muna ‘yung gagawin natin ngayon at sa mga darating na araw meron pa mga susunod na aksyon na mangyayari,” dagdag ni Mabasa.

Ang tatlo iba pang sangkot, tinukoy ni Escorial sa kanyang pahayag sa mga pulis sa pamamagitan ng pagbibigay ng basic information ng mga ito.



“Ito’y basic lamang ‘yung mga information na nandito, nakapaloob dito sa complaint, at sa aking pagkakaalam, sa mga darating na araw magkakaroon na kaagad ng mga initial hearing, preliminary, at pupunta dito ‘yung suspek at siya naman ang maghahain ng kanyang counter-affidavit,” ani Mabasa.

Sa ngayon, at-large ang tatlong kasamahan ni Escorial pero kumpiyansa ang Philippine National Police (PNP) na mahuhuli ang mga ito.

Samantala, iniimbestigahan na ng SPD ang naging rebelasyon ni Escorial hinggil sa P550,000 na ibinayad sa kanila sa pagpatay kay Lapid.

Ayon kay Col. Kraft, kinukumbinsi nila si Escorial na bigyan sila ng awtorisasyong mabuksan ang kanyang account upang makuha sa bangko ang nangyaring transaksyon.

Aniya, maaari itong maging daan upang matukoy ang mastermind sa pagpatay kay Lapid.
Una nang inihayag ng gunman na galing sa Bilibid ang nag-utos na itumba si Lapid, bagay na bineberipika pa ng mga awtoridad.

Samantala, nawala na ang duda ng pamilya Mabasa hinggil sa sumukong gunman.

Ayon kay Kraft, kumbinsido na si Roy na si Escorial nga ang bumaril sa kanyang kapatid nang tumugma ang pagsasalarawan nito sa isinagawa nilang crime scene walkthrough sa mga nakuhang CCTV footage ng mga pulis.

“I have to admit to you, not 100%, alam mo kung bakit, dahil may pagbabago yung tao. Nagpagupit pala hindi ko alam. Doon sa unang footage na kinuha ng PNP, medyo mahaba pa yung buhok, pero ngayon, nagpagupit pala.”

Hindi pa matukoy sa ngayon ng mga awtoridad ang talagang motibo sa pagpaslang kay Lapid.