Advertisers
TUMAAS ang kilay ng marami nang ianunsyo ni Justice Secretary “Boying” Remulla na natigok ang sinasabing isa sa “middlemen” ng pumaslang sa hard-hitting radio commentator at tabloid newspaper columnist na si Pery Lapid.
Ang middleman na kinilalang si “Jun Villamor” ay namatay daw noon pang Oktubre 18 (Martes) 1:30 ng tanghali. Hindi raw batid ang ikinamatay nito. Wala raw itong malay nang dalhin sa ospital. Sa kanyang death certificate, “Undetermined” ang nakalagay. Araguy!!!
Nangyari ang pagkatigok ni Jun Villamor ilang oras bago iharap sa media ang sumuko na gunman ni Percy na si Joel Escorial, isang hired killer na taga-Leyte.
Matatandaan na sa press briefing na ginawa nina Interior Secretary Benjur Abalos at mga opisyal ng PNP, ibinunyag ni Escorial na mula sa loob ng Bilibid ang utos para patayin si Percy Lapid.
Sigurado tayo na bago pa iharap sa media si Escorial ay inimbestigahan na ito nina Sec. Abalos at tiyak na ipinagbigay-alam narin kay Justice Sec. “Boying” Remulla ang mga ihahayag ng sumukong salarin.
Dapat noon pa lamang, kung concerned sa kaso sina Secs. Abalos at Remulla, sinekyur na nila ang middleman (Jun Villamor) na nakakulong sa Bilibid. Dahil ang taong ito lamang ang makapagsasabi kung sino ang komontrata sa kanya para itumba si Percy Lapid. Mismo!
Ang isa pang ipinagtataka natin ay kung bakit nitong Huwebes (Oktubre 20) lang nakarating at inanunsyo ni Sec. Remulla ang pagkatigok ng middleman eh Martes pa pala ito pinatay este namatay kuno.
Dahil sa pagkatigok nitong Jun Villamor ay lumabo nang matukoy ang mastermind ng paglikida kay Percy.
Pero, sabi ni Southern Police District (SPD) Chief, General Kirby Kraft, mayroon pang isang middleman na nakakulong sa BJMP sa Taguig. Sinekyur na raw nila ito.
Bukod sa nasabing nakasekyur na middleman ay tini-trace narin nila ang bank transaction, ang nag-deposito ng P140,000 sa bank account ni Escorial na share niya sa P550,000 na bayad sa kanilang anim sa pagpatay kay Percy Lapid.
Dapat iharap na sa media oras mismo at pakantahin na itong middleman na nasa BJMP bago pa ito bangungutin din tulad ng nangyari sa isang middleman sa Bilibid.
Higit sa lahat, dapat isekyur ng mabuti itong gunman na si Escorial. Dahil kapag ito ang nawala, mawawalan ng saysay ang lahat ng imbestigasyon sa murder case na ito ng journalist. Mismo!
Oo! Nagtataka talaga tayo kung bakit hindi agad inihaharap sa media ang mga middleman ng murder case na ito gayong madali namang humingi ng permiso sa korte kung talagang gugustuhin ng DoJ at ng PNP. Isang tawag lang yan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr, tiyak ‘di tatanggi ang korte dahil hustisya rin naman ang habol dito ng pamilya ni Pery Lapid. Mismo!
Justice delayed, justice denied!
***
Pinasuspinde na nitong Biyernes ni PBBM ang BuCor Director na si Gerald Bantag para raw hindi nito maimpluwensiyahan ang gagawing imbestigasyon sa pagkamatay ng nakakulong sa Bilibid na middleman na si Jun Villamor.
Tingin ko, wala naring mangyayari sa imbestigasyon sa Bilibid kahit pinalitan na si Bantag. You know!!!