Advertisers
TILA nagkapalusutan, o’ sadyang mayroon may kasalanan sa malaking kabawasang tinapyas ng Kataastaasang Hukuman sa dapat na imulta ng dalawang pribadong kumpanya ng tubig -ang Manila Water at Maynilad.
Tumataginting na P1.4 bilyong piso ang natipid ng malalaking negosyanteng sila Enrique K. Razon (EKR), Manny V. Pangilinan (MVP) at pamilyang Consunji nang ipataw ng Korte Suprema ang multa sa halagang P202.256 million kada Manila Water at Maynilad.
78 percent ito ng unang multa na halagang P921.464 million noong 2019.
Ang hatol na pinonente ni Associate Justice Ramon Paul Hernando at inilabas noong October 18 ng taong kasalukuyan, ay nagbago ng malaki kabawasan ng multa sana sa dalawang water concessionaires, sa hindi agad na pagtalima ng mga ito, na makagawa ng ‘wastewater treatment plant’ at ‘interconnected sewage system.
Sa 25-pahinang desisyong ito, sinasabi ng Supreme Court na tama lamang bawasan ang multa mula P200,000 sa P30,000 na lamang kada araw mula noong May 2009 hanggang January 2022.
Kung inyong matatandaan ang Manila Water at Maynilad ay muling pinayagang magkaroon ng kanilang prankisa para patakbuhin ang pambansang katubigan noong December 2021 na nagpapalawig din ng kanilang pagtupad sa Clean Water Act.
Hanggang 2037 na ang bisa ng prankisang pinaguusapan natin.
Sa nasabi ring desisyon, sinasabi ng Korte Suprema na ang Maynilad at Manila Water ay may “good faith” sa pangakong tatalikdan ang inaatas ng Clean Water Act, gaya ng paglalatag ng waste water treatment plant at interconnected sewage system.
Wala raw hangarin ang dalawang kumpanya ng tubig na di ituloy ang pinag-uutos ng batas at nangakong gagawin ang mga ito, sa kabila ng hinaharap nilang mga pasanin sa pagtupad sa Clean Water Act. Hindi rin daw tama na patawan ng mabigat at malaking multa ang dalawang kumpanya sa pagkakataong ito.
Bagkus ay binanggit din ng Korte Suprema na dapat, ang taga-pangasiwa o water regulator na Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), ang responsable kung may pagkakasablay o di pag-tupad sa Clean Water Act.
Tila may pasaring ang Korte Suprema sa parteng ito, kaya
nakatipid ng malaki ang Maynilad na kontrolado ng First Pacific na grupong pinamumunuang ni MVP at ng pamilyang Consunji, at maging ng Manila Water sa pamumuno naman ng bilyonaryong si EKR na nagtake-over sa kumpanyang pag-aari ng pamilyang Ayala noong January 2021.
Malamang ay pinag-aaralan na ng Malacañang kung may mga ulong gugulong na sa MWSS.