Advertisers

Advertisers

AKSYUNAN ANG KAHILINGAN

0 1,273

Advertisers

IBANG mangusap ang salapi kahit hindi kalakihan. Ang makuha ang pakinabang kahit may masagasaang iba o kapwa. Hindi lang sa mataas na bahagdan ng lipunan ang naduhagi ng kapangyarihan ng salapi, maging sa mabababang antas ng lipunan nariyan ang nasisiyahan sa perang hindi dapat ngunit pinagnanasaan. Ito ang masamang natutunan ng maraming kababayan, tulad sa isang pamayanan sa Meycauayan City, Bulacan. Ang payak na usapin sa tubig na umabot maging sa mga opisina ng pamahalaang pambansa.

Naipaabot ang usapin sa mga ahensyang Pambansa dahil sa nagtetengang kawali ng Project Management Office na hindi dinidinig ang karaingan ng mga residente ng isang subdivision. Ang masakit, nabatid ng ilang residente ng Deca Homes Subd. na may naitatag na Homeowners Association na pinamumunuan ng mga tauhan ng 8990 Holdings, Inc. gamit ang mga address ng ilang residente kahit hindi sila ang naninirahan sa nasabing pamayanan. Batid ba ito ng 8990 Holdings o may basbas ng mga opisyal ng nasabing kompanya? Ang siste, nagsimula na itong maningil ng buwanang butaw na Php500.00 bilang Association Fee, na isinasabay sa bayarin ng tubig.

Silipin ang kadahilanan sa pagtatayo ng HOA. Nariyan na pinaniniwalaang mga residente na ang rehistradong HOA ang may karapatang makipag-usap sa anumang sangay. Ang masakit dito, hindi batid ng mga lehitimong taga Deca Home Subd. na merong Association na humaharap sa ngalan ng mga residente sa mga usapin sa pamayanan partikular ang usapin sa tubig. At ito ang ginamit na behikulo ng mapagpanggap na asosasyon sa paniningil ng buwanang butaw sa bawat bahay sa Deca Home Subd. Na sa katunayan, walang nagagawa upang mapabuti ang kalidad ng serbisyo ng komunidad.



Tulad ng nakasaad sa una, malayo na ang narating ng usapin sa Deca Homes Subd, umabot na ito sa mga tanggapan na dapat na gumalaw ngunit sa bagal ng mga tauhan tila magtatagal pa ang usapin. Patuloy na kumikilos ang mga lehitimong residente ng Deca Homes sa pag alam sa kung ano at ang dapat na makabubuti sa kanila. Sa pagsisikap ng mga residente, napag-alaman na ang lugar na kinatatayuan ng Deca Homes Sub. maging ang kabuuan ng Meycauayan City’ ‘di pinapayagan ang deep-well drilling. Ngunit, bakit nakapagtayo ng pondohan ng tubig na pinagbabawal mula pa noong 2004 sa Resolution 001-0904 na kautusan ng National Water Resources Board. May padrino ba ang may-ari ng 8990 Holdings at napaikutan ang batas. Paging NWRB at DENR, paki silip ang mahika dito. Masisiyahan pa ang mga lehitimong residente ng subdivision.

Napagtanto na walang maliit o malaking usapin kung buhay ang isyu, tulad ng usapin ng Deca Homes Subd. Ang maliit na halagang nakakamit sa ngalan ng pangagago’y tunay na masakit sa loob ng isang tao dahil kalakip ang pagkatao. Pagkatao na pinahahalagahan sa kagalingan ng nakararami. Hindi tanggap na ang mga dapat nagbibigay serbisyo’ ang siyang kasapakat ng mga mapanglilo, lalo’t nakapa loob sa usapin ang salapi. Kakalampagin ang sino mang may kinalaman upang malinawan sa dapat.

Sa mga tanggapan ng pamahalaan, ang pagtugon sa mga usapin sa inyong mga opisina’y bigyan pansin lalo’t sa kagalingan ni Mang Juan, Aling Marya at ni Mang Sixto. Hindi ilalapit ang usapin kung kayang resolbahin sa kanilang hanay. May malalim na dahilan ang pagpapa-abot na hindi kayang malutas sa mababang antas ng kagawaran. Hindi aksayahin ang mahalagang oras na meron kayo kung kayang maresolba sa baba. Ang mga nailapit at ilalapit ng balana’y isang patunay na pinahahalagahan ang tanggapan na dapat lumutas sa usapin na kinakaharap. Dapat na maging masaya sa pinaabot na mga usapin na nagpapahalaga sa gawain ng ahensyang pinaglilingkuran. Pahalagahan ang bahala at hindi gawa-gawa ang mga hinaing idinudulog na malapit sa puso at pangangailangan. Pangalawa, ito’y pagpapatunay na may mga taong naniniwala na ang pamahalaa’y para sa tao lalo sa maliliit na katulad ni Mang Sixto.

Sa totoo pa rin, sumasalamin sa maraming kaganapan ang tulad ng sa Deca Home Subd. Na hindi nabibigyan pansin ng mga opisina sa pamahalaan dahil sa pagtanaw na maliit na usapin. Ngunit maliit o malaking usapin, dapat itong tugunan bilang bahagi ng tungkulin ng bawat kawani ng pamahalaan. Huwag ilayo sa sariling karanasan na kayong mga kawani’y may usapin na inilalapit sa mga nakatataas na dapat tugunan. Malinaw na ang sakit ng kalingkingan ay dama ng buong katawan na kailangan galawan o gamutin ng ‘di lumala ang karamdaman. Huwag sumayaw sa panandaliang kaligayahan at baka maging mitsa ito ng maling kapalaran.

Maraming katulad na kaganapan ang tulad ng nasa Deca Homes, ngunit ang pagpapa-iral ng batas lalo sa kagalingan panlipunan ang siyang gawin ng ‘di lumala ang usapin na pampamayanan tungo sa pambansa. Ayaw ng magulong buhay ni Mang Juan, Aling Marya at Mang Sixto, subalit handang suungin ang salasalabat na daan upang makuha ang tama para sa pamayanang tinitigilan.



Sa pamunuan ng mga ahensya ng pamahalaan, DENR, NWRB, DHSUD at maging sa LGU, ng Meycauayan City, kinakalembang ng Batingaw na aksyunan ng tama na walang kinikilingan ang hinaing ng mga lehitimong residente ng Deca Home Subd. Ang pagkakaroon ng serbisyong tama ang sa inyo’y inaaasahan. Ang usapin sa tubig lalo ng maiinom at pampaligo’y bigyan pansin ng ‘di magamit ng tiwaling mga tao na nagpapanggap na taga pagtaguyod ng kagalingan ng pamayanan. Umaasa na hindi magtatagal at maipapairal ang dapat sa pamayanan ng hindi mabahiran ang mabubuti ninyong tanggapan. Ang mabilis at tamang desisyon para sa kabutihan ng mga residente ng Deca Home Subd. maging ng kapaligiran ang pairalin, panaigin at siyang inaasahan. Bilang pagtatapos paki silip ang galaw ng developer ng subdivision, ang 8990 Holdings, Inc. at baka may mga kahalintulad itong mga gawain sa ibang bahagi ng bansa na hindi kaaya-aya dahil sa padrino sa pamahalaan.

Maraming Salamat po!!!