Advertisers
NILINAW ni Philippine National Police (PNP) chief, General Rodolfo Azurin Jr., na hindi niya idinidiin ang suspendidong Bureau of Correction (BUCOR) director na si Gerald Bantag sa pagpatay sa broadcast journalist na si Percy Lapid.
Ang paglilinaw ni Azurin ay batay sa akusasyon ni Bantag na pag-single out sa kanyang pangalan sa pagdawit sa pagpatay kay Lapid.
“Personally, hindi naman ako ang personal na nagbanggit ng kanyang pangalan. Basta ang sinabi ko lang po nung Lunes ay there are 160 persons of interest then ang tanong ng media sa akin ay kung kasama po siya. Eh isa po siya doon sa nabatikos ni Ginoong Percy Lapid kaya ‘yun ang aking nabanggit”.
Sinabi ni Azurin na hindi sila nakikialam sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa BuCor sa administrative issue na isinasagawa ng DOJ sa pagkamatay ni Jun Villamor, ang ‘di umano’y isa sa mga tinutukoy na ‘middleman’ ng sumukong gunman na Joel Estorial.
Iginiit ni Azurin na hindi niya sini-single out si Bantag mula sa 160 individual na “persons of interest” na binatikos ni Lapid sa kanyang programa sa radyo mula 2021.
“Yun mga pangalan ng 159 ay makikita naman natin kung babalikan niyo ‘yung programa ni Percy Lapid ay makikita at maririnig ninyo kung sino ‘yung mga pangalan na nababanggit doon. Ang ginagawa ng ating kapulisan sa NCR ay tina-tally po nila ‘yun, iniisa isa po nila kaya po lumalabas ‘yung mga iba’t ibang pangalan ng mga personalidad,” paliwanag ni Azurin.
Kaungay nito, umaasa si Azurin na malaki ang maitutulong sa imbestigasyon ang pakikipagtulugan ni Cris Bacoto na isa sa mga sinasabing middleman sa isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang mastermind at pagresolba sa kaso ng pagkapatay kay Lapid.
“Paunti-unti naman po ‘yung pagbibigay niya ng information but I believe in due time he will cooperate po sa ongoing investigation,” saad ni Azurin.
Isinaad ni Azurin na si Bacoto ay nai-secure na ng Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) at patuloy ang imbestigasyon sa Lapid murder. (Mark Obleada)