Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
MAY mga nagsasabi na may namumuong relasyon kina JM de Guzman at Donnalyn Bartolome matapos mag-organize ng surprise birthday party ang huli sa una.
Nagdiwang ng kaarawan si JM noong September 9. At noong October 5, ipinost ni JM ang mga larawang kuha sa okasyon, kalakip ng pasasalamat niya sa lahat ng dumalo, partikular na kay Donnalyn.
Pero sa panayam namin kay JM, sinabi niya na magkaibigan lang sila ni Donnalyn. Pero aminado siya na gusto niya ito at nagpaparamdam na siya rito.
“May gusto ako sa kanya. Isa niya akong tagahanga,” sabi ni JM.
Nanliligaw na ba siya kay Donnalyn?
“Nagpaparamdam,” pag-amin ni JM.
Mukhang may maaasahan naman si JM kay Donnalyn base na rin sa effort ng dalaga na paghandaan ang birthday ng Kapamilya actor.
“Ganun lang talaga siya, e. Ganun lang talaga.”
Ano ba ang tunay na estado ng relasyon nila ni Donnalyn at paano sila nagkakilala?
“We’re very close friends. Nagkasama kami sa Probinsyano Partylist,” sagot ni JM.
Maraming magagandang katangian si Donnalyn kaya nagustuhan siya ng aktor.
“Sobrang bait, intelligent, sobrang headstrong, wise, responsable, and independent,” paglalarawan pa niya kay Donnalyn.
Samantala, may ginagawang serye ngayon si JM na Linlang mula sa Dreamscape ng ABS-CBN. Kasama niya rito ang Diamond Star na si Maricel Soriano, Kim Chiu at Paulo Avelino.
“First time ko makakatrabaho si Paulo. Si Kim nagkasama na kami sa movie, sa teleserye first time. Si Ms. Maricel first time din.”
Dahil Linlang ang title ng serye nina JM, kaya tinanong namin siya kung nalinlang na ba siya sa larangan ng pag-ibig.
“Oo naman,” pag-amin niya.
“Siyempre ipapasa-Diyos mo na lang. Mahirap gumanti. Mahirap magtanim ng sama ng loob. Move on lang.”
Well, sino kaya sa mga naging girlfriend ni JM ang nanlinlang sa kanya?
***
HINDI ikinahihiya ni Madam Inutz na ang boyfriend niya na si Tantan ay isang macho dancer.
At dahil sa trabaho ni Tantan bilang entertainer, hindi maiiwasang maraming babae at gay men ang nagpapakita ng motibo rito.
Pero kampante si Madam Inutz sa loyalty ni Tantan.
“Ika nga, hangga’t sa iyo umuuwi, wala kang dapat ikagalit. Tiwala lang talaga saka pang-unawa.Kasi unang-una, dun ko siya nakilala, e. Di ako selosang babae,” sabi ni Madam Inutz sa panayam sa kanya ng PEP.ph.
Sa mga nagsasabi naman na baka siya ang bumubuhay sa karelasyon na si Tantan, na may dalawang anak na sinusuportahan, ang sagot niya,’Yun ang tingin ng tao, hindi natin maaalis iyan. May work siya sa bar saka nagsasama kami sa pagba-vlog. Kahit papaano nasisingit na rin siya,” pagtatanggol pa ni Madam Inutz sa boyfriend.
Natutuwa si Madam Inutz na tanggap ng mga anak niya at ng mga anak ni Tantan ang kanilang relasyon.
“Ang bonding namin ay kumain, ilabas ang mga bata. Yung anak niya is six saka four years old; sa akin seventeen, fifteen, saka eight,” ani Madam Inutz.
Parang nanay na rin daw siya ng mga anak ni Tantan.
“Oo naman. Sa laki ba naman ng hinawakan kong sakripisyo at in-embrace ko na family ko, anak niya pa kaya?
“Kasi once na nagmahal ka, kasama pati pamilya niya,” rason niya.
Pero kahit maganda at tahimik ang takbo ng relasyon nila ni Tantan, aminado si Madam Inutz na hindi pa nila napag-uusapan ang tungkol sa kasal.
“Sa kasal, hindi pa ako naglu-look forward sa ganun, kasi siyempre napakadali namang anuhin nun.”