Advertisers

Advertisers

UNDAS NA NAMAN

0 1,379

Advertisers

ILANG tulog na lang at nariyan na ang araw ng Undas kung saan ginugunita ng marami ang ala-ala ng mga mahal sa buhay na pumanaw. Iba’t – ibang istorya ang maririnig hinggil sa nakaraan ng mga yumao, siyempre ang pinaka matingkad na nagawa ang madalas na inaalala. May ilang gabi na hindi maiwasan na umikot sa kamag-anak, ang lolo, lola o maging matandang kapatid at makinig sa ibibidang karanasan sa mga yumao. Hindi para takutin ang mga batang nakikinig ngunit upang ipabatid ang mahahalagang bagay hinggil sa mga yumao. At sa dulo, ang kwento hinggil sa multo ng mga yumao na nagpapakita o bumabalik-balik sa lugar na kinakitaan.

Dahil ang nakaraan ang nagdudugtong sa kasalukuyan para sa kinabukasan, nagagawa ang pagtatama sa mali lalo’t tumitingin para sa kinabukasan. At nalaman ang kakulangan sa kasalukuyan na magpupuno sa kinabukasan, ang daing ng tao na pagbabago’y hindi natutugunan sa kadahilanang tumitingin na ‘di tumatanaw sa bagsik ng nakaraan. Walang pagsasaalang-alang ng pait ng kahapon kung saan ang baya’y nalugmok sa kahirapan ng huwad na pag-unlad. Anong pag-unlad ang binabanggit gayong ang yaman ng bansa’y sinamantala ng iilan para sa sariling pakinabangan? Nariyan na maraming tao ang nawalan ng buhay, nakulong at nawala na ‘di batid kung patay o buhay. Dahil kontrolado ang media, nabaon sa limot ang istorya ng lumaban.

Ang kaganapa’y pansamantalang natigil ng magising sina Mang Juan, Aling Marya, Mang Dave at ang balana at sabihing itigil na ang pagmamalabis. Sinuong ang panganib ng bangungot ng nakaraan na pumipigil sa pagmulat sa tulog na isipan. Sa naganap na pag-aklas, malinaw na ang bangungot ng nakaraa’y maiiwasan kung naipakita ng taong bayan ang pagkakaisa laban sa multo ng huwad na kaunlaran ng bagong lipunan. Hindi nagdalawang isip ang matatakuting bayan dahil sa lantaran ‘di tunay na kapangyarihan at multo lamang sa isipan. Nagkapit bisig, lumabas sa lansangan, sinalag ang baril, tangkeng nakatutok kapit ang rosaryo. Dito nabatid na ang multong kinatatakuta’y sadyang nasa isip lang, at ito’y isa nang kasaysayan.



Sa pagpasok ng mga taon, tumaas bumaba ang kabuhayan ng mamamayan ngunit nanatili ang pamahalaan na nakikinig sa bayan. Bumaba ang krimen at marami sa mga Pinoy ang nahikayat na manilbihan sa pamahalaan sa kadahilanang kabutihan para sa lahat. Gumana ang demokrasya, nagkaroon ng mga halalang tunay na boses ng bayan ang nanaig. Ilang ulit na nagsalin ang liderato ng bansa na nagpakita na ang multo’y sa nakalipas na lang. Hanggang, sa isang pagbangon sa masarap na pagkakatulog, ng naniwala ang Pinoy sa isang payaso na laging nasa ilalim ng kulambo at ito ang pinili sa liderato. Sa isang iglap, nawala ang pinunlang kalayaan at demokrasya. Ang masaganang buhay sa nakararami’y napalitan ng dusa at paghihirap dahil sa maling pasya.

Hindi nagtagal ang payasong nasa ilalim ng kulambo’y naghasik ng takot sa sambayanan sa ngalan laban sa droga at krimen. Lumalim ang takot ng bayan na naglalarawan kuno sa pagtalima sa mga batas at kautusan. Nauto ang bayan at patuloy na nalugmok sina Mang Juan, Aling Marya at Mang Dave sa kahirapan na tila sumulpot ang isang multo na sumasalubong sa kabuhayan. Batid ang kaganapan sa buhay ngunit walang lakas loob na tumayo at ipahayag ang pagkadismaya sa pangyayari. Ang takot na baka isang araw, humiwalay ang kaluluwa sa katawan na ginawang dahilan ang laban sa droga at krimen. Pumasok ang pandemya, lindol, bagyo at iba’t ibang unos. Lumaki ang utang ng bansa ngunit ‘di nakita ang pinaggamitan ng mga perang hiniram. O’ baka pumasok sa bilyon-bilyong intelligence at confidential fund na sinaid sa pagbaba ng payasong nasa ilalim ng kulambo. Nagpatuloy ang paghihirap ng Pinoy hangang maipasa ang timon ng liderato ng bansa sa paborito ni Gagon.

Sa pagpasok ng bagong liderato, mas bumaba ang kalidad ng pamamahala sa bansa. Hindi makayanan ang mahal ng presyo ng anumang bilihin samantalang ang nais nito’y abo’t kaya nina Aling Marya, Mang Juan ang presyo lalo na ang produktong agrikultural. Pumasok sa isip ni Boy Pektus ang ginawa ng ama, na dapat pamunuan ang kagawaran na batid ang pangangailangan. Pinamunuan ang Kagawaran ng Agrikultura, hayun napasok sa kontrobersya at lalong nagtaasan ang presyo ng mga produktong nais protektahan. Resulta inalisan ng makakain ang hapag ng pamilya ni Mang Juan.

Sa takbo ng bagong liderato, napansin ni Mang Juan na tila bumabalik ang multo ng nakaraan kung saan ang mga sarili ng mga namumuno ang una bago ang bayan. Sa paghahanda ng budget nariyan na nasisilip na ang mga dating opisina na una ang serbisyong bayan, eh bumaba ang kaperahan. Kung tumaas may ibang paglalaanan. Habang ang dating maliit ang budget ay tila langit ang tinaas sa ngalan ng intelligence at confidential fund. Para saan? Tanggap ng mga kakampi sa kongreso ang mga dahilan at biniyayaan ang hiling ng ina at amang mahilig sa kaperahan at kasiyahan. At tinanggap na rin ng bayan na bumoto sa multo ng may nakaraan.

Dumaan ang mga araw, linggo at buwan, dumami ang aberya lalo sa pangangailangan ng bayan ngunit ikinibit balikat ang mga ito dahil sa kaganapan sa mundo. Ang ikinagulat ng Pinoy ang maganap na pagpatay sa mamamahayag na kilalang bumabatikos sa mga taong masama at ang pagkakadakip sa anak ng isang kalihim dahil sa droga. Walang maisip na dahilan upang puksain ang apoy, nariyan na pinalitan ang humuli sa anak ng kalihim. Pinalitan ang hari ng bilibid na nasasangkot sa maraming krimen. Dito umikot ng ilang araw na mga balita na tumupok sa malalaking usaping bayan. At kapagdaka, uminit ang balita sa pagkakatalaga ng isang dating heneral bilang undersecretary ng Department of Help, este Health.



Sa pagkakatalaga sa heneral sa Kagawaran ng Kalusugan ang pangunahing tungkulin linisin ang kagawaran sa mga sindikato na may kinalaman sa mga supply na binibili ng kagawaran o masasabing pang administratibo kuno. O’ maaaring bumalik ang multo ng nakaraan na pinagkakatiwalaan ng nasa puno ng Balite ng Malacanan ay ang mga unipormado. O’may naamoy kayong kakaiba na hindi alam ni Mang Juan. O’ tanim ito ng malapit sa tungki ng ‘di magalaw. O’ hindi sangayon ang OIC ng Kagawaran sa nais na pagbubukas o pagluluwag ng bansa kontra sa C19, kaya’t pinatungan. “If symptoms persist consult your police!”

Panghuli, hindi nakayanang palitan ni Boy Pektus ang swimmer ng Philippine Ports Authority, gayong hayag ang kabulastugan nito lalo sa mga kontratang pinapasukan ng ahensya. Sadya bang ganito sa pamahalaan, gantimpala ang bigay sa tao na bilyong piso ang pagkakasala. O’ bayad sa nakaraan at may gamit sa hinaharap.

Sa kaganapan sa itaas masasabing hindi tukoy ni Boy Pektus ang kahalagahan ng paglalagay ng mga tauhan sa mga sangay ng pamahalaan. At tila hindi ito nabibigyan ng tamang payo ng mga nasa paligid. Maraming palpak na hakbang na tila nag-iimbita ng ‘di maganda sa tronong tangan. Boy Pektus, hindi inaalis sa iyo ang karapatang mamili at magtalaga ng mga makakasama sa pamahalaan, ngunit ang mabuting pagtatalaga ang inaasahan ng taong bayan. Huwag matakot sa multo ng nakaraan ng tinalikuran ang ama sa unipormadong tauhan na giyera ang alam at ‘di pagpapatakbo ng kagawaran.

Malapit na ang Undas, bisitahin ang ama at tanungin kung tama ang mga gawa. Huwag sayangin ang iginawad ng 31M Pinoy na bumuto, pagyamanin ito sa kagalingan ng bansa na siyang pangako sa bayan. Pagkakaisa ang ibig ngunit huwag magpa-isa lalo sa huwad na kakampi na malaki ang takot sa ICC. Isulong ang tama para sa bayan. Undas na naman, huwag matakot sa multo ng nakaraan harapin ng tama ang kasalukuyan ng umigi ang kinabukasan.

Maraming Salamat po!!!