Advertisers
“PARA po sa pumipili ng DOH undersecretary, bakit po pulis at hindi doctor?” Sa iyo Mr. Pulis, pamumunuan mo ang isang ahensya na binubuo ang mga tauhan mo ng mga dalubhasang manggagamot, nars, at iba pa na ang karanasan at aral ay tungkol sa kalusugan at agham. Baka sa meeting pa lang mangamote ka na sa mga salitang pangmedikal at agham. Kailangan mo ng interpreter na doctor. Nakabastos pa kayo ng lagay na yan. Isipin mo pupwesto ka sa posisyon na figurehead ka lang, pero ang kaalaman ay manggagaling sa mga doktor na inyong inapakan? Delicadeza po ang tawag diyan. Mag-isip kayo at baka kayo ay maging halimbawa ng “Peter Principle.”
Ano ang “Peter Principle”? Ayon kay Elizabeth Foster, Filipina na nakabase sa Canada, batay sa Peter Principle, umaangat sa posisyon ang mga kasapi sa isang organisasyon hanggang umabot na sila sa posisyon na wala na silang silbi dahil hindi na saklaw sa kanilang kaalaman ang mga bagong posisyon. Nakikita ko ito sa pagtalaga kay Heneral Camilo Cascolan, dating hepe ng Philippine National Police bilang Undersecretary ng Department Of Health. Marami ang tumaas ang kilay lalo na ang mga lantay na doktor na nagsabing pulitikal ito, dahil si Cascolan, bukod na kilalang kaalyado ni Rodrigo Duterte, ay isang pulis at hindi doctor. Kasapakat siya ni Duterte nang ilunsad ang Oplan Tokhang kung saan libo-libong tao ang pinatay dahil sa hinala na adik or user sila ng bawal na gamot.
Ani BBM, ang pagtalaga ni Cascolan sa DoH ay hindi siya hahawak ng sa mga isyu tungkol sa kalusugan at tututok lang siya sa mga isyu sa tungkulin ng DoH. Ah, stupid question lang po Mr. Marcos: HINDI BA ANG TUNGKULIN NG DEPARTMENT OF HEALTH AY KALUSUGAN? ‘Eka ni Ruben Malabuyo: “Poignant reasoning… And how do we pronounce poignant?… Poinyeta!!!… ” Kaya, mapapatanong talaga ang mga miron sa pondahan na nakaupo sa tayantang dahil kung ang lehitimong doktor tumaas ang kilay, ang pagkapamewang nila ay umabot sa kili-kili. Ang pagkakaalam ko, mas mainam na ang tunay na doktor ang nakatalaga sa mga sensitibong posisyon sa DoH, at kung magtatalaga si BBM ng Undersecretary, bakit pulis?
Ani Chi Yap, isang katayantang at tumeteklada ng keyboard sa lambatan: “Why Cascolan as DoH Undersecretary? Kasi, he is Boy Kulambo/Swoh’s man to monitor BBM’s DoH Secretary, if the agreement is that he is allowed by the daughter-father tandem to appoint his own choice. Sa dami ng anomalya dyan baka makapasok sa bahay ni Kanor. Hindi pa nagkakasundo kung sino ang DoH Secretary, ayusin muna ang monitors…” Samakatuwid, ang paniniwala ng madla, ang pagkatalaga kay Cascolan ay bilang bantay na pagmamanman sa “mental health” ni Duterte at mga kasapakat. Bagaman humupa na ang epekto ng dalawang taong pandemya at unti-unting bumabalik sa normal ang pamumuhay natin, mahalaga ang gabay at abiso ng mga doktor, lalo na ang mga dalubhasa sa medisina kung maaari, mga virologist.
Si Cascolan ay hindi duotor. Siya ay pulis. At halatang obvious, kumbaga sa isang silid-aralan, itinalaga siya na maglista ng mga “noisy pupils.” Maganda ang komento ni Sahid Sinsuat Glang, dating sugo at ngayon isang netizen: “A DA Secretary who is not an agriculturist; a DepEd Secretary who is not an educator; a DSWD Secretary who is not a social worker; a DOJ Secretary who did not practice as a lawyer; and a DOH Undersecretary who is not a doctor. More will be coming?…” Dagdag ni Amba: “Retired P/Gen. Cascolan as DOH Undersecretary is one clear example of a square peg in a round hole…” Ang nangyayari sa pamahalaan ay patunay na ito ngayon ay nagmistulang mga parisukat pinipilit ipasok sa bilog na butas. Kulang na lang gawing Hepe ng PNP si Doc Willie Ong. Natawa ako sa sinabi ni Cascolan sa health management hindi kailangan ang health knowledge. Sige nga. Tingnan natin kung ang angas-pulis mo, mapatakbo mo ng maayos ang DoH. Para bang pagpapatakbo ito ng Oplan Tokhang kung saan ka isa sa mga utak? Pastilan.
***
NALALAGAY sa panganib ang buhay ng mga kaanak ng mamamahayag na si Percy Lapid. Ito ay dahil nakatanggap sila ng pagbabanta sa telepono na sila ang susunod na papatayin. Ngunit paikut-ikot na nakakapit sa ceiling fan ang mga imbestigador na nagkakalat ng isinuka. At naging mas malabo sa sabaw ng pilos nang ang tinukoy na “middleman” ay biglang nalimutan huminga habang nakapiit sa New Bilibid Prisons. Lalong umitim ang sabaw at nagkulay-tinumis nang makatanggap ng pagbabanta ang kapatid ni Percy na si Roy, isa ring mamamahayag, at ang mga naulila sa pagkamatay ni Ka Percy. Dahil dito humiling si Senador Risa Hontiveros na lalong paigtingin ng kinauukulan at huliin ang mga nagbabanta. Hindi ako imbestigador pero sentido kumon ang nagsabi sa akin na hindi na kailangan magkalat ng kanilang “police intelligence” ang mga imbestigador. Come on guys, mga preso talaga? Bumaba sila sa “ceiling fan” na kung saan sila nagkakalat ng kanilang isinuka, at paghupa ng kanilang lula, balikan ang mga binatikos ni Ka Percy. Sila ang may motibo para patayin ang mamamahayag.
Okey, pinuntirya si BuCor Chief sa huling binatikos ni Ka Percy, pero hombre por Dios, gamitin ninyo ang powers of deduction ninyo, huwag gawing tanga ang taong bayan. Kapag pinilit nila, tinitiyak ko malalim ang magiging sugat. Ang peklat na matatamo ay matagal mawawala. Nalalaman kung maayos ang isang lipunan base sa pagtrato nito sa mga kritiko nito. Malalaman kung maayos ang isang lipunan kapag tinignan kung paano nito inaalagaan ang ” ikaApat na Ari-Arian” o ang tinaguriang “Fourth Estate”. Totoo na mas malala ang kinahinatnan ng mga kritikong mamamahayag sa ibayong dagat, katulad ng mamamahayag na Pakistani Arshad Sharif, na pinatay sa Nairobi, Kenya, habang nagtatago siya sa mga nagbabanta sa kanya mula sa gobyernong Pakistani. Bagama’t pinatay siya ng mga sundalong Kenyan, dahil umano sa “mistaken identity.”
Tugon ng marami kung sino ang nasa likod ng kanyang pagpaslang. Ang iba masyado hawig sa pelikula ni Erik Matti na “On The Job,” kung saan pinapalabas ng pulitiko ang bilanggo upang magsagawa ng pagpatay ng kalaban ng pulitiko. Tingin ng marami heto ang scenariong nagiging totoo. Nakakatakot isipin, at nakakainsulto. Napapanahon na ang matitinong nagpatupad ng batas ay tumayo at ipaglaban ang katungkulang sinumpaan nila. Kapag hindi nila ginawa ito, patunay lang na ang mga katagang “police intelligence” ay isa lamang oksimoron, dahil lahat kayo ay maliit ang pagiisip, at lahat kayo ay sangkot. Nawa’y manalig ang katarungan at katotohanan. Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.
***
Mga Harbat Sa Lambat: “An accused is presumed innocent until proven… Influential…” – Percy Lapid
***
mackoyv@gmail.com