Advertisers
TINUTULIGSA ng mga kritiko ng bagong Administrasyong Marcos ang umanoy “rebranding” o pagtatangka ng Department of Education (DepEd) na pinamumunuan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte para baguhin ang mukha o ang kasaysayan at mga kaganapan noong panahon ng Martial Law sa panahon ng pamumuno ng yumaong ama ni Pangulong Bong Bong Marcos (PBBM).
Ang sabi nila, ang madilim na bahagi ng ‘era ng Martial Law’ ay pinipilit ng Department of Education (DepEd) at ng Administrasyon ni PBBM na maging maganda sapagkat kaakibat nito ang ‘Bagong Lipunan’ o “new society” na pinangarap ng yumaong Pangulong Ferdinand Edralin Marcos.
Ang sabi naman ni Vice President Sara Duterte, di pag-aaksiyahan ng panahon ng DepEd ang mga ganitong isyu, dahil nakatutok at naka “focus” ang kagawaran sa mga programang ika-uunlad ng libreng edukasyon.
Bilang Education Secretary, ang sabi ng Pangalawang Pangulo, wala sa kanyang mandato ang “pagsira sa integridad ng ating kasaysayan.”
“Ang Department of Education — na kasalukuyang abala sa mga programang naglalayong maiangat ang kalidad ng basic education sa Pilipinas — ay walang panahon para sa historical revisionism na pilit na iginigiit ng ilang mga anti-Marcos groups,” ang pahayag ni Duterte.
Walang rebranding, ika nga. Ang Bagong Lipunan’ noong panahon ng Martial Law ay talagang bahagi ng panahong iyon, kaakibat ang mga programang nais ipatupad ng dati at namayapa ng Pangulo.
Ang mga ito ay nasasaad din sa mga aklat na ginagamit ng DepEd kahit noon pa at walang binubura, dinadagdag at iniiba sa mga pangyayaring naganap noon.
Ang sa akin ay ito. Ang Martial Law at ang Bagong Lipunan nang mga panahong iyon, ay di gaya ng mga paglalarawan ng mga kritiko ng Administrasyong ito. Ito ay talagang naging bahagi ng ating kasaysayan kung saan idineklara ang Martial Law bilang pagtalima at kasagutan sa pagmamalabis at panggugulo ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF.
Ang mga kaguluhang iyon ang hinarang ng pagdedeklara ng Martial Law upang magkaroon tayo ng katiwasayan na bahagi ng Bagong Lipuanan.
Huwag natin hayaang maloko tayo ng mga ignoranteng kritiko ng Administrasyong ito. Tulad ng CPP-NPA-NDF nais lamang makagulo ng mg ito sa tinatamasa na nating demokrasya bunga ng Martial Law.