Advertisers
LIMANG buwan na wala sa pwesto ang dating abalang pangulo ng bansa, ngunit ito pa rin ang bukang bibig at hanap ng mga mamamayang Pilipino na sinalanta ng bagyong Paeng. Bakit? Hinahanap ang tunay na kalinga ng inang tunay na nagmamalasakit sa anak saan mang dako ng bansa. Hinahanap dahil ‘di lang tulong ang dala, maging ang kalinga na hindi nadama sa mga kasalukuyang lingkod bayan na inuna ang pagbabakasyon sa halip na serbisyo para sa kababayang lunod sa tubig baha at putik. Nariyan ang maraming inagawan ng kabahayan, pagkain, at kabuhayan nang bagyo ngunit walang malapitan, masabihan at mapaghingahan ng kawalan ng pag-asa. Dahil ‘di mahagilap ang mga nahalal na pinunong bayan na ‘di malaman kung nasaan. At ang ngalang Leni ang inuusal.
Hindi pa man pumapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Paeng, naka pagdeklara na walang pasok ang huling araw ng Oktubre bilang holiday at walang pasok. At sa pagdedeklarang ito, mabilis na nawala sa sirkulasyon ang mga nagdeklara at kung gaano kabilis ang pag-alis sa PAR, nagsimulang nanalasa sa bansa sa ka Mindanaoan at Visayas si Paeng. Dahil nagsara na ang malawakang pagbabalita ng ABSCBN hindi pumutok sa balita ang malawakang pinsala ng bagyo. Ang kaalaman sa hagupit at pinsala ng bagyo’y nalaman sa mga social media at hindi sa malalaking network. Nag-upload ang mga netizen ng kanilang kalunos-lunos na kalagayan upang ipabatid sa pamahalaan. At doon nagsimulang gumalaw ang mga ahensya ng gobyerno na nasiyahan sa malamig na panahon dulot ng bagyo. Huli man daw at magaling huli pa rin, at patuloy ang tanong na nasaan si Leni?
Lumipas ang ilang araw, lumabas ang bakasyunistang si Boy Pektus sa isang virtual teleconference kasama ang NDRRMC upang malaman ang lawak ng pinsala na dulot ni Paeng. Kita ang pagmamalasakit sa bayan at pinagalitan ang kinatawan ng ahensya na kung bakit hindi napaghandaan ang lakas ng dumaang bagyo. Ang ikinairita ni Boy Pektus, bakit inabala ang bakasyon gayong batid na maaga pa’y nakapag-anunsyo na ng araw na walang pasok. Ang kagandahan, sa usaping opisyal, makikita na ang opisina ng pangulo’y nasa kusina na ang selyo ng sagisag ng pangulo sa likod nito’y isang lababo’t gripo. Angal pa kayo? Sa isang bahagi ng virtual conference, napansin ni Boy Pektus na mataas na bilang ng mga casualties sa landslide at baha sa kaMindanaoan. At hindi nagtagal pinababa ang bilang, iniulat na marami ang nawawala o missing at patuloy na hinahanap. O baka nailibing na ng mga ka-anak ayon sa tradisyon ng mga kapatid na taga Mindanao. At muling nawala si Boy Pektus.
Sa kabilang dulo ng tralala, nagpaabot naman ng dasal o panalangin ang isa sa lingkod bayan na hindi mahagilap na kung nasaan. Ang pagpapa-abot ng dasal at hindi ng ayuda ang nakayanan ng lingkod bayan na nagdidildil sa confidential at intelligence fund. At ang kaya nito’y hangang sa dasal lalo’t di makita ang anino nito sa mga paaralan na pinaglagakan ng mga bakwet lalo sa lugar na lubhang naapektuhan ng bagyong Paeng. At ito’y nakakuha kuno ng maraming boto sa mga taong namamaluktot sa lamig ng panahon. Ano ang masasabi ng alkalde ng Zambo o nang gobernadora ng Maguindanao Provinces at ibang lugar sa Mindanao? Hindi maiwasang matanong nasaan si Leni? Ang inang tunay na may malasakit sa bayan at mamamayan.
Muling lumitaw si Boy Pektus sa pag-alis ng Bagyong Paeng sa Noveleta, Cavite lugar kung saan makikita ang ama ng isang adik na nahuli kamakailan para sa isang press conference. Dahil nais agad magpa pogi tila humarap ito ng hindi handa at puro tsubibo ang sagot sa mga ibinabatong katanungan. Nariyan na kailangan pang tasahin ang kabuuang pinsala ngunit hindi maka pagbigay ng pansamantalang pagtatasa o initial assessment sa pinsalang dulot ng bagyo. Hindi masagot kung kailangan ideklara ang national state of calamity. Hindi lang iyon, kita ang pagtataka ni Boy Pektus sa bilis ng pagtaas ng warning signal ng bagyo. Hindi nito batid na ito rin ang kaganapan noong nakaraang halalan kung saan na kahit wala pang isa o dalawang oras pagkatapos ng botohan, halos tapos na ang bilangan. Sa huli at muling nagpapasaring si Boy Pektus sa mga nagpapakalat na ito’y nasa Hokkaido. Sa totoo lang, hindi niya kayang ipakita ang sarili na nasa baba ng laban sa panahon ng pangangailangan ng bayan. Dahil wala ito sa bansa at malayo sa delubyo ng bagyo.
Sa kaganapan ng bagyo, ang kawalan ng tunay na serbisyong bayan ang tunay na dahilan ng paghahanap ng Pilipino kay Leni. At ito ang dahilan kung bakit hindi maalis sa isipan ang halalan na nakaraan. Tunay bang nanalo ang Inutile lalo ang ulo at leeg nito na hindi hinahanap ni Mang Juan. Sa dami ng mga napinsala mula Luzon, Visayas at Mindanao na naghahanap ng serbisyo ng dating abalang pangulo, pumasok sa isip hindi nga kaya nagkaroon ng hokus picos sa halalan. Wala si Leni sa larawan ng pamahalaan, subalit patuloy itong hinahanap at nagbibigay serbisyo sa ngalan ng isang NGO. Ang paghahanap ng serbisyong Leni’y tunay na larawan na ito ang pinili ng mamamayan ngunit ‘di ng tiwali sa lipunan.
Sa totoo pa rin, binangit ni Leni sa isang panayam na ipapawalang bisa nito ang Executive Order ni Totoy Kulambo hinggil sa pagmimina sa buong kapuluan higit sa Mindanao. May tumaas ang kilay sa pahayag na ito at gumalaw na hindi dapat makaupo ang dating abalang pangulo dahil sa nakikitang kabawasan sa kita ng iilan. At dumating ang bagyong Paeng, ipinaramdam nito ang lupit ng wasakin ang kapaligiran upang ipadama na ang pagsira sa kalikasa’y may malaking kapalit, ang buhay at kabuhayan ng mamamayan. Ang kaganapang ito ang nais na iwasan ng dating abalang pangulo. Sa lakas ng dating ng ibig ng abalang pangulo’y ‘di lang sa panlabas na katangian, maalwan ang kaisipan nito na siyang kinatatakutan. Maayos mag-isip lalo sa kagalingan ng bayan at kapaligiran. Naunsiyami ang mga balak na pagbabago’y dahil sa na hokus picos ng halalan. Kaya pa bang maitama ang pagkakamali sa kagalingan ng bayan at mamamayan?
Ang mga naganap ng mga nakaraang araw tila pangigising sa bayan na nagkamali at hindi tumindig sa tama. Ang pagwawalang kibo sa naganap sa nakaraang ang pasanin sa hinaharap. Gawing guro ang nakaraan upang hindi maduhagi sa kinabukasan. Maraming pinag daanan ang bayan ngunit hindi ito natututo sa mga karanasan. Ang mga panandaliang pakinabang na laging sinusubo ng iilan ang nasasadlak sa bayan sa mas malalim na kahirapan. May araw o oras din na tuunan ng pag-iisip ang kaganapan sa harapan. Hindi lahat ng masarap ay tumatagal. Ang hirap na kinakaharap ang mali sa pasya ng nakaraan. Huwag magpalilo sa mahuhusay na talumpati’t masayang mensahe ng mga manunuyo. Alamin ang karakas diablo at ipaalam sa nakararami sino man sa harap ni Mang Juan. Ang kagalingan pangmatagalan ang isa-isip ng makamtan ng darating na salinlahi ng bayan ang kaluwalhatian. Huwag magpaloko sa mga manloloko. Babalik si Leni o ang tulad ni Leni sa tamang panahon.
Maraming Salamat po..