Advertisers
HINDI maghahanap ng iba kung nakikita ang inaasahan lalo’t nangakong nagkusa na magbibigay ng tamang serbisyong bayan. O’ nagkamali ang bayan higit ang 31M tumaya sa pangako ng masipag sa kampanya at ‘di sa serbisyong bayan. Sapat na madama ang pagmamalasakit sa mga taong umasa sa pangakong inusal at binitawan ng ito’y lumalapit sa bayan. Ibinigay ang basbas para sa serbisyong ‘di nakamtan sa dating tamad at walang alam na pamahalaan. Sa totoo lang, hindi nakarinig ng anumang pagtutol bagkus maagang nagbigay daan ang mga nakatunggali para sa maayos na palitan ng liderato sa bansa. Ang boses ng bayan ang isinaalang-alang sa pasyang tangap ang pasya at di na magtatanong ‘di tulad ng ginawa sa nakaraan. Kahit nakaramdam ng pagtataka sa bilis ng bilangan sa mga boto ng bayan sa ‘di malaman saan ang pinanggalingan.
Sa pagtanggap sa pasya ng bayan, umaasa na magkakaroon ng mabilis na serbisyo sa mamamayan. Serbisyong hindi maantala dahil mula sa kakampi tungo sa kasanga, walang aberyang nakikita higit ang pagpapatuloy ng mga programa o hihigitan ng hahaliling liderato. Sa katunayan, nagpapatuloy o nahigitan ang walang serbisyo ng dating pangulong tungo sa typar typar na hilig ng kasangang. Dumaan lang sa paningin ang nakitang hapis na bayan at kagyat itong kinalimutan. Yari ka Mang Juan. Tunay na mas matimbang ang nakagisnang at ‘di kayang iwan o malimutan. Ang hayahay na buhay na hindi kailangan na maghanap buhay dahil dadating kakanin dulot ng amang mapanlinlang sa bayan. Hindi kailangan magmadali sa anumang dahilan dahil may magsisilbi kahit sa dis-oras ng gabi. Napansin ba ito Mang Juan?
Binulaga ng bagyong Paeng ang bayan at sinalanta maging ang mahabang bakasyon ni Boy Pektus. Dahil hinahanap at kailangan makita ng mga Pinoy na umaasa sa serbisyo na ipinangako lalo sa oras de peligro. At sa pagmamadali, sa isang virtual meeting sa NDRRMC , kita sa likod ang lababo’t-gripo na bagong sagisag ng pangulo. Hindi mahalaga kay Mang Juan ang napansin, ang bagal ng dating ng tulong at pagsaklolo sa sitwasyong ang nagpa init ng ulo nito. Dahil sa oras ng pangangailangan hindi mahagilap ang ama ng bayan, para saan pa’t ikaw ang binasbasan. Resulta, marami ang nag-iyakan sa pagkakabaon sa putik, tubig at walang makain. Samantala sa virtual meeting pinuna ni Boy Pektus ang datos na nakalap lalo ang bilang ng mga nasawi sa bagyong Paeng. Ngunit nagpapatuloy ang panaghoy ng bayan na umaasa na binibisita ng walang pangulo. At nagkaroon ng kaliwa’t kanang sisihan, gayung siya ang may hawak ng renda sa pamahalaan?
Tunay na pagod si Boy Pektus sa isang mahabang bakasyon at naabala ng trabaho na ‘di kasanayan sa nakaraan. Nariyan na silip na namumugto ang mata sa haba ng tulog o pahinga. At sumipot sa isang lalawigan malapit sa kaMaynilaan, nagpa presscon, nag monstra o nagpakita kuno ng dapat gawin sa kapwa dungo naniniwala sa proyektong ‘di batid kung ano. At karakaraka namigay ng relief goods sa lalawigan naapektuhan ng bagyo.
Sa kabilang dako, tila naging re-active ang DSWD dahil kulelat sa kilos sa pamamahagi ng relief goods sa mga apektado ng bagyong Paeng sa buong kapuluan. Naging kilos pagong ang Kalihim gayong hawak ang datos ng bilang at lawak ng nasira ng bagyong Paeng. Alam ba ito ni Kuya Raffy. O’ kailangan na nariyan ang among galing sa bakasyon bago mamigay ng ayuda kay Mang Juan at sa balana. Pansin din pagkakamot sa ulo ng Kalihim habang inaabot ang mga relief goods sa nagpapa poging si Boy Pektus. Sa datos ng DSWD, mahigit sa 500K pamilya o mahigit na 2.1M katao sa 16 na rehiyon sa bansa ang naapektuhan ng bagyo. Ngunit hindi naitulak sa tamang oras ang mahigit na P1.2B relief goods na nasa mga bodega ng Kagawaran, sa anong dahilan?
Sa ngayon, nangangalap ang Kagawaran ng mga volunteers na mag-repack ng mga relief goods na ipinamamahagi sa mga napinsala ng bagyo. At sa di malamang dahilan, tila nagtetengang kawali ang maraming Pinoy na nagkukusang tumulong sa kagawaran. Silip sa mga larawan na iilan-ilan ang mga Pinoy na tumugon sa panawagan ng Kagawaran. Sa anong dahilan bakit nagtengang kawali si Mang Juan at ang balana? Dahil ba sa ipinakitang sipag ni Boy Pektus sa lakaran at kantahan? Kung hindi, eh ano? Sa halip mas maraming nagkusa na makibahagi mabilis na hakbang ng mga Non-Government Organizations na tuwirang naghahatid ng serbisyo sa mga tinamaan ng bagyo. Nariyan na may dalang relief goods, namigay, nagluto ng pansamantalang makakain ng mga tao na nasa evacuation area/s. Nadama ng mga bakwet ang pagkalinga’t malasakit ng mga taga NGOs sa tao, bata, matanda na naghahanap ng masasandalan sa oras ng kagipitan. Batid ba ni Boy Pektus ang kagipitan. Sa maliit na ambag ng mga NGOs, pansamantalang nalimutan ng mga bakwet ang pighating dulot ng kawalan na ‘di nadama sa ama ng bayan.
Sa kabilang banda, patuloy na nanawagan ang DSWD sa mga Pinoy na magkusa upang makapaghanda’t makapaghatid ng 18,000 relief goods bag sa araw-araw sa buong kapuluan hanggang sa ika 11 ng kasalukuyang buwan. Hindi usapin dito ang cash relief sa mga namatayan at nasiraan ng bahay. Kita ng bayan ang kahindik-hindik na sinapit ng bansa sa bagyong Paeng. Habang nasa mahabang bakasyon si Boy Pektus at ang nawawalang si Inday Sapak. Sa kabila nito, malamya ang kilos ng pamahalaan sa pagtulong sa bayan na patunay ng kawalan kahandaan at ‘di una ang kapakanan ni Mang Juan. Ang katotohanan, tapos na ang pakinabang sa mga kapos palad.
Sa totoo lang, walang puwang sa puso ng kasalukuyang pamahalaan ang sinapit ng maliliit na kababayan. Orocan o kaplastikan ang ipinakikitang pagmamalasakit sa Pilipino lalo’t nakuha ang ibig sa nakaraan. Ngunit huwag alisin sa isip na hindi minsan na nagpapasya ang bayan. Ang kilos na ipinakita’y itinaga sa bato tanda na nagising sa katotohanan. Wala mang balota huwag sairin ang pasensiya ng bayan at baka pagsisihan. Hindi lang nasilip o nakita ng bayan ang tunay na layon ng mga naka upo, na lantad ang karakas na pansarili ang layon at di serbisyo sa bayan.
Maraming laban na ang sinuong ng bayan, huwag hayaang kumilos ang kabataan na nakikita ang kulay ng mga punong bayan. Ang ipinapakitang pagwawalang bahala sa kalagayan ni Mang Juan ang gagamitin upang kayo’y singilin sa kapabayaan. Hindi mapagtanim ang Pinoy ngunit hindi nakakalimot. Ang naganap sa nakaraang araw ay itatala sa isip at puso. Hindi hahayaan ang mga mapag-imbot na magpatuloy ng maling pamamalakad at sa pansarili lamang.
Sa huli, tila dapat magpasalamat ang bayan sa bagyong Paeng dahil hinubaran ng pagkatao ang mga lider na nailuklok sa nakaraan. Na hindi ito dapat asahan lalo sa panahon ng kagipitan. Ang pagkawala nina Boy Pektus at Inday Sapak sa panahon ng kagipitan ang lantarang pagsisikap ng Sanlumikha gamit ang bagyong Paeng na dapat imulat ang bayan. Ang serbisyong pangako’y tila ipinako sa takot sa nagngangalit na bagyo. Di’ dapat maulit ang pagkakamaling dinanas ng hindi hanapin ang serbisyo ng takbuhin ng yaman ng bayan.
Maraming Salamat po!!!