Advertisers

Advertisers

PAMUMUNONG HALPOK

0 239

Advertisers

“TYPHOON Paeng casualties: 45 ang namatay, 13 ang NAWAWALA kasama na diyan ang Presidente at Bise-presidente…” Ito ang komento ni Jojo Torres na nakamanman matapos hagupitin ang bansa ng bagyong Paeng na kumitil ng buhay at sumalanta ng kabuhayan ng libu-libong mamamayan. Tila isang “take-two” ito, dahil batid natin sa mga oras na iyon, mahalaga ang presensya ng pinuno. Ang presensya ng matinong liderato ay patunay na ang pamahalaan ay pinamumunuan ng matinong timon. Ito ay sapat, upang kalamayan ang loob ng nangambang mamamayan. Pero mula sa bagwis hanggang sa huling ihip ng hangin wala sila. Sa halip ang mga LGU ang humarap sa bagyo. Nasaan ang Pangulo? Nandoon naka-monitor umano sa Zoom. Paghupa ng lahat, enter-frame si Bonget at Inday Sapak. Si Bonget, nakita sa litrato, kasama ang mga kasapakat na nakapaikot at nagtuturo sa isang mapa na mistulang “ouija board”. Tila sapilitang pinagagalaw ang baso.

Ani Bonget: ” Ba’t ganun kabilis magpalit ng signal ng bagyo , signal number 3 lang. Wala pang isang oras signal number 5 na?” Eh bakit nga ba, ani ng isang pang miron: Sus ‘wag ka nang magtaka, anong pinagkakaiba niyan sa pagpasok ng boto sa transparency server, 100 thousand pa lang anda wala pang isang oras twenty million na… Bakit hindi nagawang abatan ng NDRRMC ang pagbaha? Nagawa mo pang magtanong kung bakit? Hay naku, hindi na kayo natuto sa Ondoy at Yolanda. Bakit hindi ibinalik ang Project Noah na inalis ng dati niyong serial killer na pangulo? Dahil itinayo ito sa pamunuan ng dating pangulong Noynoy Aquino para malaman kapag nagkaroon ng baha, at ang maaaring epekto nito sa mga lugar kung saan magkaka-baha? Dahil ayaw ng dating ” serial killer” president dahil ito ay naging proyekto ni Noynoy Aquino at kahit anong gandang idudulot nito sa bansa ayaw niya baka siya masapawan? Kaya ayan ngayon nagdurusa ang taumbayan.

Walang magagawa ang pagtuturo mo Bonget sa mapa. Lalong walang magagawa ang “thoughts and prayers” mo, at isandaang sakong bigas na ayuda mo, Inday Sapak. Pareho kayong nagparang mga alagad ng batas na may nakataling puting panyo sa ulo na biglang darating matapos supilin ni Agent X-44 ang mga masasamang loob. Ang patuloy na kapalpakan, na minana niyo sa dating administrasyon ng “killer president” ay nangangahulugan na mas importante ang “pakita” kay sa “pakitang loob.” Tanggapin natin na kasalanan natin kung bakit ganito ang uri ng pamumunong halpok ang napala natin. Ang Pilipino ay madaling ma-uto. At hindi kailangang pagalawin ang baso para ma-arok natin ito. Nawa’y gumising na tayo. Nawa’y kasihan tayong lahat ng Poong Kabunian.



***

“You can kill a story by killing a critic or journalist who uncovers the truth. Every threat against a journalist, is against YOUR freedom.” Tumambad sa akin ang mensaheng ito mula kay Butch del Rosario, isang netizen. Nangamba siya, sampu ng lahat na nagpapahalaga sa katotohanan, sa hayagang pagbabanta, at minsan, pagpaslang ng mamamahayag. Tila nananaig ang mga nagnanais na kitilin ang malayang pamamahayag. Pero gaya ng kasabihan: “pinakamadilim na gabi’y magigisnan, bago ang bukang-liwayway,” unti-unting nagkakaroon ng liwanag sa kasong pagpatay sa beteranong mamamahayag Percy Lapid Nang pabulaanan ang unang pahayag na natunton na ang “middleman” sa pagpaslang, na isa palang “inmate” sa New Bilibid Prisons, na namatay pala, dahil nawalan daw ng malay. Inakala natin na walang mapapala, at nakalibre ang mga salarin. Subalit humiling ang pamilya ni Percy Lapid na magsagawa ng pangalawang awtopsiya sa labi ni Crisanto “Jun” Villamor. Sa pangalawang awtopsiya ni Dr. Raquel Fortun, isang dalubhasang porensiko, nalaman na ang pagkamatay ni Villamor ay “asphyxiation” o pananakal sa pamamagitan ng “plastic bag.”

Nangyari ito sa ilalim ng pamamahala ng ngayon ay suspendidong BuCor Chief Gerald Bantag, isang kilalang kasapakat ni Rodrigo Duterte. Dahil dito, hindi mo maaalis na mag-isip ang abang kolumnistang ito: MAY DAVAO CONNECTION? ‘Eka nga ng beteranong mamamahayag Philip Lustre na tukoy na ang mastermind sa pagpatay kay Percy Lapid at ito’y mataas na opisyal ng BuCor. Halatang-obvious kung sino ang tinutukoy dito ay si Bantag na kilalang berdugo ni Duterte, at ng Davao Group. Hindi nagtaka si Ba Ipe kung bakit ayaw bitiwan ng Grupong Dabaw ang BuCor at National Bilibid Prisons. Ani Ba Ipe: “Kaya pala ayaw bitawan ng Davao Group ang BuCor at NBP. Doon nanggaling ang killer”. Maaalala na si Bong Go ang nagrekomenda kay “killer president” na hirangin kapalit ni Nicanor Faeldon si Bantag, kahit kilala siyang konektado kay Duterte at Davao Group, kahit may reputasyon siya na “killer.” Kaya pala hindi nagsalita si Duterte o sinuman sa mga anak niya (Sara, Polong, at Baste) at Bong Go tungkol sa pagpatay kay Ka Percy. Ngayon, sino ang nag-utos sa mastermind? Abangan…

Totoo ang kasabihan na “ang katotohanan ay isiwalat din” sabi sa Lucas 12:2-7: “Walang natatago na hindi malalantad at walang nalilihim na hindi nabubunyag. Ang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa loob ng silid ay ipagsisigawan sa lansangan.” Maging sa Koran sinasabi sa Surah Al-isra 81: “Ang katotohanan ay dumating at ang kasinungalingan lumisan. Totoo, ang kasinungalingan ay maiwawaksi”. Eeto lang po mga giliw na nagbabasa ng abang kolum ko: Kahit anong pangako ng mga opisyal ng pamahalaan, kahit gaano katikwas dahil sa umanong galit, ang buhok ni Ben Hur, ang katotohanan ang mananaig. At tulad ng inaasam na bukang-liwayway, ito’y magigisnan din. Ang kadiliman ay magwawakas din. At ang laganap na patayan, kung saan si Butch Cabilan, isang environment officer at kasapi ng grupong AKBAYAN ang pinakahuling biktima. Siya, sampu ng mga naunang pinatahimik ng punglo ng karahasan, ay makakamit ng mailap na katarungan. Kaya pahintulutan niyong ihalaw ko sa bersyon ko ang huling sinabi ni Ba Ipe na Abangan. Ito po ang bersyon ko: ABANGAN ANG COMING SOON…

***



Nanganganib mawalan ng trabaho ang mahigit-kumulang 50,000 tripulanteng Pilipino na lumalayag sa EU dahil sa Mayo, 2023 malalaman kung papasa sila sa mga repormang ipinatupad ng European Maritime Safety Agency o EMSA. Sa susunod na Lunes, tatalakayin ko ito.

***

Mga Harbat Sa Lambat: “Bakit ipapapatay ng tatlong lider ng tatlong gang sa Bilibid si Ka Percy e ‘di naman sila tinira ni Ka Percy kahit kailan? Wala silang motibo. Ang taong magpapa-tira kay Ka Percy ay ‘yung may matinding galit kay Ka Percy. Kaya ‘di kami naniniwala sa text na tatlong lider ng tatlong gang ang nagpapatay sa kanya…”- Toto Causing, spokesman ng pamilya ni Percy Lapid

***

Wika-Alamin: HALPOK: Bilasa, panis, o bulok.

Pag ginamit sa salita: Ang hipon kapag HALPOK binabaon na lang sa lupa.

***

mackoyv@gmail.com