Advertisers

Advertisers

KALAGAYAN NG FILM INDUSTRY

0 3,126

Advertisers

HINDI nakahiligan manood ng pelikula o ano mang uri ng palabas subalit napagtuunan ang isang pelikula na may katagalan dahil sa lapit ng sumulat nito. Isang aksyong pelikulang Pilipino na hitik sa makukulay na barilan na hango sa tunay na buhay na kasing tulad ng kaganapan sa lipunan sa kasalukuyan. Maganda ang pelikula at tumabo ito sa takilya base sa pag-aaral na ginawa. At dahil dito tila naakit na manood ng iba pang pelikulang Pilipino. Ngunit sa totoo lang, hindi nais bigyan pansin ang pelikula sa halip ang pumukaw sa atensyon ang kalagayan ng film industry sa bansa na tila naghihingalo sa ‘di batid na kadahilanan.

Sa nakalipas na buwan nagpahayag sina Senador Sexy at Senador Sili hinggil sa pagbabawal ng pagpapalabas ng K-drama, K-pop o mga katulad na palabas sa bansa galing sa So. Korea. Hindi binigyan pansin ng una, ngunit nagbalik tanaw sa pahayag ng dalawang senador at bakit ganun ang sinasabi ng dating taga-industriya sa arte na gawa sa Korea. Pumasok sa isip kung ano ang kalagayan ng industriya ng pelikula at entertainment sa bansa. Sa pahayag nina Sexy at Sili masasabing napag-iwanan ba ang gawang pinoy at maging sa bansa’y ‘di tinatangkilik dahil sa kalidad ng mga ginagawang show o pelikula. At bakit nag-alisan ang mga artista at pumasok sa pulitika. O baka malaki ang takits’ sa politika sa halip na manatili sa industriyang nakilala. Pansin ni Mang Juan na maraming artista’t atleta ang pumalaot sa mundo ng pulitika, Bakit?

Pwede bang sabihin na ang pagpasok ng mga artista sa mundo ng politika’y wala sa tamang takbo ang industriya? Indikasyon na dapat tulungan ang industriyang ito upang manumbalik ang sigla. O’ bumababa ang kalidad ng mga panoorin sa bansa?



Sa pagpasok ng pandemya sa bansa, lumakas ang hatak ng mga artistang Korean sa mga Pinoy lalo sa mga young professional. Dahil ba sa new look at kinis ng kutis? Tumaas ang interes ng Pinoy sa mga Korean artist at iilan Pinoy artist na lang ang sumasabay ngunit naghahabol sa kasikatan. Tila isang heat wave ang dating ng mga ito at tinitilian ng kabataan. May pagkakataon na dinadayo ito ng mga Pinoy Young Professionals upang mapanood ang mga palabas ng mga grupong BTS at K-Pop. Hindi magkamayaw at dinumog ng mga dayo mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang grupong nabangit ng magkaroon ng libreng concert sa kanilang bansa. Walang bayad ang konserto ngunit tumaas ang turismo sa South Korea sa dami ng nanood. Patuloy ang pagdami ng turismo sa nabangit na bansa dahil na ihanda ng pamahalaan ang kapaligiran upang mahikayat ang marami pang turista. Base sa pagsasaliksik, puno ang mga hotel accommodation sa nasabing bansa hanggang sa katapusan ng taon dahil sa mga naka takdang konserto ng mga artist.

Hindi nakawala sa matalas na mata nina Sen. Sexy at Sen. Sili ang kasikatan ng mga Korean Artist at nais ipagbawal ang pagpasok ng mga palabas na gawang So.Korea. Ang masakit, bakit ang K-Drama at kauring gawa ng mga Koreano ang pinagdiskitahan gayong sila mismo’y lumisan sa mundong ginagalawan. Sinita ang nagpapasaya sa Pinoy gayong gayong walang ikinilos upang palakasin ang industriyang minsang kinabilangan. At hindi tumayo upang sagkain ang pagpapasara ng ABS CBN gayung isa itong malaking kawalan sa industriya ng arte.

Sa maraming pagkakataon, tinitingala ang bansa sa maraming aspeto ng kahusayan. Nariyan ang agrikultura, kaunlaran, kultura maging sa politika ng maganap ang 1986 EDSA People Power na nagpatingkad sa pagmamahal ng Pinoy sa kalayaan at demokrasya. Subalit ang mga ito’y naglaho ng magkaroon ng mga pinunong bayan na una ang sarili bago bayan. Ibinaon ang bayan sa hirap sa halip na pataasin ang antas ng kabuhayan. Nariyan ang lider ng bansa na pinalakas ang kabuhayan ng mamamayan. Pinababa ang presyo ng bilihin at nag-iwan ng malaking kaperahan sa kaban. At ng bumaba sa pwesto, niluklok ng nakararaming Pinoy ang walang alam na pinuno kundi magmura. May sumisilip na mapabuti ngunit hindi binigyan pagkakataon at pinili ang pala liban at nawawalang lider ng bayan. Ay naku bayan!

Sandaling balikan ang kasaysayan ng pagkabangon ng So. Korea pagkatapos ng pinasukang digmaan. Isina puso ng lider ng bansa ang pait ng digmaan ngunit hindi nagpatali sa nakaraan. Inayos ang bayan, nakipag mabutihan sa mga kalapit bansa. At itinaguyod ang kagalingan ng mamamayan, hindi pinabayaan ang ano mang industriya lalo ang entertainment. Dahil sa nakitaan ng potential ang industriyang ito, inayudahan, pinag-aralan at ikinawing sa pagpapalakas ng industriya ng turismo. Sa giya ng pamahalaan, mula artista hanggang sa produksyon, nakabangon at nagbunga ng positibo sa bansa ang pagtutok sa entertainment industry. At nilakipan ng pag-aayos ng mga tanawin o tourist spot sa bansa ng So. Korea na humatak sa maraming dayuhan na bisitahin ang bansa. Nagamit ang social media sa pagbabalita, at pumutok na maganda ang lugar ng Korea kasama ang mga sikat nitong mga artista. Totoo ba ito Sen. Sexy at Sen. Sili?

Sa bansa nating pinakamamahal, hindi maging mapanlikha ang mga lider ng pamahalaan. Hindi na isip o walang isip na gamitin ang panahon ng pandemya sa pagbabalangkas ng mga plano na palakasin ang ekonomiya ng bansa, sa nasabing panahon. Walang kilos na makabuluhan na may pakinabang ang bayan. Ang masakit naging palaasa sa pag-utang at donasyon galing sa ibang bansa. Pinabayaan ang bayan basta’t busog ang lukbutan. Napag-iwanan ang bansa. Ang mas masakit milya milya ang layo ng kabuhayan ng mamamayang Pilipino kumpara sa mga Koreano. Maging sa industriya ng entertainment, hindi nabigyan ng tamang tuon ng gobyerno ang industriya na nagpabagsak sa kalidad na inilalabas na pelikula. Ang resulta, nilangaw ang mga pelikula tulad ng Maid in Malacanan. Ang kagandahan nito, tila tanikala ang resulta bumulusok pababa ang ekonomiya, kultura at sa kabuhayan ng mamamayan. Ay naku! na naman.



At umuusok ang bigote ni Sexy at ibig ipagbawal ang mga Koreanovela, kaso mukhang hindi kagat ng masa ang bagong Darna. Sa totoo lang, hindi kinakitaan ng ganitong kaisipan ang mga lider ng Korea. Sa katunayan, tinitingala nito ang kagalingan ng gawang Pilipino sa pagpapataas ng kalidad ng kanilang mga artista. Hindi nag-isip na katungali sa halip isang kuya na mag-aambag ng kagalingan sa kapakinabangan ng kapatid. Higit, isang kapwa artista na napulutan ng aral na nagpatingkad sa kakayanan. Gets mo ba Sexy?

Sa pamahalaan, mainam na makipagpalitan ng kaalaman ang bansa kung paano makababangon ang industriyang minamahal upang makabawi. Ang pagtugon sa pagbabawal sa mga palabas galing sa ibang bansa’y pagbabansot sa sarili. Hindi na panahon na Filipino First, nasa iisa tayong mundo na kung saan magkakawing ang kabuhayan ng bawat bansa. Sikaping mag-isip ng paraan na nagpapalakas ng industriya ng pelikula na nakakawing ang kabuhayan ni Mang Juan at Aling Marya. Tamang mahalin ang industriyang kinamulatan ngunit huwag gamitin sa kasalukuyang kahinaan ang pagbabawal sa mga banyagang pelikula. Huwag manatili ang pamahalaan sa pag-re-rate ng mga palabas. Subukang pumasok sa industriyang at lakipan ng programang may pakinabang ang bayan at ‘di sa iilan. Naghihintay ang Kalihim ng Turismo at handa ang tulong na kailangan ng industriya ng pelikulang Pilipino kalakip ang pagpapalago ng turismo.

Maraming Salamat po!!!