Advertisers
MUKHANG kina-karma na si suspended Bureau of Correction (BuCor) Director General Gerald Bantag sa mga naging “kasalanan” niya sa mga bilanggo mula pa noong nasa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) siya.
Sa kinakaharap niyang kaso ngayon na may kaugnayan sa pagpaslang sa hard-hitting radio commentator at newspaper columnist na si Percy Mabasa, mas kilala sa “Percy Lapid”, mukhang mahihirapan na siyang makabalik sa puwesto. At kapag minalas-malas pa ay baka siya naman ang maging laman ng kulungan na dati niyang pinamumunuan.
Si Bantag ang tinuturong mastermind sa pagpaslang kay Lapid noong Oktubre 3, 2022. Oo! Siya ang itinuturo ng middlemen na pawang bilanggo ng National Bilibid Prison. At kahit ang mismong sumuko na gunman,Joel Escoliar, ay pangalan niya (Bantag) ang binanggit sa affidavit.
Kahit sina Justice Secretary “Boying” Remulla at Interior Secretary Benjur Abalos ay kumbinsido sa mga affidavit ng middlemen at gunman na si Bantag ang nasa likod ng paglikida sa hard-hitting journalist.
Si Bantag kasi ang may pinakamabigat na rason para ipapaslang si Lapid. Dahil narin sa naging expose ng mamamahayag tungkol sa biglang yaman umano ni Bantag simula nang italaga ito sa BuCor ni ex-President Rody Duterte.
Sa kanyang expose sa programang ‘Lapid Fire’ sa radio DWBL, sinabi ni Lapid na isang opisyal ng tanggapan na nasa ilalim ng Department of Justice ang nagkaroon ng 11 sasakyan at mansion sa Laguna simula nang ipuwesto ito ni Duterte.
Ipinakita pa ni Lapid ang video sa kanyang vlog ang mga sasakyang nakaparada lang sa kalsada dahil hindi raw magkasya sa garahe ng naturang opisyal.
Ilang linggo matapos e-expose ni Lapid ang tungkol sa tagong yaman ng opisyal na hindi naman niya pinangalanan ay pinatay ito noong Oktubre 3.
Nakunan ng CCTV ang gunman at isinapubliko ni Sec. Abalos ang larawan nito. Tapos may mga nagbigay ng reward na umabot sa P6.5 milyon para sa makapagtuturo o makahuhuli sa gunman. Ilang araw ang nakalipas ay sumuko si Escoliar at ikinanta kung paano nila pinagplanuhang patayin si Lapid at kung sino-sino ang mga nasa likod ng krimen. Si Bantag daw ang nag-utos sa kanila. Boom!
Bukod sa Lapid murder case, iniimbestigahan din si Bantag sa mga misteryosong pagkasawi ng mga “malulusog” na inmates sa Maximum Compound ng Bilibid, kabilang na rito ang isa sa middlemen sa Lapid murder na si Jun Villamor, na sinasabing “sinupot” ng mga kapwa niya preso sa utos ng tao ni Bantag na si Superintendent Ricardo Zulueta, ang Directorate and Security Operations chief ng BuCor.
Sa imbestigasyon ng NBI, natuklasan ang 176 bangkay na nakatambak ngayon sa isang punerarya sa Las Pinas na binabagsakan ng mga nasawing preso sa Bilibid. Bukod pa rito ang mga pina-cremate ni Bantag noong kasagsagan ng Covid-19, kabilang ang high-profile inmate na si JV Sebastian na matapos idiin sa kasong ‘protektor’ ng drug trade sa NBP si dating Senador Liela de Lima ay umatras, at biglang natigok!
Ilang high-profile inmates pa na nagdiin kay De Lima sa kaso na nag-withdraw ang misteryosong nasawi sa Bilibid.
Sina Bantag at Zulueta noong nasa BJMP sila ay nasangkot din sa isang pagsabog sa loob ng Las Pinas City Jail kungsaan 10 preso ang natigok. Pero nadismis ang kaso sa korte.
Sina Bantag at Zulueta ay nagtatago na raw. Sila naman ang hina-hunting ng mga alagad ng batas. Karma is real!