Advertisers
SUMIKLAB ang tensyon sa pagitan ng mga demolition team at mga residente dahil sa nakaambang paggiba sa mga bahay na nakatirik sa lupain ng pribadong kompanya sa Coral St, Juan Luna, Tondo, Maynila.
Ayon sa building inspector ng Manila City Hall na si Engr. Ed Balayan, tuloy ang kanilang demolition sa mahigit 300 square meters na lupaing nasasakupan ng 100 pamilya na mahigit pitong dekada nang nakatira sa lugar.
Nasa 60 bahay ang gigibain ng demolition team mula sa pribadong kompanya. Sa kabila ito ng inilabas na kautosan mula sa Office of the City Legal Officer na pirmado ni City Legal Officer Veronica N.Lladoc.
Sa nasabing kautosan, nakasaad na ang demolition sa lugar na pag-aari ng Meridian Cargo Forwarders, Inc., dapat kanselahin o i-postpone muna dahil sa nakabinbing ‘petition for review’ sa Korte Suprema.
Pero giit ni Engr. Balayan, tuloy ang demolisyon dahil walang maipakitang Temporary Restraining Order (TRO) ang Tondo Central Neighborhood Association, Inc. sa kabila ng makikipagpulong ang asosasyon at nagkaroon ng consensus kasama nila 1st Dist. Cong. Ernesto Dionisio, Cong. Irwin Tieng at Manila Vice Mayor Yul Servo hinggil sa pagpapaliban sa demolisyon matapos na maghain ng petisyon sa SC si Jaime David, residente at miyembro ng asosasyon.
Dahil dito, walang nagawa ang mga residente kaya nakiusap na lamang sila na mag-self-vacate o mag-self demolition kaya nagkanya-kanyang hakutan para maisalba ang kanilang mga gamit bago paman sumugod ang mga demolition team.
Ayon sa isang residente na si Gng. Carol Bautista, wala silang matutuluyan dahil hindi sila binigyan ng sapat na panahon na makapaghanda.
Sinabi naman ni Engr. Balayan na Nov. 2 pa nakatakda sanang i-demolish ang naturang residential area na sakop ng Barangay 59.
Hiniling naman ng Presidente ng Asosasyon na si Ronaldo Bautista na bigyan sila ng karagdagang sapat na panahon para makapaglipat ang mga residente lalo ang mga walang matutuluyan.
Samantala, may mga nakaantabay namang mga tauhan ng DSWD, Housing and Urban Development at iba pa upang umalalay sa mga apektadong residente. (Jocelyn Domenden)