Advertisers
HINDI umano kumbinsido si dating Senador Leila de Lima na ang suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag ang mastermind sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.
Sinabi ng dating senadora sa isang statement mula sa kaniyang selda sa Camp Crame na ang 54-anyos na corrections official ay hindi pa ganun katanda para tawaging “Tanda” at hindi din aniya si Bantag ang itinuturong Tanda ng inmates.
Hinikayat din ng dating mambabatas ang mga awtoridad na hanapin ang tunay na mastermind na nasa likod ni Bantag.
Sa alegasyon pa ni De lima, ang tunay daw na Tanda ay maaaring ang dating Pangulong Rodrigo Duterte na palagi nitong pinagsu-suspetsahan at siyang nagtalaga kay Bantag bilang head ng BuCor, para bantayan ang mga convict sa Bilibid na nagtestigo laban sa kaniya.
Dapat din, aniya, na huwag lamang nakatuon ang imbestigasyon ng Department of Justice-National Bureau of Investigation at ng Philippine National Police kay Bantag.
Kwestyonable rin, aniya, kung determinado talaga si Bantag na mag-utos ng sarili lamang niya para ipapatay si Lapid nang walang nag-utos sa kaniya na iba na mas makapangyarihan kaysa BuCor Chief.
Subali’t ayon kay Southern Police District director, Brig. Gen. Kirby John Kraft, hindi kabilang ang dating pangulo sa 160 persons of interest na iniimbestigahan ng PNP kaugnay sa pagpatay sa mamamahayag.
Itinangggi narin ni DoJ Sec. Crispin Remulla na may kaugnayan sa kontrobersiyal na kaso ang dating pangulo.
Una rito, ikinanta ng ilang inmates ng New Bilibid Prison (NBP) ang pangalang Bantag na tinatawag umano nilang “Tanda” na siyang nag-utos na mag-ambag-ambag para mabuo ang P550,000 para sa pag-hire ng papatay kay Lapid.