Advertisers
ILANG BUREAU OF CUSTOMS (BoC) Commissioner ang dumating at umalis — lahat sila ay nangako ng pagbabago at nagsabing hindi lamang wawalisin kungdi ibabasura sa mga piitan ang mga ismagler at mga kasapakat nina sa Aduana?
Sa mga unang buwan ng mga bagong naupong komisyoner, hindi na bago ang anti-smuggling campaign, pagpapabuti sa serbisyo at iba pang reporma at pagbili ng mga modernong kagamitan at pagsubok sa mga bagong teknolohiya para mapatino ang BoC na ang reputasyon sa publiko ay isang ahensiyang nakalubog sa kabulukan at katiwalian.
Hindi na matin matandaan ang dami ng naupo, tumayo, dumating at umalis na mga komisyoner, pati na ang mga diputado at mga hepe o ahente ng Customs police, Customs Intelligence at iba pang otoridad na iisa lamang naman ang target.
Kung naging totohanan talaga ang paghahanap sa mga kilalang ismagler, baka sa dami ng anti-smuggling task force, at iba pang katulad na puwersa, baka ngayon, pati garapata sa damit ng nga ismagler ay namatay na.
Pero hindi yata ito mangyayari, dahil ang mga “kilabot na pangalan ng mga ismagler” ay mga ngising bulldog sa pagyayabang at sabi nga, habang lumalaon ay hindi bumubuti kungdi sumasama pa kaysa dati ang ismagling, pandarambong at pagpapayaman ng mga madulas pa sa palos na mga kawatan sa Aduana.
Pulpol ba ang mga batas natin laban sa ismagling?
Bungal ba ang batas natin laban sa mga mandarambong sa gobyerno, lalo na sa BoC, Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Immigration (BI)?
Butas pa ang lambat na pambitag sa malalaking pating sa katihan?
Madali bang ngatngatin ang bitag ng BoC kaya walang sinabi sa matatalas na ngipin ng mga buwayang nakamaleta ng bungkos-bungkos na pera?
Maaaring ang maisagot ay “Oo” sa lahat ng mga tanong na ito?
Kung gayon ano ang dapat na gawin?
Ang sabi ng marami: dapat na magsuot ng baluting bakal sa puso ang mga magpapatupad ng batas, at ang isuot ay mga kamaong bakal ng mga hahabol sa mga tiwali at mga ismagler para sila ay tuluyang madurog.
Ang tanong: May mapipili bang ganitong (mga) tao na prinsipyado, dedikado at hindi tarantado na ang husay ay kung paano paapawin ang sariling bulsa at ano ba ang pakialam niya kung ang gobyerno ay malubog sa kahirapan?
Mayroon naman, pero ang mga ganitong tao nga sa kabila ng matibay na bakal sa dibdib ay napapagod din at natatalo pagkat ang mga buwaya at pating sa katihan ay nananatiling nagkakaisa laban sa nais pumatay sa kanila.
Kailangan nga kasi na ang buong kawanihan ay maging iisang tao na kikilos laban sa mga kriminal sa Aduana.
Ito ang dapat na gawin at magtatagumpay ang kamaong bakal laban sa kasamaan at katiwalian.
***
Kamakailan ay nagbalik-paaralan na ang ating mga estudyante, at ano ang kanilang mga dinatnan, lalo na sa paaralang bayan — kulang sa classrooms, kulang sa mga gamit, kulang sa titser, kulang sa malinis na paligid at comfort rooms.
Higit sa lahat, kulang ang mga bata at kabataan natin — na ayon kay Dr. Jose Rizal — ay siyang pag-asa ng bayan, sa libro.
Libro, opo, libro. Hindi lang basta aklat. Mga aklat na dito ay makababasa at matututo ang mga mag-aaral ng mga tamang kaalaman at maghuhubog sa kanila na maging mabuting anak at mamamayan upang maging mabubuting lider ng bansa sa pagsapit ng kahinugan ng kanilang henerasyon.
Maraming ulit ng binatikos ang Department of Education (DepEd) sa kapabayaan nito na mabantayan ang mga pribadong publisista at manunulat sa pagkakalat at pagbebenta ng mga librong hindi lang marupok at walang kalidad kungdi “tadtad ng mali sa datos, grammar at nagtuturo ng ibang kulturang salungat sa ugaling Pilipino.”
Akala natin, nagamot na ito ng DepEd, pero hindi.
Kaya walang nangyayari sa edukasyon ng bansa kasi ang unang nasa isip ng nasa puwesto ay kung paano magkakamal ng pera at hindi ang pagpapayaman sa isip at pagpapahusay sa moralidad at ugali ng ating mga estudyante.
Krisis sa libro? Hindi lang ito ang sakit ng edukasyon ng bansa.
Krisis sa matinong liderato!
***
Pera natin… taxpayers’ money are being used to train the police and military forces to uphold the the law, not to favor the interests of the elite.
Pero ito ang mapait na katotohanan. Kapag mabantot ka, marumi ang damit mo at at wala kang aral, pati ang paghinga mo ay isang malaking kasalanan. Pero kapag mababango, de alahas pati ang dede at ilong nila porke maimpluwensiya at mayaman, kahit lantad ang kawalanghiyaan, ang pulis o military na gagalaw sa kanila ang sila pang makukulong at maparurusahan.
Ang baril, uniporme, bala at pati ang buhay ng mga pulis at sundalo natin ay isinumpa nila na gagamitin at itataya para sa kapakanan ng mga api at pinagsasamantalahan sa ating bayan.
Pero ano ang ating nasasaksihan?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.