Advertisers
INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi siya titigil na gawing matatag ang bansa laban sa mga kalamidad sa pamamagitan ng patuloy na pagsusulong ng panukala niyang Disaster Resilience Act.
“Hindi ako titigil na isulong ang Department of Disaster Resilience. Itong departamentong ito, kagaya po ng Department of Migrant Workers, Cabinet secretary-level talaga dapat,” ayon kay Go matapos niyang personal na ayudahan ang flood victims sa Roxas City, Capiz.
“Kasi ‘yung respeto at coordination. Kasi kung wala tayong isang departamento para sa disaster, ang nangyayari puro tayo task force – kapag bagong administrasyon, maiiwan na po ‘yung task force,” dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Go na ang pagtatatag ng isang departamento na haharap sa mga epekto ng mga natural na kalamidad ay magiging posible para sa gobyerno na mapabuti ang koordinasyon at pagbibigay ng isang mas maayos na diskarte sa pagtugon sa mga sitwasyon ng krisis.
“Kung may departamento, madali ‘yung turnover kahit na bago ang administrasyon kasi nandidiyan ang secretary, nandiyan lahat ng records, ‘yung rehabilitation, ‘yung coordination,” idiniin niya.
“Halimbawa, bagsak ‘yung poste, nandiyan ‘yung coordination kaagad ng secretary with the DOE (Department of Energy), restoration kaagad… Kapag health naman, coordination kaagad sa mga sanitation, sa pangangailangan ng mga nagkakasakit. DSWD (Department of Social Welfare and Development), coordination n’ya sa mga relief at ayuda. Coordination with DPWH (Department of Public Works and Highways) ‘yung mga equipment, buksan kaagad ‘yung mga daanan at clearing operations sa mga natumbang kahoy,” esplika niya.
Ang Senate Bill No. 188 na magtatatag sa DDR ay layong pagsama-samahin ang lahat ng mahahalagang tungkulin at mandato na kasalukuyang nakakalat sa iba’t ibang ahensyang may kinalaman sa kalamidad.
Kapag naitatag na, ito ang pangunahing responsable sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibidad upang matiyak na ang mga komunidad ay disaster-resilient, adaptive at ligtas.
Bukod dito, itinatadhana rin ng panukalang batas ang pagtatatag ng Humanitarian Assistance Action Center, isang one-stop shop para sa pagproseso at pagpapalabas ng mga produkto, kagamitan at serbisyo, upang matiyak ang napapanahong paghahatid ng tulong sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Maglalaan din ito ng mga remedial na hakbang para sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity, tulad ng paglalagay ng price ceiling sa mga pangunahing pangangailangan at pangunahing bilihin, programming o reprogramming ng mga pondo para sa pagkukumpuni ng mga pampublikong imprastraktura, at pagbibigay ng walang interes na pautang ng mga institusyong nagpapautang sa mga vulnerable na grupo o indibidwal.
Samantala, suportado ni Go ang ideyang inihain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilagay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council sa ilalim ng Office of the President upang ang ahensya ay magkaroon ng isang “mas matatag na sistema.”
“Ako po ay natutuwa na nabanggit ng ating Pangulo na ia-under sa Office of the President para bigyan ng kapangyarihan (ang NDRRMC),” ani Go.
“Dapat secretary-level at bigyan po ng authority para makabalik kaagad sa normal na pamumuhay ang mga kababayan natin na mga tinamaan po ng bagyo, restoration of normalcy. Iyon ang importante,” pagtatapos niya.
Bukod sa DDR bill, muling isinampa ni Go ang SBN 1228 o ang “Mandatory Evacuation Center Act” na naglalayong magtatag ng ligtas, permanente, at dedikadong evacuation center sa bawat lungsod, lalawigan, at munisipalidad sa bansa.