Advertisers

Advertisers

‘ITIM’ NI MIKE DE LEON NA PINAGBIDAHAN NI CHARO SANTOS, TAMPOK SA 10TH QCINEMA INTERNATIONAL FILM FESTIVAL

0 211

Advertisers

TAMPOK sa ika-10 edisyon ng QCinema International Film Festival ang digitally-restored version ng Pinoy classic na “Itim,” sa direksyon ni Mike de Leon na nagbigay din kay Charo Santos ng kanyang unang Best Actress award sa 1978 Asian Film Festival.
Ang “Itim” ang kauna-unahang pelikulang idinerehe ng award-winning director na si Mike de Leon, ito rin ang unang major acting role ni Charo sa isang pelikula na pinagbidahan din nina Tommy Abuel, Mario Montenegro, Mona Lisa, at Susan Valdez. Mapapanood na ito sa Digitally Restored Classics category ng QCinema Film Festival ngayong Nobyembre 17 hanggang 26.
Magmula nang una itong ilabas noong 1976, patuloy pa ring kinikilala ang pelikula sa iba’t ibang dako ng mundo hanggang ngayon, kabilang ang international screening nito sa Cannes Film Festival nitong Mayo. Nagwagi rin ito ng kabi-kabilang parangal, isa na rito ang Best Film of the Decade distinction sa 1981 Gawad Urian.
Sa kanyang panayam, binalikan niya kung paano niya nakuha ang lead role sa “Itim.” Ika niya, nadiskubre siya ng beteranong direktor na si Lino Brocka sa isa sa mga sinalihan niyang pageant noon. Matapos nito ay pinakiusapan siyang mag-audition sa lead role ng unang pelikulang idi-direk ni Mike de Leon.
Lubos din ang pagrespeto ni Charo kay de Leon at aniya, marami siyang napulot na mahahalagang aral mula sa kanya na hanggang ngayon ay idinadala niya sa industriya bilang aktres at producer.
“He’s very disciplined. Everything I learned about filmmaking, I learned from Mike,” kwento ni Charo.
Tampok sa “Itim” ang kwento ni Jun (Tommy), isang photographer na umuwi sa kanila para bisitahin ang kanyang paralisadong ama. Nataon na Semana Santa noon kaya’t napagpasyahan din niyang i-dokumento ang mga ritwal ng mga taga-roon. Doon niya nakilala at kinaibigan ang misteryosong dalaga na si Teresa (Charo).
Subalit, biglaang sasapian si Teresa ng kaluluwa ng kanyang pumanaw na kapatid na si Rosa (Susan) at dito malalaman ang katotohanan sa likod ng malagim na trahedyang kinahinatnan niya.
Pakatutukan ang digitally-restored version ng “Itim” sa 10th QCinema International Film Festival mula Nobyembre 17–26 sa Gateway Cineplex 5/1 at Power Plant Cinema 6. Para sa screening schedule nito, bisitahin ang facebook.com/QCinemaPH o sundan ang @QCinemaPH sa Twitter at Instagram.