Advertisers
Sugatan ang isang ginang na Indian national nang saksakin sa dibdib ng mga ‘di kilalang kawatan na nanloob sa kanilang tahanan at minolestiya pa ang anak, Huwebes ng madaling araw sa Cubao, Quezon City.
Hindi na pinangalanan ng mga awtoridad ang mag-inang biktima para sa proteksiyon ng mga ito habang tinutugis pa ang dalawang suspek sa krimen.
Batay sa report ng Quezon City Police District (QCPD)-Cubao Police Station (PS 7), nabatid na naganap ang krimen sa pagitan ng 3:00 hanggang 4:00 ng madaling araw sa loob ng condo unit ng mag-ina na matatagpuan sa Montreal St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni PEMS Vivian Umpad ng Women and Children Concern Section (DWCCS) ng PS 7, mahimbing umanong natutulog ang mag-ina, nang bigla na lang magising ang ginang nang sakalin siya ng isa sa mga suspek.
Binusalan umano ng mga ito ng tela ang kanyang bibig at saka sinaksak siya ng patalim sa kaliwang dibdib, sanhi upang mawalan siya ng malay.
Dito na umano minolestiya ng mga suspek ang anak na batang babae ng ginang at saka nilimas ang cash money ng mga ito na tinatayang aabot sa P4,000,000 ang halaga bago mabilis na tumakas.
Mabuti na lamang at hindi napuruhan ng mga suspek ang ginang at nang magkamalay ito nagawa pa nitong tumawag sa mga guwardiya ng condo building at humingi ng tulong.
Kaagad namang sumaklolo ang mga guwardiya at isinugod sa pagamutan ang mga biktima, at saka ini-report ang insidente sa mga pulis upang maimbestigahan.