Advertisers
KAHIT kailan ay barumbado o astang maton itong China.
Sinasadya ba ang bullying tactics na ito, para uminit at tuluyan nang di magkaunawaan ang Pilipinas at bansang Tsina?
Alam naman nating ang China ngayon ang itinuturing na isa sa pinakamalaking “dragon” ng ekonomya sa buong mundo, at isa sa may malakas na puwersang militar.
Sa simpleng pagsusuri, kung ipipilit ng China na angkinin ang West Philippine Sea (WPS) na matagal ng pinagtatalunan, paano na yung iba pang bahura na atin naman talaga at malalapit sa mga lalawigan ng Zambales at Palawan?
Matutulad lang tiyak yan sa nangyari sa Scarborough Shoal or Panatag Shoal na tuluyan nang inangkin ng China. Atin ang lambak na iyon ng dagat na napakayaman sa isda, at iba pang hayop sa dagat batas sa international law of the seas, na ayon sa mga Intsik noon pa raw unang panahon, bahagi na talaga ng kanilang bansa ang Panatag, the rest is history.
Pero kung susundin ang argumentong ito, at papayag tayo na angkinin ng China ang WPS, sa susunod na panahon, maaaring gamitin din nilang rason sa pag-angkin sa buong Pilipinas ay ito: Noon pa man bago dumating ang dayuhang Kastila, ang mga English, mga Portuguese at maging ang Hollander at ang USA, narito na ang kanilang kababayang Chino na nakikipagkalakalan sa mga katutubong Muslim.
Hindi tayo dapat na pumayag na maangkin ng China ang WPS, pagkat ito na ang magiging simula ng pagsakop nila sa atin bilang isang kolonya.
Paraang diplomatiko ang ginagamit ng administrasyong ito, at kasabay ang paggiit sa USA na igalang at tuparin ang Mutual Defense Treaty na dito, malinaw na nakasulat, kung salakayin ang Pilipinas ng anomang bansa, ito ay maituturing na pakikidigma rin sa USA.
Nangyaring nasangkot ang USA sa mga giyera sa Korea, sa Japan at sa mga giyera sa Middle East na ang hukbong Pilipino ay tumulong upang ibandila ang “demokrasyang” itinataguyod ng Amerika.
Dito masusubok ang tatag ng MDT, at umakto kayang Big Brother ni Juan dela Cruz si Uncle Sam?
May dugo ng kataksilan sa kasaysayan ng Pilipinas ang ginawang pagsakop ng US sa Pilipinas noong lumagda ito sa Treaty of Paris para tuluyang angkinin ang buong teritoryo natin mula sa kamay ng kolonyalistang Espansa.
Maaalaala ang librong “To Serve The Devil” na noon pa man ay tinalakay ng pitak na ito kung nakasaad na bago pa lumanding ang unang tropa ni Magellan sa Pilipinas, nakatuon na ang mga mata ni Uncle Sam sa pagsakop sa Pilipinas.
Nag-uudyok ba ng pakikihamok ang tila atubiling pagsunod ng USA sa MDT upang tayo ay isubo sa digmaang Filipino-Chino upang sa maniobrang politika ay muling mapagtaksilan ang ating pagtitiwala bilang Browm American sa Asia.
***
Noong matapos ang EDSA 1 at 2, angyare sa Pilipinas?
Matapos ang 21 taong pamumuno ni dating Presidente Ferdinand E. Marcos, ano ba ang naging ganansiya at mga naging tagumpay natin sa pagkakamit kuno muli ng “demokrasya?”
Ano ang nangyari sa matayog na pangarap ng pagbabago, pag-unlad at matiwasay na demokrasyang ipinangako ng ‘Bloodless People Power” sa apat na araw na pag-aalsa sa EDSA noong 1986?
Matagumpay ngang napatalsik noon si Marcos, pero paano ng nangyaring nakabalik ang mga pami-pamilyang dinastiya ng mga politiko sa ating bansa.
Hindi dahil kay dating Presidente Corazon “Cory” Aquino kaya naging ‘bloodless revolution’ ang EDSA Uno.
Kayang-kayang buwagin ng militar ang kumpol-kumpol na taong nagpoprotesta noon sa harap ng Kampo Crame at Kampo Aguinaldo, pero ano ang iniutos ni Marcos kay AFP Chief of Staff Fabian Ver?
Iniutos ni Macoy: wag paputukan at tahimik na itaboy ang mga tao sa EDSA.
Dahil kay Marcos, kaya nagtagumpay ang ‘bloodless’ EDSA Uno.
1987, naging 13 magsasaka ang napatay sa bloodiest protest sa Mendiola at noong 2004 sa Hacienda Luisita na napatay ng PNP at AFP ang 7 magsasaka na nagprotesta laban sa hindi pamamahagi ng lupang sakahan sa kabila ng utos ng Supreme Court.
Maraming korporasyong, impraestruktura at iba pang pag-aari ng taumbayan ang isinauli at o ibinenta sa panahon ni Cory at ni Pres. Fidel Ramos na hinahamak sa tawag sa kanya na Boy Benta.
Walang gaanong nagawa si dating Pres. Erap Estrada nang patalksikin sa EDSA 2 at wala rin umano gaanong naiunlad ang bansa sa panahon ni dating Pres. Gloria Arroyo.
Namukadkad sa panahon ni Noynoy Aquino, ang korapsiyon sa hindi maipaliwanag na pagkawala ng bilyon-bilyon pisong pondo at donasyong salapi at relief goods para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Humihiyaw ng katarungan ang pamilya ng minasaker na SAP 44; di-maipaliwanag na bilyon-bilyong Disbursement Acceleration Program (DAP) fund na sinabing unconstitutional ng Supreme Court at ang pagpapatalsik kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona dahil sa utos na ipamamahagi na ang lupang sakahan sa Hacienda Luisita.
***
Libo-libong biktima raw ng extrajudicial killing (EJK) ng war on drugs ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte; human rights violations at maraming korapsiyon at pagsuko sa sobereniya ng bansa laban sa pananakop daw ng China sa teritoryo ng bansa, ayon sa kanyang mga kritiko.
Bigong-bigo, sabi ng marami ang pangarap na pagbabagong ipinangako nina Cory at hanggang sa panahon ni Duterte.
Mas mabuti pa raw sa panahon ni Marcos na exporter tayo ng bigas at mayroon tayong malakas na ekonomya at ang Pilipinas ay isa sa angat na bansa sa Asia.
Ngayon, napag-iwanan na tayo ng Vietnam at South Korea na nilumpo ng maraming taon ng giyera.
Anyare sa Pilipinas, bayan ko?
***
Si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ang ating Ama ng bansa.
Ang mga tanong ngayon: Napangangalagaan ba ni Ginoong Pangulo ang mga karapatan ng kababaihang Pilipino?
Umano ay di natutukan ang mga problema sa prostitusyon, human trafficking, lalo na sa mga babae, at domestic violence na matagal nang naririto at di rin nasolusyonan ng mga dating pangulo, hindi ito maikakatwiran.
Dapat ay magpakita ang Pangulo ng kamay na bakal sa lahat ng kanyang mga hinirang na dapat na magpatupad ng batas para sa proteksyon ng lahat, hindi lamang ng mga babae at mga bata at matatanda.
Alam naman nating malupit at mabagsik ang “karahasan” ng kahirapan.
Ang mga pamilyang nagugutom ay tiyak sa patalim kumakapit.
Tamang sugpuin ang korapsiyon, tama na patatagin ang ating lakas pambansa laban sa nagkukunwaring kaibigan pero lihim na kaaway na China.
Tama ang mga programa sa cash donation sa mga mahihirap at iba pang programa kontra sa kahirapan at kawalan ng hanapbuhay.
Pero ang mga ito ay pantapal lamang at hindi permanenteng solusyon sa mga problema.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com