Advertisers
Natagpuan wala ng buhay at nakabaon sa magubat na lugar isang miyembro ng CAFGU na ilang araw ng nawawala sa Barangay Masalukot 111, Candelaria, Quezon noong Biyernes.
Kinilala ang biktima na si Joven Borja Non, residente ng Barangay Masalukot at CAFGU na nakatalaga sa Patrol Base ng 2nd Platoon ng 8th CAA Company, na nasa ilalim ng 59th IB, 2ID, ng Army.
Sa report ng Candelaria police, isang barangay tanod ang nadiskubre sa bangkay na nakabaon sa isang mababaw na hukay sa Sityo Trenta y Siete Ilaya sa nasabing barangay.
Ayon sa report, tinatayang nasa apat na araw ng nakalibing ang biktima base sa estado ng labi nito at sa lupang pinaglibingan.
Napaulat na nawawala ang biktima mula pa nitong nakaraang Linggo nang umalis sa kanilang bahay patungo sa kampo.
Ayon sa Candelaria police, mayroon na silang person of interest sa krimen na umano’y mga kamag anak din ng biktima.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang motibo ng mga salarin sa ginawang brutal na pagpaslang sa biktima.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon at inaalam kung ano ang ikinamatay nito.